0

BJ Calawigan Aganus: Ang "Cool" na Chairman ng Barangay Real Dos, Bacoor City

Posted on Monday, 23 March 2015



BJ Calawigan Aganus: Ang “Cool” na
Chairman ng Barangay Real Dos, Bacoor City, Cavite
Ni Apolinario Villalobos

Ang pinakamahirap na isulat ay tungkol sa isang tao, lalo pa at buhay pa ito, dahil ang isang maling salita na mababanggit ay lilikha na ng malaking reklamo o di naman kaya ay pagtatampo. Subalit iba kung ang buhay ng taong gagawan ng kuwento ay nasubaybayan na mabuti ng magsusulat. Kaya sa katulad ni BJ Calawigan Aganus na ngayon ay Chairman ng Barangay Real Dos, ng Bacoor City, Cavite, ako ay kampante dahil maski papaano ay nasubaybayan ko ang kanyang paglaki.

Mula pa noong kanyang kabataan ay hindi nagbago ang ugali niyang mapagpakumbaba at may mahinahon na boses, walang angas o yabang. At lalong higit ay magalang sa mga nakakatanda. Dumadayo siya sa aming subdivision upang maglaro ng pingpong sa Multi-purpose Hall, dahil wala pa noong basketball court, at ang subdivision naman nila ay bagong developed pa lamang kaya ang ibang bahagi ay bukid pa rin. Ang pinakamalayong narating nila ng kanyang mga kabarkada na taga-amin din ay ang bukid sa bandang silangan ng aming subdivision. Sa lugar na ito kasi ay maraming gagamba, at may maliit na sapang maraming tilapia, hito at dalag. At sa pagkakaalam ko, kahit na may hitsura siya o porma, hindi siya ang tipong mahilig manligaw. At ang pinakamahalagang alam ko tungkol sa kanya ay ang pagtrabaho niya sa murang gulang kaysa maigugol sa barkada ang kanyang panahon. In fairness sa kanya, hindi pa rin naman nagbago ang pakikitungo niya sa kanyang mga kababata at mga kabarkada kahit ngayong Barangay Chairman na siya.

Lumaki siya sa isang tahanan na ang pinairal ay respeto at disiplina, lalo na’t ang kanyang ama, si Cesar ay sumasakay sa barko at kung “bumaba” upang magbakasyon ay sa loob ng isang buwan lamang. Dahil sa ganoong sitwasyon, naipairal ng kanyang ina na si Sophie ang disiplina na dinala ni BJ hanggang ngayong may sarili na siyang pamilya.

Sa gulang na halos dalawampu’t apat na taon pa lamang ay nahirang siyang isa sa mga Konsehal ng Real Dos, ang pinakabata sa konseho. Nakitaan siya ng tiyaga hindi lang ng kanyang mga kasamang opisyal. Kaya sa pagtapos ng termino ng Barangay Chairman na si Vill Alcantara, ay hindi na pinagtakhan ang kanyang pagtakbo dahil na rin sa pambubuyo ng mga taong may tiwala sa kanya. At, tulad ng inaasahan, siya ay nanalo bilang Barangay Chairman.

Ngayon, sa gulang na halos tatlumpo’t dalawa, pinipilit ni BJ na magampanan ang mga responsibilidad ng isang Barangay Chairman sa kabila ng kaliitan ng badyet dahil ang Barangay Real Dos ay siyang pinakamaliit sa sukat at badyet sa buong Bacoor. Maraming problema ang barangay na ibinahagi niya sa pinakahuling balitaktakan na nangyari para sa lahat ng nasasakupan noong ika-21 ng Marso. Buong pagpakumbaba siyang humiling ng pang-unawa sa mga nakadalo. Ang mga lumabas namang mga komento at tanong ay buong hinahon at pagpakumbaba pa ring kanyang sinagot. Katulong niya sa pagpaliwanag sina Kagawad Elena Diala at Kagawad Pojie Reyes na may mga nakatalaga ding proyekto para sa barangay.

