0

Malaki ang Problema ng Usapin sa Bangsamoro Basic Law (BBL)

Posted on Tuesday, 27 January 2015



Malaki ang Problema ng Usapin
Sa Bangsamoro Basic Law (BBL)
ni Apolinario Villalobos

Dahil sa nangyaring “misencounter” daw sa pagitan ng MILF at mga pulis sa Maguindanao kamakailan lamang, ay tila magkakaroon ng problema sa usapin ng Bangsamoro Basic Law (BBL). Sa pagpasok sa eksena ng BIFF na ‘breakaway” group ng MILF, marami ang nagtatanong kung talaga bang mapagkakatiwalaan ang MILF sa pagsiguro na hindi bubulabugin ng BIFF ang mga bayang kasama sa Bangsamoro, dahil tutol ito (BIFF) sa usaping pangkapayapaan. Kung hindi nakontrol ng MILF ang BIFF na magkaroon ito ng sariling adhikain kaya tumiwalag sa samahan, may garantiya ba na hindi ito maghahasik ng perwisyo upang ipahiya ang BBL?

Noon pa man ay nabanggit ko na sa nauna kong pananaw na ang inuna dapat ng gobyerno at MILF ay i-neutralize at dis-armahan ang MNLF at BIFF na kumokontra sa usaping pangkayapaan na nakaangkla sa integration, na taliwas naman sa gusto ng mga naunang nabanggit na ang gusto ay humiwalay sa bansang Pilipinas at magkaroon ng sariling gobyerno. Subalit nagmadali ang peace talk committee na isa sa mga arbiter ay Malaysia. Sa kabila ng nakaambang banta ng dalawang nabanggit na grupo ay pinipilit ng MILF na tapusin na ang usapan.

Hindi na-neutralize ang MNLF at BIFF sa kabila ng katotohanang tukoy ng sandatahang hukbo ng Pilipinas ang kinaroroonan ng mga ito. Ang ginawa lamang ay lumusob at nagpaulan ng mga bomba sa mga tukoy nang kuta, ilang araw lang at pagkatapos ay wala na. Para lang nagpa-presscon….nagpakita na kunwari ay may ginawa.

Ang pinagtaguan ng foreign terrorist na gumagawa ng bomba sa Maguindanao ay matagal na rin palang tukoy. Bakit hindi hiningi ang tulong ng MILF sa pagdakip dito, upang makapagpakita naman ang huling nabanggit ng taos-pusong kaseryosohan na magkaroon ng katahimikan sa Mindanao? Ang pagkakataong ito ay hindi dapat pinalampas ng peace talk committee bilang pagpapakitang-gilas. Kung sakali, doble pa ang magagawa sana nila dahil matutumbok din nila ang pinagkukutaan pala ng BIFF na itinuturing na ring bandido.

Kung nakayang magkaroon ng malaking SAF contingent na binubuo ng mga pulis upang magsilbi ng warrant of arrest, bakit wala man lang abiso sa sandatahang hukbo ng Pilipinas upang makapagtalaga ito ng air support, sa OIC ng PNP, at lalo na sa kalihim ng DILG na si Mar Roxas? Ano ang hinahabol ng kapulisan sa pagsasariling- kilos? Ayaw nilang makibahagi ng tagumpay, kung sakali, upang masabing sila ay magaling?

Ang sinasabi ay si Purisima daw ang gumawa ng plano at kung nagtagumpay, pambawi daw niya ito sa nasira niyang imahe. At dahil si Purisima ang may plano, dapat alam ng pangulo dahil BFF sila.  Nakapagtataka lang dahil kahit suspendido na siya ay kung bakit nakakagawa pa rin ng desisyon. Kung totoo nga ang balita, dagdag sampal na naman ang kapalpakang ito kay Pnoy….na sobra ang pagkabilib kay Purisima. Lumalabas pa na dahil hindi pala alam ni Roxas ang plano, parang binastos siya ng pangulo!...ganoon na ba ka-dispalinghado ang administrasyon ni Pnoy...batbat ng bastusan at kawalan ng tiwala sa isa’t-isa??!!!

Ang isang agam-agam ay baka itimbre lang daw ng MILF ang operation para makatakas ang terorista, dahil mga kamag-anak din nila ang mga miyembro ng BIFF. Sa ganyang agam-agam, malaking problema nga ang usaping pangkapayapaan dahil hindi magkakaroon ng katapusan ang problema na idudulot ng BIFF kahit mapirmahan na ang kasunduan, dahil baka umiral ang ugaling pagsasawalang-balikat.

Dahil malaking poder ang maibibigay sa MILF, na nakapaloob sa usaping pangkapayapaan, hindi kaya gamitin nila (MILF) ito upang makipag-areglo  sa MNLF at BIFF upang magkaroon din sila ng malaking bahagi sa pagpapatakbo ng Bangsamoro? Siguradong maraming butas ang kasunduan, tulad ng aspeto sa  pagmintina ng hukbong sandatahan, at lalo na sa mga hakbang na gagawin ng Bangsamoro sa pagpapatakbo ng gobyerno nito na ngayon pa lang ay medyo nababanaagan na ng ilang mambabatas.

Magkakamag-anak ang mga miyembro ng MNLF, MILF, at BIFF, kaya hindi maiiwasan ang “pagbibigayan” pansamantala upang matuloy lang ang pagkakasundo sa usaping ng Bangsamoro Basic Law. At, pagkatapos, ano ang garantiya na hindi matatalo ang MILF kung magsanib- puwersa ang MNLF at BIFF upang mag-take over kung sakali? …dapat alalahaning mas matimbang ang dugo kaysa ideyolohiya o pulitika….hindi pa kasama diyan ang Abu Sayyaf na ang pinagmulang ugat ay dating pinagkakatiwalang civilian support group ng sandatahang hukbo ng Pilipinas.

Bilang panghuli, hindi patatalo ang MNLF na pinanggalingan ng MILF, na siya namang pinanggalingan ng BIFF. Kung itinuturing ng MILF na breakaway group nila ang BIFF, sila naman ay itinuturing na breakaway group ng MNLF na siyang original Moro group na may pinaglalabang adbokasiyang para sa kapakanan ng mga taga-Mindanao, na sa kasamaang-palad ay hindi naman kinikilala ng lahat ng pilit nitong sinasakop na bayan at lunsod.



Discussion

Leave a response