0

Iba si Cathy...hindi mukhang pera

Posted on Friday, 9 January 2015



Iba si Cathy…hindi mukhang pera
Ni Apolinario Villalobos

Si Cathy ay taga- Estancia, isang bayan sa Iloilo na bukod sa kinilala dahil sa mga espesyal na daing, tuyo, at ginamos ay naging tanyag din dahil sa Sicogon Island. Siya mismo ay natutong magdaing ng mga isda at gumawa ng ginamos sa murang edad. Subalit sa kanyang mapusok na ambisyong hanapin ang kanyang kapalaran ay nangahas na lumuwas sa Maynila. Nakapasok sa mga trabaho subalit dahil hindi nakatapos ng pag-aaral, ay hanggang sa pagiging kasambahay lamang.

Nakapag-asawa sa murang gulang at nagkaroon ng apat na anak, subalit maliliit pa lamang ang mga ito, ang kanyang asawa ay nagkaroon ng kanser. Dahil nerbiyosa, hindi ipinaalam sa kanya. Nagsabwatan ang kanyang mga biyenan at asawa sa pagtago ng lihim. Nang umabot na sa stage 4 ang kanser ng asawa ay nalaman na rin niya. Ipinaglaban niya ang kanyang karapatan bilang asawa upang maiuwi ito sa Estancia, ang probinsiya niya. Dahil sa kalagayan ay naging bugnutin ang kanyang asawa at di-hamak na mga panglalait ang inabot ni Cathy, na kanyang pinalampas. Naunawaan niya ang kalagayan ng kanyang asawa hanggang sa ito ay namaalam.

Dala ang mga anak, bumalik siya sa Maynila upang magtrabaho. Pinalad naman siyang makapasok sa mga trabaho subalit hindi mga regular o permanente. Upang madagdagan ang kita, ay tumanggap siya ng mga labada. Nakapagtrabaho siya sa isang pagawaan ng handicraft at tumira na rin silang mag-anak sa compound nito. Sa kasamaang palad ay nagsara ang pagawaan dahil sa hina ng benta, kaya balik si Cathy sa pagtanggap ng mga labada. Dito niya nakilala ang kaibigan kong nakatira rin sa compound.

Naging magkaibigan si Cathy at ang kaibigan ko na ang kasama ay isang apo. Napansin ni Cathy ang mabilis na pagkahulog ng katawan ng kaibigan ko hanggang pati ang paglalaba ay hindi na rin nito nakayanan. Kinuha siya ng kaibigan ko para  sa kanyang serbisyo bilang stay-out na kasambahay upang maglaba, maglinis at magluto sa suweldong Php1,500 isang buwan. Ganoon kababa ang suweldong nakayanang ibigay ng kaibigan ko dahil maliit lamang ang kanyang pension.

Nang tumuluy-tuloy ang pagpapaospital ng kaibigan ko dahil sa mga kumplikasyon, pinilit ni Cathy na payagan siya ng kaibigan ko na bantayan na rin siya kaya halos hindi na rin siya iniwan. Umuuwi na lang si Cathy upang ipagluto ang kanyang pamilya, at bumabalik agad sa kaibigan ko. Hindi siya nagpahiwatig para sa dagdag-suweldo, subalit dinagdagan na rin upang maging Php3,000 kada buwan. Hindi lang siya kasambahay ngayon…caregiver pa na ang trabaho ay 24/7, at kasama sa ginagawa niya ay ang pagpalit ng diaper ng kaibigan ko, subalit hindi siya nagrereklamo.

Nag-confide sa akin si Cathy na ngayon siya bumabawi ng pag-alaga sa kaibigan ko dahil halos hindi siya nabigyan ng pagkakataon noong nagkasakit ang kanyang asawa. Mahigit lang ng ilang taon sa kwarenta ang gulang ni Cathy at ang kanyang pangalawang asawa ay doble kayod din sa pagiging Barangay tanod sa gabi at nagdadrayb ng “padyak”, tricycle na de-sikad. Ang kanilang anak ay tatlong taon. Mabait ang bata na paminsan-minsan ay sumisilip sa kanyang nanay habang nag-aalaga sa aking kaibigan. Natutong maglaro ang bata na mag-isa, at sa murang edad ay naunawaan na ang ginagawa ng kanyang nanay. Hindi rin ito umiiyak upang makakuha ng atensiyon ng kanyang nanay.

Sa panahon ngayon, mahirap makakita ng isang taong tulad ni Cathy…iba siya – hindi mukhang pera!

Discussion

Leave a response