0

Mga Mapagkunwaring hindi "raw" Nakikialam sa Buhay ng Iba...subali't matindi kung Manlibak

Posted on Monday, 30 March 2015



Mga Mapagkunwaring hindi “raw” Nakikialam sa Buhay ng Iba
….subalit, Matindi kung Manlibak
Ni Apolinario Villalobos

Naniniwala ako sa kasabihang, kailangan natin ng isang salamin upang makita ang dumi sa ating mukha. Sa ating buhay, ang salamin ay ibang tao na magsasabi sa atin ng ating pagkakamali. Kaya para sa akin, ang magbigay ng payo o magpuna ng pagkakamali ng iba ay hindi pakikialam, bagkus ay pagtulong upang maiwasto kung ano man ang dapat iwasto sa kanyang sinabi o ginawa. Hindi yong, kung kaylan siya nakatalikod ay saka magkukuwento sa iba na isang panlilibak.

Isang halimbawa ay kaibigan kong walang sinasabi kung kaharap ang kumare niyang maraming anak na halos ay naghahagdan na sa dami. Subalit kung wala na ito ay saka naman magsasalita ng mga hindi magandang pakinggan tulad ng pangungutang nito o di kaya ay pagpalya ng pamilya nito sa pagkain dahil wala man lang bigas na maisaing – lahat itinitsismis niya sa ibang tao, pati na sa akin kaya nalaman ko. Sa tagal ng kanilang samahan ay hindi man lang niya napayuhan ang kumare niyang maghinay-hinay sa pagpabuntis sa asawa nitong pa-sideline sideline lang ang trabaho. Para kasi sa kanya ay isang pakikialam ang magbigay ng payo sa kanyang kumare tungkol sa pagbubuntis nito. Baka daw kasi sagutin siya na baka naiinggit lang siya!

Sa isang party naman, may isang babaeng dumalo na kaibigan ng kausap ko. Nagulat ako nang mapansin kong parang nakakalat ang kanyang pulang lipstick. Sinabihan ko ang kaibigan kong bulungan ang kaibigan niya na kinawayan lang nito. Ang paliwanag ng kausap ko ay baka sabihin daw ng kaibigan ko na “usisera” siya, kaya hinayaan na lang niya kahit pinagtatawanan na ang kaibigan niya. Sinadya ko na lang sabayan ang babaeng nakakalat ang lipstick upang bulungan na tsekin ang kanyang lipstick dahil “parang kumalat”. Sinamahan ko siya sa isang tabi kung saan ay naglabas siya ng maliit na salamin habang hawak ko ang kanyang pinggan. Pagkatapos ay pabirong nagsabi na gawang Tsina daw kasi ang lipstick…nagtawanan na lang kami. Nalaman kong marami palang karinderya ang babae, masuwerte sa negosyo kaya kinainggitan siguro ng kaibigan niya niya na umaasa lang sa kita ng asawang drayber ng taksi. Nagkaroon tuloy ako ng pagkakataon na maimbita siyang tumulong sa grupo namin.

Isa namang kumpare ko ang madalas magreklamo tungkol sa katamaran ng kanyang manugang na babae, na sabi niya ay parang hindi babae dahil walang alam sa mga gawaing bahay. Ang payo ko sa kanya ay kausapin ang anak niya at asawa nito, subalit sinagot niya ako ng,  “ayaw ko, bahala sila sa buhay nila”. Binuweltahan ko siya ng, “ganoon pala, bakit ka naghihimutok, at sinisiraan mo pa sila sa akin?”. Sa bandang huli, dahil mga inaanak ko naman sa kasal ang tinutukoy niya ay ako na ang kumausap…at nakinig naman. Nang pasyalan ko uli sila, ang manugang na niya ang nagluluto para sa kanila.

Noong panahong lumala ang diktatorya ni Marcos, kung hindi nakialam ang mga Pilipino na naging dahilan ng pagkaroon ng People Power Revolution sa EDSA, ano kaya ang nangyari ngayon? Kung hindi seryoso sa pakialam ang mga korte sa mga anomalyang nangyayari sa gobyerno ngayon kahit pa sabihing trabaho nila, mabubulgar kaya ang mga nakawang ginagawa ng mga ibinoto sa puwesto? Kung hindi pursigidong makialam ang ibang mga senador na ibulgar ang ginagawa ng mga kawatang opisyal kahit sabihin pa ring trabaho nila, paano na lang kaya? Kung hindi sa pakikialam ng mga tao sa media, mabibisto ba ang mga anomalya sa gobyerno? Kung hindi nakialam si Hesus sa sangkatauhan na humantong sa pagligtas niya dito mula sa unang kasalanan, ano kaya ang nangyari?

May isang hindi ko makalimutang comment ng kaibigan. Ang sabi niya, baka kung makialam daw siya sa iba, baka umasenso pa ang mga ito at malampasan siya, kaya bahala na lang sila sa buhay nila! Ayaw kong banggitin ang religion niya, dahil baka magtatalo ang mga readers…

Discussion

Leave a response