0

Bakit sa Bakuran ng Malakanyang Nagpahayag si Pnoy ng "katotohanan" tungkol sa Mamasapano massacre? ....at bakit huli na?

Posted on Tuesday, 10 March 2015



Bakit sa Bakuran ng Malakanyang Nagpahayag si Pnoy ng “katotohanan”
tungkol sa Mamasapano massacre?...at bakit huli na?
ni Apolinario Villalobos

Ang sinisisi ngayon ng taong bayan sa mga nangyayari kay Pnoy ay ang kanyang mga walang binatbat daw na mga tagapayo. Kung hindi kasi ampaw ang kanyang mga sinasabi ay palaging huli na tulad ng talumpati niya sa “prayer meeting” sa bakuran ng Malakanyang noong March 9, 2015. Sa unang putok ng eskandalo ng Mamasapano massacre, inamin niya ang responsibilidad at hindi niya dinamay si Purisima, habang si Napeas naman ay abut-abot ang pag-emote sa pag-amin din ng responsibilidad. Ito ay kahit na ang mga pahayag niya (Napeas) sa isang imbestigasyon ay nagtuturo din kay Purisima bilang sangkot dahil sa pakikialam kahit na suspendido. Pagkatapos ng pag-amin ng presidente, ay wala na siyang sinabi pa kaya nabitin ang mga Pilipino dahil hindi siya nagpaliwanag nang maayos o sa malinaw na paraan. Payo kaya ng  mga “adviser” niya?

Nang lumutang ang posibilidad na maaaring madagdag sa kaso niyang illegal na paggamit ng DAP ang isyu sa “command responsibility” niya sa Mamasapano massacre ay tila nagpahapyaw na ito ng pagbago sa kanyang binitiwang pag-amin, hanggang humantong sa pagbitaw niya kay Purisima na itinuro niyang may kasalanan tulad ni Napeas. Malamang ay nabahala na siya dahil baka matulad siya kay Gloria Arroyo. At sa pinakahuling drama niya sa Malakanyang nang mag-organize ang mga tauhan niya ng “prayer meeting”, lalong naging 360 degrees ang kanyang pag-ikot, dahil direkta na niyang sinabi na wala talaga siyang kasalanan at ang itinuturo na lang ay si Napeas na nanloko pa sa kanya…si Purisima naman ay nabura sa kanyang talumpati dahil hindi nabanggit na may kasalanan din! Mistulang inabsuwelto niya ito…sinadya kaya ng script writer niya?

Ang mga umatend ng “prayer meeting” ay napakaraming pastor ng iba’t ibang born-again Christian movements at mga sektang Protestante…wala ni isa mang Katolikong pari. Kaya siguro malakas ang loob ng presidenteng magsabi ng “katotohanan” dahil ang turing niya sa mga umatend ay mga kakampi niya. Ang ibang pari kasi na Katoliko ay bumabatikos sa kanya at nagpapababa pa nga sa kanya sa puwesto!

Dapat ay umatend ang Obispo ng mga Katoliko na si Tagle dahil bilib naman siya sa presidente, at nakadagdag sana siya sa bilang ng mga kakampi nito. Ang talumpati niya ay halatang itinayming upang magamit na batayan sa ginagawang “summary of facts” ng Board of Inquiries” (BOI) ng PNP. Malamang huli na nang pumasok itong ideya sa utak ng kanyang mga “advisers” kaya tatlong beses na-postpone ang pag-submit ng report ng BOI. Subalit saan mang anggulo titingnan ang strategy ng Malakanyang ay dispalinghado naman dahil mas naunang nagsabi ng “katotohanan” si Napeas sa harap nina Mar Roxas, mga opisyal ng PNP at military. Akala siguro ng “advisers” ni Pnoy ay bright na sila at mailulusot na nila ito!

May script kaya ang okasyon? Kung meron man, may isang pastor na hindi siguro nabigyan ng kopya dahil nagtanong pa ito tungkol sa love life ng presidente na sa pagkakaalam ng mga Pilipino ay isa sa pinakaiiwasang topic.  Kaya ang mga reporters sa Malakanyang ay bawal yatang magbanggit sa kanya ng nabanggit na dalawang bad words. Sana, nagtanong na lang ang pastor ng tungkol kay Gloria Arroyo at siguradong aabutin ng takipsilim ang sasabihin pa ng presidente….magiging masaya ang okasyon dahil aabutin na ng hapunan!...Sayang!

Sinabi ng pangulo hindi na mauulit ang “panloloko” sa kanya ni Napeas. Bakit? Si Napeas lang ba, kung totoo man ito? Bakit hindi niya buksan ang kanyang mga mata upang makita niya kung anong uri ng mga tao ang  nakapaligid sa kanya na patuloy na nagdidiin sa kanya upang lalo pa siyang lumubog? Siguro dapat kurutin din niya ang kanyang sarili upang siya ay magising…

Discussion

Leave a response