Sa naturang miting, hindi naiwasang may maglabas ng mga hiling para sa kani-kanilang subdivision. Upang maipaabot sa mga ka-barangay ang kanyang pagiging patas, ang hindi ko makalimutang sinabi niya ay: “may hiling din nga po ang nanay ko para sa kalye namin, pero hindi ko pinagbigyan dahil mas gusto kong unahin ang iba na mas nangangailangan”.  Ang linyang yon ang nag-udyok sa aking gumawa nitong blog. Naalala ko ang kasabihang naging popular noong panahon ni Marcos na “what are we in power for” at noong panahon ni Erap Estrada na  “weather, weather lang yan” na ibig sabihin ay “ panahon namin ngayon… hintayin ninyo ang panahon ninyo”. Nagbigay inspirasyon sa akin ang sinabi ni BJ, dahil naisip ko na sa panahon ngayon, meron pa palang opisyal ng gobyerno na hindi korap.

Tadtad ng akusasyong may kinalaman sa korapsyon ang gobyerno, at hindi madali ang maging opisyal dahil iisipin agad ng ibang ikaw ay korap din. Alam ni BJ ang kanyang pinasok. Sarado Katoliko ang kanyang pamilya. Sa pakipag-usap ko sa kanyang nanay, nabanggit nito na ang unang paalala niya sa kanyang anak ay ang pag-iwas sa anumang bagay na ikasisira ng pangalan nila, na ibig sabihin ay huwag na huwag niyang idildil ang kanyang daliri sa mga bagay na may kinalaman sa korapsyon. Idiniin niya ang paalala sa pagsabi na kung ganoon din lang ang mangyayari, mabuti pang bumaba na lang siya sa puwesto.

Mapalad si BJ si pagkaroon ng asawa na siyang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon, si Kat Ramos, tubong Cavite. Ang nanay naman niyang tubong Tigbauan, Iloilo, bukod sa malambing ay masikap din kaya nagtugma ang mga ugali nila ng kanyang manugang na masinop din sa buhay. Ang tatay naman niya ay tubong Batac, Ilocos Norte – isang Ilocano, kilala sa pagiging maingat sa paghawak ng pera na malamang ay namana rin ni BJ.

Katuwang ni BJ ang mga hindi nagrereklamo at masisipag ding kagawad ng Barangay sa kabila ng maliit nilang allowance na kulang pang panggastos sa pang-araw araw na pangangailangan ng kanilang pamilya. Ang Barangay Real Dos ay kinaaniban ng mga subdibisyong Perpertual Village 5, Luzville, Silver Homes 1 at Silver Homes 2, at  ito ang pinakabagong barangay ng Bacoor, na tulad ng nasabi ko na ay may pinakamaliit na budget, kaya talagang hindi biro ang ginagawa ng mga opisyal na pagkasyahin ang anumang budget na maitalaga.

Ang pinakahuling proyektong naipatupad ng kasalukuyang administrasyon ng Barangay na una nang naihain noong panahon ni Barangay Chairman Alcantara, ay ang  pagpasemento ng natitirang tatlong kalsada ng Perpetual Village 5, na ang suporta ay nakalap naman mula kay Gobernador Jonvic Remulla. Ang iba pang mga proyekto ng barangay ayon kay Chairman BJ ay ang paglilinis ng ilog na magsusuporta sa programa ng city government tungkol sa nature conservation, sanitation at beautification. Bukod pa dito ay ang paglalagay ng mga CCTV camera sa paligid ng Barangay, at ang pagpapa-igting ng mga alituntunin na may kinalaman sa seguridad at droga. Handa rin ayon sa kanya ang Barangay, magkaroon man ng baha dahil ito ay nasa tabing-ilog, at bilang patunay ay ang naka-istambay na isang malaking bangka na galing kay Mayor Strike Revilla.

Napatunayan sa Real Dos na hindi kailangang “trapo” o tradisyonal politician ang isang tao upang maging isang epektibong opisyal…at yan ay sa katauhan ng tinaguriang “Cool Barangay Chairman” – si BJ Calawigan Aganus. Ang “B” pala sa “BJ” ay Brian kaya ang buong pangalan niya ay Brian Calawigan Aganus, for the record. Ang “J” naman ay saka nyo na malalaman.

(NOTE: Hindi ako nakahingi ng abiso kay G. BJ Aganus, sa isinulat kong ito at nagdadasal na lamang ako na sana ay huwag sumama ang loob niya dahil sa pakikialam ko sa kanyang buhay.)



Discussion

Leave a response