0

Ang Global Positioning System (GPS) sa Bus...bagong ningas-kugon na naman ng pamahalaan?

Posted on Friday, 6 March 2015



Ang Global Positioning
System (GPS) sa Bus
…bagong ningas-kugon na naman ng pamahalaan?
Ni Apolinario Villalobos

Kahit kaylan, puro ningas-kugon ang mga alituntuning pinapatupad ng mga ahensiya ng gobyerno. Magaling lang sa umpisa dahil sa milya-milyang photo opportunities at promotion sa media, subalit tulad ng apoy na nagpaningas ng kugon ay sandali lamang ang itinatagal. Hindi pa nga nasasawata ang mga kolorum na mga bus sa kalye, gusto na namang magpatupad ng paglagay ng Global Positiong System (GPS) sa mga bus…upang masita raw ang mga nagpapaharurot na mga bus drivers. Ang mga legal ay pasok sa panukala, subalit paano ang mga kolorum na halos kasing-dami na rin ang tumatakbo sa mga kalsada? Bakit hindi rin atupagin ng LTFRB and panukala tungkol sa paglagay ng mekanismo sa bus na magkokontrol sa selenyador nito kung umaabot na ang bilis sa itinakda? Dahil ba maliit ang kita dito at mas malaki ang sa GPS? Kahit pa sabihin ng ahensiya na hindi sila ang magbebenta ng mga GPS, kundi mga “accredited” outlets lamang, ganoon pa rin ang kuwenta…kanya-kanya pa rin ang mga tauhan nito sa referral. Hindi ba ganito ang nangyari sa requirement sa drug test na gamit ay ihi ng driver?

Sana ang gawin ng mga ahensiyang Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO) ay magtulungan ng tuluy-tuloy o consistently, sa paggawa ng mga alituntunin upang hindi mabigyan ng lisensiya ang mga barumbadong driver, kahit na ang nagmamaneho ng pribadong sasakyan. Dapat din silang magtulungan, consistently pa rin,  sa paghuli ng mga kolorum na mga sasakyan. Napakaraming mga batas ang hindi naipatutupad tulad na lang ng “no smoking” sa mga sasakyan kaya dahil sa kaluwagan, mismong mga driver ng mga jeepney ay hindi nasasawata sa ganitong gawain. Ganoon din ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho. Pati na ang pagsakay at pagbaba ng mga pasahero sa hindi tamang lugar. Marami pang iba….mga napakagagandang mga batas na sa Pilipinas lang gawa, subalit hindi naipapatupad!

Ang nakakasulasok nang style kasi ng mga ahensiya ng pamahalaan ay kikilos lang kung ganado ang mga tauhan nila. Dahil sa kanilang bulok na sistema, ang mga tiwaling driver ay nagbabakasali naman…na ang pinapakitang ugali ay isa pa ring masamang uri – ang palusot! Idagdag pa diyan ang talamak na lagayan na hindi pa rin nakokontrol ng mga CCTV na ang iba ay dispalinghado naman. Dahil diyan, wala na yatang pag-asa pa na gumanda o maging maayos ang paggamit ng kalsada sa Pilipinas, dahil kung pabaya ang nagpapatupad ng batas, magaling namang magpalusot ang lumalabag dito. Sa Pilipinas lang yan!!!!




Discussion

Leave a response