0

Leeg Mo, o Leeg Ko...Leeg mo na lang!!! (nang bitawan ni Pnoy si Purisima)

Posted on Tuesday, 3 March 2015



Leeg Mo, o Leeg Ko
…Leeg mo na lang!!!!
ni Apolinario Villalobos

Nasaan ngayon ang “tapang” ng Presidente ng Pilipinas? Akala ng marami ay ayaw niyang bitawan ang BFF niyang si Purisima, subalit ngayon ay tone-toneladang sisi ang ibinabagsak niya dito dahil sa kapalpakang nangyari sa Mamasapano na nagresulta sa pagkamasaker ng 44 na SAF commandos. Ginamitan niya ng teknikalidad si Purisima dahil nakialam daw ito maski suspendido. Alam na ng lahat iyan. Dapat maging original naman sila sa Malakanyang. Sino ba ang nagpatawag kay Purisima sa Malakanyang? Sino ba ang nagbigay dito ng lakas ng loob upang sabihan nito si Napeas ng “ako na ang bahala sa dalawa” na ang tinutukoy ay ang OIC ng PNP at namumuno ng AFP? Bakit ngayon lang nagsalita si Pnoy tungkol dito?

Nagteknikalidad na rin lang sila sa Malakanyang, sana ay nilubos na nila upang kung kulang pa ang paghugas-kamay ni Pnoy laban kay Purisima ay maituturo rin si Napeas na may sala dahil “sumunod” ito sa “payo” ng isang suspendidong opisyal, kahit hepe pa niya. Puwede pa siguro nilang ihabol sa isang presscon.

Ang nakakahiya ay “kinain” ni Pnoy ang buong tapang niyang pag-ako ng responsibilidad sa nangyari sa Mamasapano, nang magsalita ito sa isang interbyu. Dahil sa ginawa niyang paghuhugas-kamay, lalong nakulapulan ng kahihiyan ang pangalan ng kanilang pamilya. Kaya pati tuloy mga kilalang kamag-anak ay ikinahihiya siya. Kulang ang salitang “nakakahiya” upang i-describe ang ginawa ni Pnoy. Ang dapat na salita ay “nakakamatay-sarili” (bagong salita ko yan na ginawa ko, regalo ko kay Pnoy).

Ngayon, saan ang pinagmamalaki naman ni Purisima na “friendship” nila ng Presidente, na kapalit ng pagligtas “daw” niya dito sa isang kapahamakan? Sino ngayon ang naiwang nakanganga at nakatunganga? Hindi na bago ang katotohanang, sa mundo ng showbiz at pulitika ay walang permanenteng kaibigan…at dapat ay alam ito ng lahat na sumasawsaw sa pulitika. Hindi na pakitang-tao o drama ang ginawang pagbitaw ni Pnoy kay Purisima kaya dapat ay matauhan na siya o maudlot at gumising mula sa isang mala-fairy tale na panaginip!

Kung noon pa man sanang hindi pa malala ang mga pagpuna kay Purisima, subalit marami na ang nanawagan sa kanyang pagbitaw at sinunod naman niya, ngayon sana ay sitting pretty na lang siya sa mansion niya sa Nueva Ecija. Talagang mahirap dumikit sa dingding na ampaw dahil mabubutas ito at ang dumidikit ay lulusot!

May pag-asa pa naman yata si Purisima. Labanan din niya ng teknikalidad ang ginawa sa kanya ni Pnoy. Mas marami pang kakampi sa kanya kung gagawin niya ito dahil marami na ang galit sa Presidente at kahit saang anggulo titingnan ay talagang hindi pwedeng balewalain ang “command responsibility” sa mga nangyaring pakikipag-ugnayan niya dito na humantong sa Mamasapano massacre. Subalit….yan ay kung matapang si Purisima! Paano kaya kung lumapit si Purisima sa mga kilalang kamag-anak ni Pnoy at hingan ang mga ito ng tulong?...tanong lang ito, ganyan naman kasi ang kalakaran ng pulitika sa Pilipinas - baligtaran….nakakasuka!!!

Discussion

Leave a response