0

Ang Kapalit ng Pagtitiyaga, Pagsisikap, at Talino...tungkol ito kay Mel San Jose

Posted on Saturday, 3 January 2015



Ang Kapalit ng Pagtitiyaga, Pagsisikap, at Talino
…tungkol ito kay Mel San Jose
Ni Apolinario Villalobos

Si Mel ay OJT (on-the-job-trainee) ng opisina namin noong ako ay sa PAL pa. Saklaw ng mga gawain niya ang mga trabaho ng isang secretary at clerk, kaya nagta-type siya ng mga memo namin, nagpa-file, sumasagot ng telepono at pati pagbili ng ulam sa canteen kung kailangan. Two-year secretarial ang kursong tinapos niya sa isang hindi kilalang vocational school. Ang tanging naipagmalaki niya noon ay ang bilis ng kanyang mga daliri sa pagtipa ng mga teklado ng makinilya…na akala namin ay hanggang doon lamang.

Nadiskubre namin ang iba pa niyang katangian nang minsang hindi siguro nakatiis ay binulungan ako kung pwede ba daw niyang “ayusin” ang mga draft na pinapa-type sa kanya. Nagulat ako. Dati kasi ang clerk namin ay hindi ginagawa ito. Bilang patunay ay pinakita niya sa akin ang isang sulat kamay na draft na dahil mabilisang ginawa ay may mga mali, kaya sabi ko ay gawin na niya.

Pabilisan ang trabaho namin sa opisina dahil madalas ang out-of-town na biyahe, o di kaya ay ang pagdalo sa mga miting. Ibinahagi ko sa mga kasama ko ang pagkukusang ito ni Mel, at upang hindi na siya pabalik-balik pa sa amin, lahat kami ay nagbigay ng kaluwagan sa kanya sa “pag-ayos” ng mga draft namin.

Malambing ang tinig ni Mel at palangiti. Maayos din siyang manamit at dahil maliit na vocational school ang pinagmulan niya, hindi na siya ni-require nito na magsuot ng prescribed OJT uniform pang-opisina. Ni minsan ay hindi rin siya nag-make up na nagpatingkad ng kulay niyang kayumanggi, makinis din ang kanyang balat, lalo na ang kanyang mukha.

Ang mga kliyente ng opisina namin ay nasanay nang makipag-usap kay Mel at panatag ang loob nilang magbilin kung wala kami. Kadalasan ay umaabot din siya ng lampas sa ala-singko sa pagtrabaho kaya ginagawan namin ng paraan kung paanong matumbasan ang kanyang overtime. Ni minsan ay hindi namin siya narinig na magreklamo kung papasukin namin siya kahit weekend. Sa pangkalahatan, pulido o malinis ang kanyang trabaho.

Nang matapos na ang OJT ni Mel, nalungkot kami lahat dahil malaking kawalan siya ng opisina. Hindi namin naipaglabang gawin siyang regular  dahil nang panahon na yon ay bawal ang tumanggap ng bagong empleyado bilang paraan sa pagtipid ng kumpanya. Subalit makalipas ang halos isang taon na pagtiis namin sa ibang OJT na hindi namin nagustuhan, nagbigay na rin ng pahintulot ang kumpanyang kumuha kami ng sekretarya. Pinilit namin ang Recruitment Office na hanapin nila si Mel. Hindi kami pumayag na ibang sekretarya ang ibigay sa amin.

Buwan ang binilang ng pagtiis namin bago nahagilap si Mel at laking tuwa namin nang bumalik siya. Maluha-luha rin siya sa tuwa dahil magiging regular na siya sa PAL, kumpanyang pangarap din daw niyang pagtrabahuhan. Nang pasalamatan ko ang taga-Recruitment office na naghanap kay Mel, sinabi niya na first time daw nilang ginawa ang maghanap ng OJT para i-hire. Ang ginagawa lang daw kasi nila ay binabatay ang paghanap sa mga na-file na application papers subalit hindi naman daw nagbigay si Mel. Mabuti na lamang at may naitabi kaming OJT papers ni Mel kaya natunton ang address niya.

Mahirap ang pamilya ni Mel kaya hanggang two-year secretarial course lang ang kinaya ng mga magulang niya para sa kanya. Malaking bahagi ng kanyang suweldo ay inilaan niya sa pagtulong sa mga magulang niya nang makapasok na siya sa PAL. Sa kabila ng kahirapan ay hindi namin siya naringgan ng hinaing. Kahit hirap sa pagbiyahe dahil malayo ang tinitirhan, talo pa niya ang mga kasama kong may sasakyan dahil ala-siyete pa lamang ng umaga ay nasa opisina na siya.

Ngayon si Mel ay hindi lang isang clerk o secretary. Ang kategorya niya ay isang Executive Secretary. Marami na rin siyang napasyalang bansa at mga tourist destinations ng Pilipinas gamit ang benepisyo niyang libreng tiket sa eroplano. Dahil nakabuo na siya ng dalalampung taon sa kumpanya, kung gugustuhin niyang lumipat sa ibang kumpanya, ay mabibitbit niya ang benepisyong habang buhay na libreng tiket para sa kanya at sa kanyang pamilya.

Pinatunayan ni Mel na talagang may katumbas ang pagsisikap at pagtitiyaga, at siyempre, lalo na ang angking talino.
           

Discussion

Leave a response