0

Sa Pagbisita ng santo papa sa Pilipinas...maraming napatunayan ang mga Pilipino

Posted on Monday, 19 January 2015



Sa Pagbisita ng santo papa Francis sa Pilipinas
…maraming napatunayan ang mga Pilipino
Ni Apolinario Villalobos

Maraming napatunayan ang pagbisita ng santo papa, Francis, sa Pilipinas:

·        May disiplina ang mga Pilipino… may nabalya man ay hindi sinadya, kung nakapagmura man ay sarili ang tinukoy, at walang takot sa pamamaos kung sumigaw dahil nasanay sa mga rally noong panahon ni Marcos.

·        Matapang kung humarap sa anumang banta ng bagyo o bombing kaya walang takot kung makipagsiksikan kahit may bitbit na bata…nasanay kasi sa pagharap sa unos na dulot ng matinding korapsyon sa gobyerno.

·        Kayang tumayo sa ilalim ng walang humpay na buhos ng ulan kahit malusaw ang make-up at tumabingi ang iginuhit na mga kilay dahil nabasa. Ibig sabihin, may katawang matibay at mukhang maganda pa rin kahit lusaw na ang make-up at tabingi ang mga kilay…kaya ngang indahin ang gutom dahil sa hagupit ng mga gahaman sa gobyerno, eh!

·        Kahit babae kayang magpatumba ng mabigat na concrete barrier dahil hindi sinasadyang  naisalya nang magkaroon ng hindi rin sinasadyang stampede…nakakaya nga ng mahihirap ang mabigat na buwis na ipinataw ng BIR, na dapat ay mga mayayaman ang bumalikat, contrete barrier pa kaya?

·        Matibay ang sikmura na hindi naringgan ng pag-alburuto kahit walang laman sa kabila ng magdamagang pagbantay sa puwesto na pinaghirapang makuha…nasanay na kasi sa pagsikmura sa nakakasukang mga mukha at salita ng mga buwaya sa gobyerno.

·        Handang mag-abot ng sariling kapote sa katabing matanda, bata o buntis na nakaligtaang maabutan ng nasabing donasyon o di kaya ay walang perang pambili nito…nasanay na kasi sa ugaling mapagbigay at maawain pa kahit sa mga tiwaling opisyal na asal-demonyo!

·        Nakakaawit kahit ang tono ng boses ay hindi umaalis sa linya ng lower “do”, ibig sabihin ay hirap umabot sa linya ng “re”, lalo na sa linya ng “mi”…hindi naman kasi halata dahil marami silang may ganitong “ginintuang boses”. Nagkukunwari na lang na sila ay nagsi-“second voice”. Lahat ay gagawin ng Pilipino upang maging bahagi ng isang pakikibaka.

·        Kayang maglakad ng kung ilang kilometro papunta sa mga dadaanan ng santo papa at Luneta dahil sarado para sa mga sasakyan ang mga kalye…pagpapakita ng kasanayan dahil madalas kulang ang baong pamasahe….at yan ang totoo, dahil mismo ang santo papa ay alam na dina-divert ng gobyerno ang mga resources na dapat sana ay para sa mahihirap sa pamamagitan ng sapat na sweldo at mababang presyo ng mga bilihin.

·        Na likas  sa Pilipino ang pagpasa ng kung anu-ano, hindi lang pamasahe, mula sa pasaherong nasa malayong bahagi ng jeep papunta sa driver, o di kaya sisi sa iba kung may bulilyaso, kundi pati na mga ostiya mula sa mga pari papunta sa mga nakalahad na mga kamay sa bandang likuran ng mga “quadrant”…isang pagpapakita ng magnanimous sharing nang magkaroon ng concluding Mass sa Luneta.

·        Kayang magpakasimple nang mga Pilipino. Walang nakita ni isang mukha ng showbiz personality na dinaanan ang TV camera, kahit na ang mga kapatid ng presidente ay nakihalubilo bilang simpleng mamamayan, lalo na si Kris Aquino na kung hindi ininterbyu tungkol sa karanasan niya ay hindi nagsalita. For once, nagpabilib sila!

·        Hindi takot magkaroon ng alipunga dahil sa magdamagang pagkababad ng mga paa sa tubig… sa paghintay sa santo papa na muntik nang hindi makarating sa Tacloban dahil sa bagyo, at habang nagmi-Misa na ito sa gitna ng malumanay na hagupit ng bagyong Amang. Nasanay na ang mga Pilipino sa amoy ng alipunga na nanggagaling sa mga bulwagan kung saan ay ginagawa ang mga batas!

Yan ang Pilipino…walang takot…may katawang matibay…may ilong na bantad na sa umaalingasaw na amoy ng korapsyon…may kaisipang matalas…at pagmamahal na sa puso ay umaapaw!...nag-iisa at hindi pangkaraniwang lahi sa balat ng lupa…kaya naatasan ng santo papa Francis na maging sugo sa pamamahagi ng mga salita ni Hesus at marubdob na pananampalataya sa Diyos! Sa Pilipinas lang sila matatagpuan, bansang kahit lugmok na sa kahirapan dahil sa tindi ng korapsyon ay pilit na bumabangon!


Discussion

Leave a response