Dusa ang Hindi Pagsagot Agad sa Tawag ni Inang Kalikasan
Posted on Friday, 9 January 2015
Dusa
ang Hindi Pagsagot Agad
Sa Tawag
ni Inang Kalikasan
Ni Apolinario Villalobos
Talagang dusa ang aabutin ng isang tao
kapag pinigilan niya nang matagal ang pagdumi at pag-ihi. Hindi lang
ga-munggong pawis ang biglang lalabas sa katawan, kundi pati mga santong hindi
niya natatawag ay kanyang maalalang tawagin. Mapapagkamalan pa siyang namatanda
dahil bigla siyang maninigas sa pagpigil…ni hindi makaubo kahit bahagya. Pati
mukha ay mawawalan ng ekspresyon at ang mga mata ay halos lumuwa, sa pagpigil
pa rin. Mawawala din para sa kanya ang halaga ng pera dahil ibibigay niyang
lahat na laman ng pitaka sa makapagtuturo ng pinakamalapit na kubeta! Alam
ko…dahil lahat nang yan ay nadanasan ko. Kaya baka pwedeng tumigil na ang
nagbabatikos sa MMDA sa plano nitong pagpagamit ng diapers sa kanilang traffic
constables.
Noong minsang ako ay pupunta sa Taytay,
Rizal, madaling araw pa lang ay umalis na ako sa bahay dahil malayo ang
tinitirhan ko at upang makaiwas na rin sa trapik. Pagdating ko sa Crossing,
Mandaluyong ay nakaramdam ako ng hilab ng tiyan. Dahil maaga pa, wala pang
bukas food outlet na may maayos na CR
tulad ng Jollibee. May nadaanan akong pamilyang nakatira sa bangketa, may
maliit na kubol, mabuti at gising na ang mag-asawa. Nang sabihan ko sila ng
problema ko, ibinuluntaryo agad ang arenola nila na hind pa naman daw
nangalahati ng ihi. Ginising nila ang anak nila upang lumabas sa kubol at upang
sa loob nito ako gumawa ng ritwal. Nang makaraos ako, binigyan ko sila ng pera
at ipinamalengke pa sa nadaanan kong talipapa. Nakakabilib ang pagka-Kristiyano
nila!
Minsan naman sa isang mall, inabot din ako
dahil sirain talaga ang tiyan ko, maselan sa pagkain. Mabuti na lang maagap ang
CR attendant sa pagbigay ng mga kailangan ko tulad ng tissue paper at tubig. Ang
masaklap lang, kung kelan dumami ang pumasok sa CR, saka naman nagsimulang mag-
“may I go out” ang mga pinigilan ko…at installment na nga ay may mga sound
effect pa, kaya panay pagsabi ko ng “sorry”, kada may batch na lalabas. Nang
lumabas ako sa cubicle, nagkaroon ako ng maraming kaibigan! Gusto daw nilang
makita kung sino ang magalang na delivery man!
Noong umiinom pa ako ng alak, nagpilit
akong umuwi kahit halos hindi na ako makagulapay sa kalasingan. Habang
nag-aabang ng taxi, palakad-lakad ako sa paghanap ng maiihian. May nakita akong
parang pader sa isang maliit na eskinitang madilim, kaya pumuwesto ako. Kung
kaylan nagsisimula na ako ng ritwal ay saka nagbukas ang iniihian kong
“pader”…gate palang bakal na ang pintura ay kakulay ng pader. Babae ang
lumabas…sabay kaming tumakbo, siya pabalik sa loob, ako palayo!
Noong umiinom pa rin ako ng alak, nakatulog
ako sa bahay ng kumpare ko dahil sa sobrang kalasingan. Sa isang kuwarto ako
pinatulog. Nang madaling araw na, gumising ako upang umihi. Sa pagkapa ko sa
dilim, may nabuksang pinto, at dahil akala ko CR, umihi na ako kahit halos
pikit pa rin ang mga mata. Nang mag-umaga na, nalaman ko na ang inihian ko pala
ay cabinet!
Nang minsan namang sumakay ako sa bus na
galing sa Antipolo papuntang Divisoria, nagtaka ako kung bakit ang mga pasahero
ay sa harapan banda nakaupo maliban sa nag-iisang babae na nasa pinakalikurang
upuan. Ang bus ay dumaan sa isang gasolinahan kung saan bumaba ang mga
pasahero, at huling bumaba ang babae na inabot pala ng pagdumi sa pantalon.
Dumaan siya sa harap ko na taas noo pa rin, at pagbaba ay dumiretso sa CR ng
gasolinahan. Naisip siguro niya na wala siyang pakialam sa ibang tao, hindi
naman siya kilala, at ang importante ay nakaraos siya….pero napansin kong
maganda siya.
Dahil sa trabaho ko noong panay biyahe sa
mga probinsiya, may napuntahan akong maliit na bayan ngunit may nag-iisang
maliit na pension house naman. Ang problema lang ay ang kubeta na barado.
Mabuti na lang at ang pension house ay halos nasa tabing dagat. Tuwing tawagin
ako ni Inang Kalikasan, nagbibihis agad ako ng panligo upang kunwari ay
mag-swimming kahit halos hatinggabi na. Ganoon din sa madaling araw kahit sagad
hanggang buto ang ginaw. Dahil sa ginagawa ko, bilib sa akin ang staff ng
pension house…mahilig daw akong mag-swimming, nature love daw ako!...kung alam
lang nila….
Batay sa mga nadanasan ko, mahalagang
magdala ng tissue paper, alcohol, ilang plastic bag, lalo na pang-LBM na gamot
tulad ng diatabs o lomotil. Kung walang mapaglagyang bag, irolyo ang tissue
paper at ilagay sa bulsa kasama ang maliliit na plastic bag, ang alcohol na
dadalhin ay yong pinakamaliit na bote para kasya sa bulsa. Ang mga gamot naman
ay kasya na sa coin purse. Sa pupuntahang lugar na pampubliko, alamin agad kung
saan ang kubeta, kung ito ba ay malinis at hindi barado. Kung titigil naman sa
hotel, i-check kung barado o hindi ang kubeta. Sa may planong magbiyahe, agahan
ang paggising upang magkaroon ng sapat na panahong sumagot sa tawag ni Inang
Kalikasan sa loob ng animo ay sagradong maliit na kuwartong may upuan na
ginhawa ang dulot pagkatapos gumawa ng ritwal. Halimbawa, kung ang alis sa
bahay ay alas-singko ng umaga, dapat ang gising ay alas-tres man lang, para
magsawa sa kaka-cleansing bago lumabas ng bahay.
Kailangan ang sakripisyo para makaiwas sa
“pagkabigla” kung nasa labas na ng bahay…
Discussion