0

Si Hesukristo...

Posted on Sunday, 29 March 2015

Si Hesukristo…
Ni Apolinario Villalobos

Kapayakan ng buhay ang kanyang ipinamalas
Sa sabsaban pa lang kung saan siya’y inihimlay ni Maria
Walang trumpetang hinipan upang ihudyat ang pagdating niya
Bagkus, isang nakasisilaw na bituin ang nakita – liwanag ng pag-asa.

Sa murang gulang ay nagpakita ng katalinuhan
Sa templo kung saan siya’y di nagpatalo sa mga Pariseyo
Maraming namangha’t nagulat sa ipinamalas na angking talino
Ang hindi nila alam, siya’y anak ng Diyos, Tagapagligtas, isang Sugo.

Buong pagpakumbabang nagpabasbas kay Juan
Santong itinuring, isinugo rin upang tumulong sa paghanda
Paghanda na kay Kristo ay nakalaan sa pagtubos ng sangkatauhan -
Na ayon sa Bibliya… pagtubos mula sa batik at bigat ng unang kasalanan.

Sakay ng buriko, hindi kamelyo, kabayo o karwahe
Sinalubong ng isinigaw na pagbati at wagayway ng palmera
Ganyan kababaang loob ang sa sambayanan ay kanyang ipinakita
Kahit na turing sa kanya ay magiting na manunubos kaya dinadakila!

Payak na hapunang tinapay, tubig, matamis na alak
Pinagsaluhan upang ipahiwatig, sa mundo’y natirang sandali
Naghugas din ng paa ng mga disipulo niya, pati kanilang mga binti
Pinakadakilang pagpakumbaba ni Kristo, na dapat gayahin nating gawi!

Sa Getsemani kung saan siya ay pinawisan ng dugo
Nakipag-usap siya sa Amang nagbigay ng mabigat na pasanin
Dito, sa tatlumpong pilak siya’y isinuplong ni Hudas na disipulo rin
Pagpapakita na minsan, nabubulag ang kaibigan ng masamang hangarin!

Hindi inalintana ang baku-bako at mabatong landas
Ilang beses na nagkandaluhod, bumagsak, mukha ay duguan
Nilibak at kinutya, hinagupit ng latigo, at walang sawang dinuraan
Subali’t di niya inalintana, dahil buong pusong tinanggap ang kamatayan!

At sa ibabaw ng Kalbaryo’y nasaksihan ang pagtubos
Isang magiting na pagtupad ng mabigat at banal na misyon
Ng isang Hesukristo, na ang pagkilala’y walang hinihinging panahon…
Ng isang Hesukristo, takbuhan at hinihingan ng tulong hanggang ngayon!


MAGBAGO NA TAYO…ALANG-ALANG KAY HESUKRISTO!!!!  

Discussion

Leave a response