Ang Wikang Pilipino na Nagiging Hybrid na
Posted on Wednesday, 11 March 2015
Ang Wikang Pilipino
na Nagiging Hybrid na
Ni Apolinario Villalobos
Darating ang panahon na ang pagiging dalisay ng wikang
Pilipino ay malulusaw, hindi na ito magiging “pure” Pilipino language. Magiging
isang wikang “hybrid” na ito. Marami na ang nagtuturing o nagko-consider na
corny pakinggan ang purong Pilipino na batay sa balarila o grammar. Sa
pagsusulat ay hindi pa ito masyadong pinapansin dahil hindi naririnig, subalit
kapag ginamit na sa pakikipag-usap, ang gumagamit ng mga talagang salitang
Pilipino ay tinatawag na corny. Iba kasi ang dating ng binabasa sa naririnig.
Para sa iba masakit sa tenga ang epek ng purong Pilipino kaya mas gusto pa
nilang may halong English na “converted” upang maging tunog Pilipino.
Kahit ang ginamit sa titulo na “wika” ay corny sigurado ang
dating sa iba na mas gugustuhin pang marinig o mabasa ang “salita”. Kaya sa
tanong halimbawa na “ano ang language ng Finland”, ang mangyayari ay, “ano ang
salita sa Finland” sa halip na “ano ang wika sa Finland”. Pati ang salitang “dialect”
ay walang talagang katumbas sa Pilipino kaya ang ginagamit ay “salita”. Kaya sa
magtatanong halimbawa kung “what is the dialect of those in Batanes”, sa
Pilipino it ay magiging, “ano ang salita ng mga taga-Batanes”. Pero, dapat
alalahanin na ang ibig sabihin ng salita ay “word”.
Tanggapin ang katotohanang dahil sa hindi nagagamit o
naririnig palagi ang maraming salitang Pilipino, ang turing sa mga ito ay
“malalalim” na. Halibawa ang salitang “nilinang” o “kalinangan” o “linang” na may kinalaman sa “culture”, “cultured” o
“developed” o “development”. Halos nakalimutan na ang mga nabanggit na salitang
Pilipino ngayon, dahil mas ginagamit ang salitang “dinibelop”, “nadebelop” o
“na-developed” o “ini-developed”, ang
matindi ay “na-culture”, at ang “culture” ay “kultura”.
Para sa akin, hindi masama ang ganitong nangyayari. Ang mga
pagbabago sa isang bagay ay tanda ng isang kaunlaran. Hindi nagiging kolonyal
ang takbo ng kaisipan ng isang Pilipino kung sa kanyang araw-araw na pananalita
ay gumagamit siya ng ibang salitang banyaga na naiintindihan naman ng ibang
Pilipino. Ganito ang nangyari sa Pilipinas noong kapanahunan ng Kastila, kaya
nagkaroon ng dialect na Chavacano sa Zamboanga at Cavite na may mga salitang
Kastila na hindi conjugated. At dahil palasak ang paggamit ng Kastila noon,
kinilala ang mga Pilipino bilang isa sa mga lahi sa mundong gumagamit nito. At
ngayon, dahil Ingles naman ang umiiral, marami na ring salitang Ingles na
kino-convert upang magamit sa wikang Pilipino. Ito ang dahilan kung bakit sa
buong mundo, kinikilala ang Pilipinas ngayon na isang bansang mahusay gumamit
ng wikang Ingles.
Sa blogging, upang “maunawaan” ng mga mambabasa ang
sinusulat, hanggang maaari ay mag-convert na lang ng ibang salitang Ingles
upang maging Pilipino, at hindi lumabas na corny dahil sa malalalim na mga
salitang madalas na lang gamitin sa mga tula. Dapat pagbigyan ang mga mambabasa
dahil sila ang makikinabang sa mga blogs, at instrument lamang ang mga
manunulat. I hope my message will be apresyited. Thanks din to you all sa
pagbasa nito….
Discussion