0

Hindi daw Masaker ang Nangyari sa Mamasapano...sabi ni Rosales ng CHR

Posted on Sunday, 22 March 2015



Hindi daw Masaker ang Nangyari sa Mamasapano
…sabi ni Rosales ng CHR
Ni Apolinario Villalobos

Paano kaya ginawa ng CHR ang kanilang imbestigasyon sa Mamasapano? Kahit kaylan talaga, ang ahensiyang ito ay palaging wala sa tono. Ang “mis-encounter” na pinagpipilitin ni Rosales ay hindi rin katanggap-tanggap dahil maaga pa lang ay alam na ng MILF na mga pulis ang kanilang kaputukan. Hindi itinigil ng MILF ang pagpapaputok kahit ang SAF ay tumigil na dahil akala nila ay kinilala na sila ng MILF. Nang lumabas ang mga pulis mula sa taniman ng mais na nakataas ang mga kamay, pinaputukan pa rin sila. Nang bumagsak na ang mga SAF commandos, tinaggalan sila ng bullet-proof vest at pinagbabaril pa rin. May isa pang video na naging viral sa internet na nagpakita ng pagbaril sa isang SAF sa ulo nito ng malapitan. Sa kabila ng mga nabanggit,  sinasabi sa report ng CHR na walang masaker na naganap!......ganyan ka-“galing” ang mga ahensiya ni Pnoy!

Sa trahedya na dulot ng bagyong Yolanda, walang ginawa si Rosales upang matulungan ang mga inaping biktima na hindi nakatikim ng tulong dahil sa kapabayaan ng mga ahensiya ng gobyerno. Hindi rin nito pinakialaman ang panloloko sa pagpapatayo ng rehabilitation facilities dahil sa paggamit ng sub-standard na mga materyales.  Ang mga pagpapabayang ito sa mga inaping Pilipino  ay hindi ba pagyurak sa kanilang karapatan? Bakit hindi man lang kumibo si Rosales at ang CHR niya? Dahil ba BFF niya si Soliman?

Sa Maguindanao massacre, ano ang ginawa ni Rosales? Naghuhumiyaw ang mga ebidensiya ng hindi makataong pagpatay sa mga taong inosente. Bakit hindi tumulong si Rosales sa pakikipaglaban para sa mga naulila ng mga biktima upang lalong bumigat ang kaso ng mga Ampatuan at mga kasabwat nila? Hindi ba niya naisip na kung kikilos siya, maaaring makahingi ng tulong sa international community o kasama nilang ahensiya sa ibang mga bansa upang ma-pressure ang gobyerno ng Pilipinas sa pagpabilis ng paglitis na sa ngayon ay usad-pagong? Takot ba siya sa mga Ampatuan?

Bakit hindi tutukan ni Rosales ang mga overstaying na mga nakakulong sa Bilibid at iba pang kulungan sa buong bansa, na karamihan ay matatanda, ang iba ay may malalang sakit at halos mamatay na? Lumutang na ang iba sa mga ito ay natalo sa kaso dahil walang pambayad sa abogado. Bakit hindi niya “linisin” ang record ng mga pasilidad na ito upang mabawasan ang laman ng mga kulungan upang lumuwag ang mga ito? Hindi ba makataong karapatan ng mga nakakulong ang magkaroon ng maayos na kulungan kung ang gamit ng correction facilities na ito ay mabago ang takbo ng kanilang buhay tungo sa kabutihan? Malilipatan ang Bilibid sa Nueva Ecija, pero paano ang ibang kulungan? Ayaw ba niyang mag-inspection sa mga kulungan dahil nandidiri siya?

Ano ba talaga ang papel ng CHR na ang ibig sabihin ay COMMISSION ON HUMAN RIGHTS? Hanggang ngayon ay marami ang hindi nakakaunawa kung ano ang kanilang pinaggagawa. May mga sitwasyon na dapat nilang pakialaman subalit hindi nila ginagawa dahil siguro maigsi lang ang media mileage. 
Ngayon, tatlo na ang mga babae sa administrasyon na friends ng MILF – sina Ferrer, Deles, at  Rosales. At kung questionable performance naman ang pag-usapan, apat na silang babae….. pang-apat si Soliman.

Discussion

Leave a response