Ang LRT at MRT
Posted on Monday, 2 March 2015
Ang LRT at MRT
Ni Apolinario Villalobos
Ang LRT ay ginawa noong panahon ni Marcos. Hanggang ngayon,
ilang dekada na ang nakalipas ay wala halos narinig na aberyang nangyari sa
pagpapatakbo nito. Ang MRT ay ginawa noong panahon ni Gloria Arroyo. Iilang taon
pa lang ang nakalipas, nakakapanindig-balahibong mga aberya na ang sunud-sunod
na nangyari at nangyayari na ang iba ay magkasunod sa iisang araw. Ang sabi ng
marami, noong panahon ni Marcos, takot ang mga opisyal na gumawa ng
katarantaduhan kaya magaganda at de-kalidad ang mga proyekto. Isa lang daw kasi
ang korap. Subalit pagkapatalsik kay
Marcos, nawala na ang takot ng mga opisyal kaya nagkanya-kanya na ng
pangungurakot na ang direktang naapektuhan ay ang kalidad ng mga proyekto – isa
na diyan ang MRT.
Nitong huling mga araw, naglabasan ang mga kuwento tungkol
sa mga imported na materyales pangkonstruksiyon na mahina ang klase. Nariyan
ang yero na animo ay cardboard sa kalambutan at bakal na kahit sa tagal ng
pagkakatambak ay “lumiliyad” sa kalambutan. Isa sa mga “sakit” ngayon ng MRT ay
ang pagkakaroon ng lamat ng mga riles na bakal, kaya kamakailan lamang ay
kailangang paigsiin ang oras sa pagpapatakbo nito upang magkaroon ng panahon sa
pagkumpuni ng riles tulad ng pagputol ng bahagi na may lamat upang mapalitan ng
bago. Ang nakakabahala dito ay hindi na buo ang riles kaya mas lalong malaki
ang posibilidad na ito ay maghiwalay sa dugtungan at mangyari ang pagkadiskarel
ng mga bagon! Paano na kung sa pagkadiskarel ng mga bagon ay nahulog pa ang mga
ito?
Ang tanong ngayon ay kung bakit hindi iginaya ang sistema ng
MRT sa maayos na sistema ng tumatakbo nang LRT, lalo na sa klase ng materyales
at disenyo upang “nagkakahiraman” ang mga ito ng mga kailangang piyesa, at
upang ang pagmintina ay hindi mahirap. Hindi dapat idahilan ang bidding na
dapat ay mababa dahil ang nakasalalay ay ang pangmatagalang paggamit at buhay
ng mga mananakay.
Kamakailan pa rin ay nagkaroon ng isyu tungkol sa
pangungurakot daw ni Vitangcol na dating namuno ng MRT, kaya tuloy nahantad na
ang dahilan ng paghihingalo ngayon ng mass transport system na ito ay ang
walang takot na pangungurakot!
Sa ngayon pinapatakbo ang MRT kahit may agam-agam pa rin
upang kahit papaano ay maibsan ang problema sa pagbiyahe ng mga taga-Manila.
Subali’t hanggang kaylan sila pahihirapan ng pag-alala na anumang sandali ay
may sakunang mangyayari sa kanila….na sana ay huwag naman?
(LRT – light rail transit; MRT – metro rail transit)
Discussion