Ang Pagninilay-nilay tuwing Semana Santa
Posted on Friday, 27 March 2015
Ang Pagninilay-nilay
Tuwing
Semana Santa
Ni Apolinario Villalobos
Uumpisahan ko ang share na ito sa pagpuna tungkol sa ilang
bagay tungkol sa ginugunita ng mga Katoliko. Tulad halimbawa ang “semana santa”
na sa Ingles ay “holy week”, at kung tagalugin ay “banal na linggo” pero hindi
ganoon ang nangyayari dahil ang ginagamit ay “mahal na araw” na tumutukoy sa
“isang araw” lang…anong araw ito? Biyernes santo ba? Sa dasal na “Hail Mary…”
kung sa Tagalog, ito ay “Aba Ginoong Maria…”. Bakit naging “ginoo” ang birheng
Maria? Ang “ginoo” ay pantukoy sa lalaki. Bakit hindi, “Binibining Maria” o
“Ginang Maria” at lalong sana ay “Birheng Maria” dahil siya ay babae? Sigurado
kong marami ang magtataas ng mga kilay sa pagpuna kong ito.
Kaya ko inunahan ng mga pagpuna ang isinulat kong ito ay upang
ipakita na karamihan sa mga gumugunita sa Semana Santa, ang pananampalataya ay
ampaw…walang laman. Ang mga dasal, minimemorays, hindi pini-feel sa puso. Kung
susunod sa mga panuntunan ng simbahan, parang wala sa sarili kung gawin ito,
hindi iniisip. Kaya sa binanggit ko sa unang paragraph, maaaring kung hindi ko nasabi
ay hindi rin mapapansin, dahil sa ugali ng karamihan na kung i-describe ay
“parang wala lang”.
Maraming paraan ang pagtitika at pagninilay-nilay sa
paggunita ng Semana Santa tulad ng pagbisita Iglesia…paramihan ng pinupuntahang
simbahan, subalit ang nakakalungkot ay hindi nila pagpalampas sa pag-selfie sa
harap mismo ng altar! Pagkatapos ng mga pasyalang ginawa ay magpo-post sa
facebook ng mga selfie, pati ng mga pagkaing nabili sa paligid o harap ng
simbahan. Isa pa ring paraan ay ang tinatawag na “staycation”…ang hindi
pag-alis ng bahay o bayan o lunsod kung saan nakatira, dahil marami rin namang
magagawa maski hindi na lumabas pa. Sa ganitong paraan, nakatipid na ay
nakapag-bonding pa sa mga mahal sa buhay, subalit karamihan pala ay nanonood
lang ng mga DVD ng na-miss na mga pelikula!
Ang mga may perang
magagastos, dumadayo pa sa mga bayang nakakaakit din ng mga dayuhang turista.
At ang iba naman ay pinipili ang mga resort, swimming pool man o dagat upang
mas maganda daw ang ambience ng pagninilay o pagmi-meditate….sana. Yong iba kasi, ang pinagninilay-nilayan ay
ang mga naka-bikining nagsi-swimming. Pero, ang matindi ay ang mga astig, na ang
pagninilay ay ginagawa sa harap ng mga bote na ang etikitang nakadikit ay may
imahe ng demonyo at ni San Miguel Arkanghel!
Ang mga pilosopo naman ay nagsasabi na taunan naman ang
pagninilay-nilay at paghingi ng tawad o paglinis ng ispiritwal na aspeto ng
pagkatao, kaya huwag mag-alala kung nakaligtaang magbisita Iglesia,
magpinetensiya, o sumali sa pagbasa ng pasyon sa kasalukuyang taon dahil marami
pang mga taon na susunod, at upang idiin ang pagkapilosopo, may dagdag pa na:
“habang buhay…may pag-asa”.
Ngayon, magtataka pa ba tayo kung bakit ang mundo ay tila
niyuyugyog ng mga sunud-sunod na kalamidad? Idagdag pa diyan ang mga giyera sa
pagitan ng magkakapitbahay na mga bansa at pagkalat ng mga terorista sa iba’t
ibang bansa upang maghasik ng karahasan? At huwag ding kalimutan ang gutom at
mga sakit na ang iba ay wala pang lunas.
Dahil sa labis na talino at pagkagahaman ng tao, nawalan na
siya ng katinuan at kinalimutan na ang Manlilikha, kaya hindi lang simpeng
pitik ang nararapat kundi mararahas na pambukas ng kanyang mga mata at
kaisipan!
Discussion