Gusto ng Pilipino ang Kapayapaan...ang problema ay mga sakim na taong nagsusulong nito, kaya pati ang demokrasya ng bansa ay naabuso
Posted on Friday, 27 March 2015
Gusto ng mga Pilipino
ang Kapayapaan
…ang problema ay mga
sakim na taong nagsusulong nito
kaya pati ang
demokrasya ng bansa ay naabuso
Ni Apolinario Villalobos
Sino ba ang may gusto ng gulo? …ng giyera?...wala!
Ang pinagyayabang ni Pnoy na Bangsmoro Basic Law (BBL) na siyang maglalatag ng self-governance ng
isang rehiyon, ang Bangsamoro, sa Mindanao na sinasabing tinitirhan ng mga
Moro, na hindi naman totoo dahil marami ring mga Kristiyano, ay maganda ang
hangarin. Ang nakasira dito ay ang mga probisyon na one-sided na pinipilit
palusutin ng mga taong nagsusulong sa mga ito, kaya naging kwestiyonable ang
mga intensiyon – kung para ba sa nakararami o para lang sa iilan. Ang lalong
nakasama, mismong mga representante ng
gobyerno ay sangkot sa pagsulong ng mga nakakapanlinlang na layunin, na kung
hindi dahil sa Mamasapano massacre ay hindi nabunyag.
Walang karapatang magyabang si Pnoy na para bang siya lang
ang may gusto ng kapayapaan at ang mga tumutuligsa sa kanya at BBL ay gusto ng
gulo. Hindi yata siya nakikinig sa mga isinisigaw na ng mga tao, na ang
kailangan lang ay tanggalin ang mga probisyong hindi maganda ang layunin at
palitan ang mga representante ng gobyerno sa peace panel, lalo na sina Deles at
Ferrer. Kung pinipilit ni Pnoy na ayaw ng mga tao sa Mindanao ang BBL, talagang
maling-mali siya. Sa uulitin, ang magandang layunin ng BBL ay sinira ni Pnoy
dahil nagtalaga siya ng mga representante ng gobyerno na hindi gumawa ng
nararapat at nagpipilit ng mga probisyong masama. At ngayon, tila desperado sa
pagmamadaling maipasa ito habang nasa puwesto siya dahil ito na lang ang
nakikita niyang mag-aangat sa kanya. Subalit nagkamali na naman siya ng
pagtantiya dahil hindi na siya ganoon kapani-paniwala at mapagkakatiwalaang
tao…sirang-sira na ang kanyang kredibilidad! Paano siyang maging credible kung
ang simpleng anti-smoking na tinataguyod ng bansa ay hindi niya masunod dahil
siya mismo ay chain smoker?
Ang BBL ay para ding Demokrasya na magandang-maganda ang
porma at mga layunin dahil nagsusulong ng kalayaan ng mga taong nasa ilalim
nito. Subalit tulad ng BBL na maganda ang layunin, ay nasira dahil sa
pang-aabuso. Ang isang halimbawa ng pag-abuso sa demokrasya ay ang mahirap na
bansang Pilipinas. Nakakalungkot na sa
bansang ito ay talamak ang pag-abuso ng demokrasya sa mahabang panahon, ng mga
taong matatalinong bar topnotcher, mga nagtapos sa mga unibersidad at may
kursong hindi basta-basta, may angkan na nakatala sa kasaysayan ng Pilipinas
ang pangalan, at mga tanyag dahil artista, na ibinoto naman ng mga hangal na
Pilipinong nagbenta ng kanilang kapangyarihan sa pagpili ng mga pinuno, kaya
ngayon ay nakanganga at nagsisisi…pero huli na. Ang mga inakalang matatalino at
may malinis na hangaring mamuno ay mga sakim pala…mga gahaman sa perang hindi
nila pinaghirapan!
Sa mga kuwentong nabasa ko, ang mga taong nawalan na ng
pag-asa at sobra na ang pagka-desperado ay nag-akalang pati kasinungaling
sinasabi ay katotohanan!...at ang inakalang tinatawag na “diyos” ay demonyo na
pala! Ibig sabihin, ang taong desperado ay nagiging bulag sa katotohanan!
May isa ring medical finding na ang sobrang usok ng
sigarilyo ay nakakasira ng mata at tenga…lalo na, ng utak…hindi lang ng baga,
at nakaka-cancer pa. Nilulusaw din daw ng usok ng sigarilyo ang “common sense”
kaya madalas mawala sa sarili ang adik sa sigarilyo lalo na kung nakatutok ang
isip sa computer games, at nagiging manhid pa sa damdamin ng kapwa dahil
inaakala niyang siya lang ang may karapatan sa magandang buhay, pero lumalakas
naman ang kanyang imagination dahil kung high na high na siya sa usok ay
nag-iimagine nang siya by boyfriend ng seksing artista o model….
Discussion