0

Dapat Tumahimik si Archbishop Tagle sa issue ng Mamasapano

Posted on Tuesday, 10 March 2015



Dapat Tumahimik si Archbishop Tagle
sa issue ng Mamasapano
ni Apolinario Villalobos

Dapat tumigil na si Obispo Tagle sa pakikisawsaw sa isyu ng Mamasapano. Bilang pinakamataas na opisyal ng simbahang Katoliko, dapat ay tumahimik na lang siya dahil inaasahan siyang nasa gitna. Hayaan na lamang niya ang iba pang mga taga-simbahang Katoliko na hindi naman pinaniniwalaan mula’t sapol.

Hindi pwedeng sabihin ng Obispo na dapat daw ay pagkatiwalaan ang MILF. Dapat maliwanagan ang Obispo na ang kinukwestyon ay ang mga taong namumuno sa MILF, hindi ang MILF bilang grupo. Kilala ba niya ng personal ang mga namumuno sa grupo kaya nagbitaw siya ng ganoong salita? Dahil sa kuwestiyonableng layunin ng mga namumuno, nalagay sa balag ng alanganin ang Bangsamoro Basic Law (BBL). Marami silang inilagay na mga alituntunin na kuwestiyonable na hindi man lang nasita ng mga representante ng gobyerno na sina Deles at Ferrer – yon ang isyu.

Bakit walang taga-simbahan ng Katoliko sa “prayer meeting” sa Malakanyang noong March 9, 2015? Dapat ang Obispo ay nandoon upang nakapagtanong man lang siya sa ngalan ng kanyang mga “tupa” na galit sa presidente, at upang lalong “tumibay” ang pagkabilib niya sa pangulo na gustong paaprubahan ang BBL na walang babaguhin sa kabila ng nakakalinlang na mga probisyon, kaya labag sa Saligang Batas ng bansa. Nasaan ang Obispo noong March 9, 2015? Hindi ba siya imbitado, dahil wala nang bilib sa simbahang Katoliko ang presidente?

Mabuti pa ang lider ng Jesus is Lord Movement (JILM), na si Villanueva, na maliban sa pag-emcee ay nagbigay pa ng mungkahi na sana ang probisyon tungkol sa religious freedom ay mabigyan ng “ngipin” at “laman” o substance, upang lumabas na hindi lamang ito hanggang sa papel. Sa kasamaang palad, bilang sagot ay binasa lamang ng pangulo ang “preamble” ng BBL na wala namang laman. Kaya tulad ng dati, parang wala ring kinahinatnan ang mahalagang tanong. Ang gusto lang sanang mangyari ni Villanueva ay hindi ma-prosecute ang mga hindi Muslim sa isang region ng mga Moro, lalo na ang mga Kristiyanong misyonaryo at misyonarya. Sa ginawa ng presidente malinaw na hindi ito nagpakita ng pag-alala, na lalong nagpatibay sa paniniwala ng mga nakarinig sa sinabi niya, na talagang wala siyang pakialam kung ano man ang kahihinatnan ng mga gusto niyang mangyari tulad ng pagpapatupad ng BBL.

Paalala lang… isa sa dahilan kung bakit kailangang ma-define na mabuti ang Islamic Region kaya ang pangalan ay “Bangsamoro” ay upang mapaigting pa ang kampanya na “balik-Islam”, isang world-wide movement. Sana ay hindi magkaroon ng negative  “religious competition” between Christians and Muslims sa magiging region na Bangsamoro.  Ito sa palagay ko ang dahilan kung bakit nagmungkahi si Villanueva ng JILM na dapat specific ang mga provision sa BBL tungkol sa “religious freedom”. At, ito ang hindi naiintindihan ng presidente, ni Ferrer at Deles.

Kung nasa “prayer meeting” si Obispo Tagle, sana ay harap-harapan niyang narinig ang pag-alipusta ng presidente kay Napena nang mistulang duruin niya ito sa pamamagitan ng mga bintang dahil ito raw ang talagang dapat sisihin sa Mamasapano massacre, samantalang ni hindi man lang nabanggit ang best friend nito na si Purisima na nakialam kahit suspendido.

Kung gusto ng Obispo na hindi siya maipit sa palitan ng mga masasakit na pananaw tungkol sa Mamasapano massacre, lalo pa at wala naman siyang masabing malinaw, dapat ay tumahimik na lang siya. Iba ang ginagawa ng Santo Papa na gusto yatang gayahin ng Obispo. Ang Santo Papa ay nagbabahagi ng mga makatotohanang pananaw dahil batay ang mga ito sa mga talagang nadanasan niya. Meron ba siyang mga karanasang tulad ng sa Santo Papa? Kung wala, tumahimik na lang siya, at atupagin ang pagbabago sa simbahang Katoliko upang mabawasan ang mga lumilipat sa mga bagong sektang Kristiyano, lalo na sa Islam, dahil sa panawagang “balik-Islam”.


Discussion

Leave a response