0

Mga Trayduran at Sisihan sa Gobyerno...at ang paghugas-kamay na naman ni Pnoy

Posted on Wednesday, 28 January 2015



Mga Trayduran at Sisihan sa Gobyerno
…at ang paghugas-kamay na naman ni Pnoy
Ni Apolinario Villalobos

Ang massacre ng mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao, ay nagpapakita nang kaampawan ng liderato ni Pnoy. Hindi buo…hindi matatag…walang laman – puro hangin…ampaw! Mismong kalihim ng DILG at OIC ng PNP ay hindi alam ang isang malaking operasyon na gagawin ng SAF ng PNP dahil ang target ay isang foreign terrorist na wanted din sa ibang bansa. Ang pagsilbi ng mga naipong warrant of arrest ay isang immediate actionable na responsibilidad na may kaakibat na tactical operation, subalit dahil hindi ito pangkaraniwan, dapat pinaalam din kay Mar Roxas bilang kalihim ng DILG at pati sa OIC ng PNP bilang respeto.

Putok ang balitang ang nagmani-obra ay ang suspendidong hepe ng PNP na si Purisima kaya lalong naging naging kwestiyonable ang lahat dahil ginawang tanga ang itinalagang OIC. Kahit wala pang imbestigasyong ginagawa ay malakas tuloy ang hinala ng lahat na ang tagumpay ng operasyon ay magsisilbi sanang “personal vindication” ni Purisima mula sa mga paratang sa kanya. Ang problema, nag-boomerang kaya lalo siyang nadiin…lalong nalubog sa kahihiyan, kung totoo nga ang mga pumutok na balita na ang pinagmulan naman ay isang heneral. Sa nangyari, dawit uli ang BFF ni Purisima na si Pnoy...na may kakambal yatang kamalasan!

Tulad ng inaasahan, tila may sacrificial lamb na umamin – ang director ng SAF. Subalit bakit hindi niya ginawa ito agad upang maiwasan ang mga ispekulasyon? Pwede namang magpatawag siya ng press conference. Ang ginawang paghintay muna ng director na makapagsalita ang pangulo ay nakakapagduda, dahil gusto yata niyang magkaroon sila ng iisang “tono” ng pangulo – walang conflicting statements. Ibig sabihin, magsi-second the motion na lamang ang SAF Director sa anumang sasabihin ng pangulo, na nangyari nga.

Ang nagmukhang tanga na sina Roxas at OIC ng PNP ay nagkakamot ng ulo, ganoon din ang iba pang mga opisyal ng PNP na hindi rin napagsabihan tungkol sa operasyon. Ang masakit, sila ang pinapaharap sa mga press con kaya sisinghap-singhap habang naghahagilap ng isasagot sa mga katanungan. Malinaw pa sa sikat ng araw na sila ay natraidor! Daig pa nila ang taong binaril at duguan na, ay sinisipa pa, dahil siguradong sila ang babagsakan ng sisi. Magastos na naman sa tubig at sabon dahil sa mga hugasan ng kamay sa Malakanyang! Samantala, ang pag-amin ng direktor ng SAF ay hindi pinaniniwalaan.

Dahil malakas ang pagputok ng pangalan niya sa media, dapat kusang lumabas si Purisima at itanggi ang paratang kung walang katotohanan. Pero wala yatang takot at kaba dahil alam niyang as usual, ay ipagtatanggol siya ng kanyang best friend na si Pnoy! Nakakasakit din sa loob na marinig sa pangulong ituring ang massacre na isang “incident” lamang.

Kung may natitira pang pride o pagmamahal sa sarili si Mar Roxas, ang pinakamaganda niyang gawin ay mag-resign, dahil binibitin din lang siya ni Pnoy kahit sa suporta na kailangan niya (Roxas) pagdating ng eleksiyon sa 2016. Kung magbibitiw siya, baka madagdagan pa ang mga supporters niya dahil sa awa.

Discussion

Leave a response