Ang Kawalan ng Puso at Isip ng Mga Namumuno sa Gobyerno ng Pilipinas
Posted on Monday, 5 January 2015
Ang Kawalan ng Puso at
Isip ng
Mga Namumuno sa Gobyerno ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
Mula nang mailuklok sa pamunuan si Cory Aquino na akala ng mga
Pilipino ay magbibigay ng ginhawa pagkatapos na mapatalsik si Marcos, hanggang
sa kasalukuyan ay wala ni isang kapiranggot nito na naramdaman o nadaranasan.
Maliban sa kalituhan ng mga nagmamarunong na mga lider, nalambungan din ang
bansa ng matinding korapsyon na animo ay kanser na tumatagos hanggang buto.
Umabot sa sukdulan ang dusang dinanas ng mga Pilipino nang magsimulang
mag-privatize ng mga kagawaran na ang layunin ay pangasiwaan ang mga
pangunahing pangangailangan ng bansa tulad ng kuryente, langis at tubig, kaya
lalong nahirapan ang mga Pilipino.
Nang ibenta ang lupaing nakatalaga
para sa militar upang gawing commercial center, ang ipinaalam sa taong bayan ay
gagamitin ang perang malilikom sa pag-modernize ng mga gamit ng lahat ng sangay
ng military, subalit inabot ng kung ilang taon na, walang nangyari sa pangako.
Nang ibenta ang kumpanya ng langis
(Petron) at sinabayan pa ng pag-deregularize ng bentahan ng langis, ang inaasahang pagsigla ng kalakalan dahil sa
kumpetensiya ay hindi nangyari. Nagkaroon pa ng kutsabahan ang mga kumpanya ng
langis.
Mabuti na lamang at napigilan ang
pagbenta ng mga ospital pampubliko. Tulad ng dati, ang ginawang dahilan sa
naunsyaming bentahan ay upang ma-modernize daw ang mga kagamitan ng mga ospital
at nang sa ganoon ay maaari na silang makipagsabayan sa mga modernong ospital
ng mga mauunlad na bansa. Isang katwirang baluktot! Paanong mangyari ang
ganito, ay hi hindi nga makapagtalaga ng mga regular na health workers sa mga
barangay health centers?!!! Ang sinasabi palagi ay walang budget. Subalit kung
para sa kurakutan, ay mayroon!
At, ngayon naman ay pinipilit ng
gobyerno, sa pamamagitan ni Abaya na itaas ang pamasahe sa LRT at MRT, at
halatang-halata ang ginamit na paraang mapanlinlang. Hindi naman bulag ang mga
sumusubaybay sa nakikitang hudyat para sa isa na namang nakaambang bentahan.
Dahil sa bulok na sistema ng operasyon ng LRT at MRT, walang bibili nito,
maliban na lang kung itataas muna ang mga pamasahe na magsisilbing garantiya sa
kikitain ng bibili…ganoon lang naman, kaya pursigido ang DOTC na itaas agad ang
mga pamasahe.
Hindi dahilan ang noon pa sanang
pagtaas ng pamasahe dahil nabisto mga kwestiyonableng transaksyon ng mga
namumuno dito, lalo na sa aspeto ng pagmimintina. Bakit hinayaang mamayagpag
ang problema na matagal na palang nangyari? Kaya siguro hindi nagtaas ng mga
pamasahe noon pa man, ay upang mapagtakpan ang mga kabulastugang nangyayari.
Kung hindi pa pumutok ang isyu sa pagmamalabis ni Vitangcol, ay hindi inilantad
ang korapsyon sa sistema. At, ngayon ay
sinisisi ang mga mananakay ng MRT at LRT na hindi daw umuunawa sa kaawa-awang
kalagayan ng mga ito!...ganoon lang? Pagkatapos makurakutan, ay ibabato sa mga
tao ang sisi?
Kung walang balak ang gobyerno na
ibenta ang LRT at MRT, bakit kailangang magtataas pa ng mga pamasahe ganoong sa
mga naaprubahang mga badyet ay nakapaloob ang malaking subsidiya para sa mga
ito? Saan gagamitin ang perang kikitain sa pagtaas ng mga pamasahe?...o di kaya
ay, saan gagamitin ang inaprubahang subsidiya?
Dahil sa mga nangyayari, malinaw
ang pagkamanhid ng mga nakaupo sa gobyerno sa hirap na nararamdaman ng mga
Pilipino…wala silang puso…at hindi na yata nag-iisip ng kung anong maganda para
sa taong bayan!
Discussion