Ang Kagitingan ng Babae
Posted on Sunday, 8 March 2015
Ang Kagitingan ng Babae
Ni Apolinario Villalobos
Kung babasahin ang Bibliya, nakatala doon sa sinasabing
alamat ng paraiso, na ang dahilan ng pagsuway ni Adan sa utos ng Diyos ay babae, si Eba. Kung sinasabi din na silang
dalawa ay binigyan ng malayang kaisipan, ang ginawa ni Eba ay ang paggamit nito
dahil sa kagustuhan niyang mahigitan ang kaalaman ng Diyos. Masisisi ba natin
siya? Kung ang kaisipang ibinigay ng Diyos sa mga una niyang nilalang ay hindi
malaya, hindi sana nagpatukso si Eba sa ulupong, at si Adan ay hindi nagpadala
sa pangbubuyo ni Eba. Sa ginawa ni Eba, ipinakita niya ang lakas ng kanyang
loob na magpairal ng kanyang saloobin, kaya pati ang Manlilikha ay nakaya
niyang suwayin. At, kung hindi napalayas ang tatlo (kasama ang ulupong) mula sa
paraiso, hindi sana nagkaroon ng pagkakataon ang tao na masubukan ang kanyang
katatagan sa harap ng mga pagsubok na ibinigay ng Diyos.
Sa kasaysayan, maraming mga Ebang nagpakita ng kanilang
katapangan, katatagan at kagitingan. Unahin na natin si Maria na sinasabing ina ni Hesukristo.
Nagpakita siya ng katatagan sa pagharap sa nakasisilaw na anyo ng anghel nang
pagsabihan siya nito na dadalhin niya sa kanyang sinapupunan ang manunubos ng
mundo. Hindi siya nalito at natakot, sa halip ay tinanggap niya ang anunsyo ng
buong puso at katatagan, at sa kabila ng nakatakda nilang pagsasama bilang
mag-asa ni Jose.
Marami na rin ang mga naging bayaning babae, at ang
pinakamatunog na pangalan ay si Santa Juana (St. Joan), na maski sa kaliitan ay nagawa pa rin niyang pangunahan
ang isa sa pinakamadugong pag-aklas laban sa
mapanupil na hari noong kapanahunan niya na humantong sa pagsunog sa
kanya habang nakatali sa isang tulos. At sa makabagong panahon, ang isa sa
pinakarespetadong pinuno ng bansa ay si Indira Gandhi na hanggang ngayon
ay itinuturing na simbolo ng talino ng mga kababaehan.
Sa Inglatera, nagkaroon din ng babaeng pinuno, si Margaret Thacher,
na kinilala sa kahusayan niya sa pagharap sa mga bantang pinakita ng kalapit
nilang mga bansa. Sa Pilipinas, naman ay merong Corazon Aquino na sa kabila ng
kakulangan ng kaalaman sa pagpapatakbo ng gobyerno ay buong tapang na umako ng
mga responsibilidad sa ngalan ng kalayaan. Sa kasaysayan ng Pilipinas,
nababanggit ang kagitinigan ni Gabriela Silang, Teodora Alonzo at marami pang
iba, at sa isa pang alamat, si Prinsesa Urduja.
Marami pang mga kwento ng kagitingan ang umiinog sa katauhan
ng mga babae, mga matatawag na ring bayani at martir na pilit nilabanan ang
lungkot dahil sa pansamantalang pagkakalayo mula sa mga pamilya, kumita lamang
ng maayos sa ibang bansa. Sila ang mga binubugbog at pinagsasamantalahan ng mga
amo, at kung malasin ay isinasakay sa eroplano bilang cargo dahil nasa loob na
ng kabaong, maiuwi lamang sa Pilipinas. Sila ang mga babaeng halos pigilan ang
mga kamay ng orasan, magkaroon lamang ng mahabang pagkakataon upang kumita sa
pinapasukang beerh house bilang receptionist o mananayaw. Sila ang mga babaeng
maghapong nakatayo sa mga mall bilang mga dispatsadura. Sila rin ang mga
babaeng hanggang ngayon ay nasa kabundukan at pilit na pinaglalaban ang mga
karapatan ng mga inaapi. At sila ang mga babae na halos maputol ang hininga sa pag-ere, mailabas lamang ang
isang buhay mula sa kanilang sinapupunan.
Sila ang ating mga anak, asawa, kapatid, pinsan, tiyahin,
pamangkin, ina, lola, kapitbahay, kasambahay – mga nilalang na malimit hindi
maunawaan, kaya kung minsan, ang tanging paraan upang mabawasan ang sama ng
loob, ay ang pag-iyak na lamang. Subali’t hindi na ngayon, dahil unti-unti na
ring kinikilala ang kanilang kagitingan at dahil diyan, nagkakaroon na rin ng
imahe na dapat igalang.
Discussion