Ang Demokrasya ay Da Best...kung hindi ito aabusuhin
Posted on Thursday, 8 January 2015
Ang
Demokrasya ay Da Best
…kung
hindi ito aabusuhin
ni Apolinario Villalobos
Da best talaga ang demokrasya dahil sa
pagkilala nito sa mga karapatan ng mga tao, kung ihahambing sa diktatorya na
pagsupil naman ang pinaiiral. Ang
problema lamang ay inaabuso ang demokrasya sa pamamagitan ng paggamit sa
karapatang pangtao bilang sangkalan.
Hindi lahat ng sinasabing karapatan ay
talagang karapatan, kundi pribilehiyo na maaaring tanggalin. Dito madalas
nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan.
Isang malawakang protesta sa Amerika ang
nangyayari ngayon dahil sa pagkapatay ng pulis sa isang negrong tin-edyer.
Subali’t ang tiningnan lamang ay ang huling insidente na pagkabaril ng
tin-edyer. Hindi na tiningnan ang pinag-ugatan ng mga pangyayari na ayon sa
imbestigasyon ay pinatatabi daw ng pulis ang tin-edyer at mga kasama nito dahil
sa gitna sila ng kalsada naglalakad, at kaya daw nasa lugar ang pulis ay upang
mag-imbistega sa isang nakawan sa convenient store. Ang mga tin-edyer ay galing
sa convenient store at may mga hawak na sigarilyo na sinasabing kasama sa mga
ninakaw sa nasabing tindahan. Ni hindi pinagdudahan ng pulis ang mga
tin-edyer…pinalilipat lang sila sa sidewalk upang hindi masagasaan ng mga
sasakyan, subalit sa halip na sumunod ay may kayabangang ininsulto pa nila ang
pulis sa pamamagitan ng mga bastos na aksyon at mga salita. Umabot sa
komprontahan ang lahat, hanggang sa mabaril ng pulis ang tin-edyer na lumalaban
na sa kanya. Na-identify ang mga tin-edyer na siyang nagnakaw sa convenient
store. Subalit ang protesta ng mga negro doon ay dahil nilabag daw ng pulis ang
karapatan nila. Ito ba ang demokrasya?
Ang kawalan ng disiplina ng mga kabataan dahil sa kapabayaan na rin ng mga
magulang?
Sa pagdating ng santo papa, naisipan ng
MMDA na upang hindi mahirapan ang mga traffic constables nito ay pagsuutin sila
ng adult diaper. May pumalag na isang grupong makabayan daw. Paglabag daw ito
sa karapatan ng mg constables dahil dapat daw ay pairalin ang karapatan nila sa
pagsagot sa tawag ng kalikasan – kung kailangang umihi, dapat umalis muna sa
puwesto. Hindi naisip ng grupong ito na ang magiging sitwasyon pagdating ng
santo papa ay hindi pangkaraniwan na kailangan ay tapatan ng mga hindi rin
pangkariwang mga kaukulang plano. May nagsasabi pa na magiging sanhi daw ang
diaper ng rashes at UTI o urinary tract infection….WOW! At sa pagpalit ng
diaper ay gagahol din ng oras….WOW pa! Ang mga taong masaya na sa pagsalungat
ay parang hindi nag-iisip. Sinabi na kasing ang mga diaper na ipagagamit ay
tumatagal hanggang sa tatlong beses na ihian. At siyempre, ang pagpalit ng
diaper ay kung wala na sa puwesto ang constable dahil may karelyebo na at hindi
naman aabutin ng dose oras. Ito ba ang demokrasya? Ang pagsalungat na lang sa
LAHAT ng bagay, masabi lang ng mga grupong ito na sila ay makabayan? Piliin
naman sana nila ang dapat salungatin!
Hindi ko sinasabing LAHAT ng pulis ay mabait, dahil mayroon ding mga
tiwali. Subalit sa pagpapatupad nila ng kanilang mga obligasyon sa maayos na
paraan, dapat sila ay sundin. Hindi ko rin sinasabi na walang karapatang
magkwestiyon ang mga grupong makabayan, subalit piliin nila ang dapat
salungatin. Nasusulsulan tuloy nila ang mga taong mahilig lang sumakay sa mga
isyu.
Ang Pilipinas ngayon dahil
“malayang-malaya”… ano ang kalagayan? Ang mga ibinoto ng binayarang mga botante
ay “malayang” nakapagnakaw sa kaban ng bayan! Dahil sa kaluwagan ng COMELEC at
mga batas sa pagpatupad ng mga patakaran ng eleksiyon, pikit- mata na lamang
ang mga lokal na opisyal kung may bilihan ng botong nangyayari. May mga taong
nahuli sa aktong gumawa ng krimen, subalit “malayang” nakapagpiyansa sa tulong
ng magagaling na abogado…karapatan daw nila ito, kaya ang mga biktimang
mahihirap ay naiwang nakanganga! Ang mga gahamang negosyante ay “malayang” nakakapagmanipula
ng mga presyo ng kanilang kalakal…karapatan daw nila ito dahil may mga kalakal
namang deregulated ang presyo. Ang mga drug lords, kahit na nasa loob ng
kulungan ay higit pa sa “malaya” kung umasta dahil sa kaluwagan ng mga
patakaran upang hindi daw malabag ang kanilang karapatan….WOW!
May mga grupong maingay sa pagprotesta
laban sa mga basura, subalit kaliwa’t kanan naman kung magtapon sila ng dumi
habang nagra-rally sila. Ang basurang mula sa bahay nila, malamang hindi nila
naitatapon ng maayos. May mga Pilipinong nagrereklamo sa matataas na presyo,
subalit ayaw naman nilang pumili ng paraan upang sila ay makatipid. Halimbawa
ay ang pagpilit nilang kumain ng mga karne araw-araw kahit mahal, ganoong pwede
namang gawing isang beses isang linggo. Ayaw bumili ng NFA rice dahil
pangmahirap daw. Mas gusto ang sariwang isda, ayaw ng sardinas dahil walang
class!
Hindi ko sinasabing maging komunista ang
Pilipinas. Nilalahad ko lamang ang ilan sa mga sitwasyon na naging resulta ng
pag-abuso ng demokrasya. Tulad ng gamot na nakakapagpagaling subalit nagiging
lason kung hindi maayos ang paggamit, ang demokrasya ay ganoon din…nawawalan ng
saysay dahil sa pag-abuso, sa halip na magbigay ng ginhawa sa mga tao.
Discussion