Only in the Philippines - "surprise inspection" na ina-announce pa, atbp...
Posted on Friday, 6 March 2015
Only in the
Philippines-
“Surprise inspection”
na ina-announce, atbp…
Ni Apolinario Villalobos
Sa Pilipinas lang talaga nangyayari, na ang isinasagawang
“surprise inspection” ng isang ahensiya ay ina-announce one day before at
nag-iimbita pa ng media representatives. Dahil may mga kamera at mga reporter,
siyempre ang mga namumuno ng ahensiya ay nandoon maski ang gagawin lamang ay
tatayo at magpapa-interview para magkaroon ng mileage sa exposure, sayang din
nga naman kung may balak tumakbo sa eleksiyon.
Sa kaso ng mga bus na palaging nirereklamo dahil sa mga
disgrasya, bakit hindi alamin ang mga schedule ng mga ito upang bago
magsi-alisan sa terminal ay ma-inspection na ng talagang inspector kahit
madaling araw? Kahit madaling araw pa
lang, dapat gawin ang inspection habang nakaparada ang mga bus, hindi yong
itataon nila sa pagputok ng araw kung kaylan ay marami nang mga mananakay ang
nakasakay na o nakapila. Hindi na kailangang magpakita pa ang mga naka-barong
tagalog na mga boss dahil masakit sila sa paningin at nagdudulot lang ng
pagkainis sa mga Pilipinong akala nila tanga. Namumura tuloy sila nang hindi
nila alam.
Sa kaso naman ng inspection sa mga palengke lalo na kung may
mga reklamo tungkol sa presyo ng mga bilihin at mga botcha o double dead na karne,
bakit hindi madaling araw gawin ang inspection at wala rin dapat mga boss kundi
talagang mga inspector lamang? Tulad ng unang nabanggit, magpapa-istaring lang
naman ang mga walang binatbat ng mag opisyal na ito sa harap ng kamera, lalo na
at palapit na ang eleksiyon! Ang napakasakit sa paningin ay ang ugali ng mga
opisyal, kasama na ang presidente at ang kalihim ng DSWD na kunwari ay
nag-aabot ng relief good sa mga evacuees habang abot-tenga ang ngiti na
nakatingin sa kamera!
At ang ultimate na bolahan ay ang mga binibitawang salita ng
mga kalihim ng ahensiya at ibang opisyal na “inutos ng pangulo na….”. Ibig yata
nilang sabihin ay hindi na sila kikilos kung hindi iuutos ng pangulo. Wala ba
silang sinusunod na simpleng operating manual? Wala ba silang sinusunod na mga
nakasulat na mandato bilang
responsibilidad ng mga ahensiya nila? Sa ganoong sinasabi nila ay pinapakita
nila ang kanilang pagiging sipsip at kawalan ng kaalaman sa trabahong itinalaga
sa kanila!
Nag-boomerang ang ugaling sipsip ng mga opisyal sa kaso ng
Mamasapano massacre. Lahat sila ngayon ay tamimi o tahimik at ayaw magbanggit
ng pangalan ng pangulo bilang bahagi ng “chain of command” ng PNP, o bilang
pinakamataas na opisyal ng bansa na siyang maaaring magbigay ng mabigat na
desisyon. Ngayon nila subukang magsabi ng “inutos ng pangulo na….”, kung hindi
“magkakagulungan” ng ulo!
Discussion