Ang Pagsasamantala sa Kapwa
Posted on Tuesday, 27 January 2015
Ang Pagsasamantala sa
Kapwa
Ni Apolinario Villalobos
Nagtuturuan kung kanino nagsisimula ang pagsasamantala –
kung sa tao bang nagpapaubaya o sa taong nananamantala. May kasabihan kasing
kung walang magpapasamantala ay walang magsasamantala. Ang ganitong kasabihan
ang tila ba ay ginagamit ng mga tiwali upang makapagsamantala sa kanilang
kapwa, dahil para sa kanila ay “ginusto” naman ng napagsamantalahan.
Kung mamimilosopo sa pananaw na ito, maaaring sabihin na
bahala na ang karma sa namantala, at bahala na rin ang Diyos sa
napagsamantalahan. At kung nagkaalmahan, dahil hindi nakatiis ang
napagsamantalahan, gulo ang resulta – giyera, patayan. May mga taong ayaw
maging santo kaya umaalma kung kailangang kalusin na ang abuso ng kapwa.
Maraming anyo ang pananamantala. Isa na dito ang kagutuman
dahil ang biyayang dapat ay naibahagi sa lahat ay kinamkam ng iilan kaya ang
hindi nakakuha ng bahagi ay pagnganga sa kawalan ang inabot. Hindi dahilan ang
kawalan ng pinag-aralan ng iba upang sila ay pagsamantalahan. Kung hindi
ninakaw ng mga tiwali sa pamahalaan ang dapat sana ay bahagi ng iba, nagkaroon
sana ng maayos na mga programa para sa kanila.
Pagsasamantala rin ang hindi pagtupad sa tungkulin bilang pangkaraniwang
mamamayan, empleyado sa pribadong kumpanya o gobyerno, lalo na ang mga opisyal.
Pagsira ng tiwala sa kanila ng mga taong dapat ay kanilang sinisilbihan ng
maayos ang uri ng kanilang pananamantala. Ito ang malaking isyu sa Pilipinas
dahil sa talamak na nakawan sa kaban ng bayan at panloloko ng mga opisyal na
nagpapatupad ng mga proyekto. Sa pribadong sektor naman ay talamak ang
pananamantala ng mga negosyante sa maya’t maya ay pagtaas ng presyo ng kanilang
mga kalakal. Pananamantala naman ang ginagawa ng mga empleyado sa mga madalas
nilang pagliban o pagpasok ng late sa trabaho dahil sa hang-over o dahil
tinatamad lang.
Sa usaping ispiritwal naman, pinagsasamantalahan natin ang
kabaitan ng Diyos sa paulit-ulit na paggawa ng kasalanan, dahil naitanim sa
isip na mag-confess lamang sa pari ay pwede na uling manamantala, o di kaya ay
maglakad ng paluhod mula sa pinto ng simbahan hanggang altar, o di kaya ay
magpakita sa iba na animo ay taimtim na nagrorosaryo, o di kaya ay “magtapon”
ng pera sa lata ng pulubi o magbigay ng halos ay panis nang pagkain sa namamalimos
ay “mabait” na. Sa ginagawang ito, ay tahasang niloloko ang Diyos na akala ng
iba ay bulag. Walang patawad ang tao sa ginagawang pananamantala…pati Diyos ay
walang takot na pinapatos!
Discussion