Sa Amin....sa Mindanao
Posted on Wednesday, 28 January 2015
Sa Amin…sa Mindanao
Ni Apolinario Villalobos
Luntiang kaparangang halos walang hangganan
Kabundukang kahi’t paano’y balot pa ng kagubatan
Mga batis na animo ay musika ang paglagaslas
‘Yan ang Mindanao na ganda’y ubod ng timyas.
Malalagong palay, sa ihip ng hangin ay umiindayog
Mga masisiglang alagang hayop, lahat ay malulusog
Mga halamanang gulay, mayayabong ang dahon
‘Yan ang Mindanao na nabibiyayaan ng panahon.
Maraming katutubo, iba’t ibang makukulay na tribu
Magkakapitbahay ay mga Muslim at mga Kristiyano
Sila’y nagbibigayan, taos-pusong nagkakaunawaan
‘Yan ang Mindanao na may pangakong kaunlaran.
Subali’t kung ang pagkagahama’y biglang umeksena
Ang mga minimithing pangarap, lahat ay nababalewala
Kung bakit naman kasi may mga taong puso’y sakim
At mga adhikaing baluktot na dulot ay paninimdim.
Sa amin sa Mindanao ay masaya at may kasaganaan
Kaya dinayo ng mga tao na ang hanap ay kapayapaan
Nguni’t dahil sa damdaming sakim ng ilang hangal
Nakakabahalang ang tinatamasa ay baka ‘di tumagal!
Discussion