Malaki ang Badyet para sa Edukasyon...palpak naman ang sistema
Posted on Sunday, 11 January 2015
Malaki ang Badyet
para sa Edukasyon
…palpak naman ang
sistema!
ni Apolinario Villalobos
Malaki na naman ang badyet para sa edukasyon sa taong 2015
na nagpangisi sa mga tiwaling opisyal ng mga kagawarang may kinalaman dito
dahil may makukurakot na naman sila. Subalit sa kabila ng laki ng badyet na
itinatalaga para sa edukasyon, na tinapatan pa ng badyet ng DSWD para kuno sa
mga mahihirap na pamilyang may pinaaaral sa elementarya, ay nakapagtatakang
lalo pang lumobo ang bilang ng mga batang hindi nakakapag-aral.
Kung talagang seryoso ang gobyerno sa pagpa-angat ng kalidad
ng edukasyon at pagbawas sa bilang ng mga out-of-school youth, dapat linisin
ang DEPEd at CHeD – tanggalin ang mga tiwaling opisyal. Alam naman ng lahat na
hindi lang sa Senado at Kongreso may
ala-Napoles na mga kinurakutang transaksyon. Noon pa man ay kalat na ang
usapang may katiwalian sa pagpapalimbag ng mga aklat, halimbawa, dahil sa
ginagawang pangungumisyon ng ilang opsiyal. Bakit hindi ito imbistigahan ng mga
mambabatas?
Ang pinakahayag na katiwalian ay ang pag-convert ng mga
textbook sa workbook. Dahil diyan ay hindi na naipapasa o naipapahiram ang mga
textbook sa mga batang hindi kayang bumili. Nagmistulang test paper ang mga
textbook dahil sa mga tanong sa bawat huling bahagi ng mga tsapter. At ang mga
bata naman ay halos makuba sa bagbibit ng sangkaterbang mga aklat na maaari
naman sanang iwanan sa bahay pagkatapos pag-aralan.
Ang mga opisyal ng mga kagawaran ng edukasyon ay animo
nakikipag-usap sa hangin tuwing may ipapalabas silang mga patakaran dahil halos
hindi naman sila pinapansin ng mga opisyal ng mga eskwelahan. Isa sa mga isyu
ay tungkol sa pag-abuso ng maraming eskwelahan sa kabuluhan ng Educational
Tour. Mayroong mga eskwelahan na kabubukas pa lamang ng klase ay nagpatupad na
agad nito. At ang matindi ay ang pagsali ng shopping mall o resort sa listahan
ng mga destinasyon ng mga estudyante. Ang estudyante namang hindi sasama dahil walang magagamit na pera ay
tinambakan ng mga requirements na halos doble din ang gagastusin upang magawa…lumabas
tuloy na parang pinatawan sila ng parusa!
Bukod sa walang silbing Educational Tour, ay marami ring mga
pinapagawang “project” sa mga bata – mga bagay na alam naman ng mga guro na ang
mga gumagawa sa bahay ay mga magulang. Subalit may mga magulang na tumutulong
lang talaga sa mga anak. May mayayabang lang na mga magulang na mismong
gumagawa para lumabas na magandang-maganda ang project, kaya hindi na
nakakapaniwala na kayang gawin ng bata. Ang ibig kong sabihin, ay hindi
makatotohanan ang mga projects na binibigay sa mga bata, kaya ang karamihan ay
wala ring natutunan.
Tukoy na ng mga kagawaran ang problema sa sistema ng
edukasyon sa Pilipinas, at marami na rin ang mga bumabatikos, subalit mahigit
kalahating dekada na ang lumipas ay wala pa ring nabago. Ang mga textbook na
giwang workbook, andiyan pa rin. Pinalala pa ang kapalpakan dahil ang mga
pahina ay hindi na nawalan ng mga mali –
spelling at mga impormasyon mismo. Ang mga Educational Tour ay namamayagpag pa
rin, lalo pang umarangkada dahil may kasama nang biyaheng gamit ay eroplano,
hindi lang bus.
Dahil sa malaking gastusin sa pagpapaaral ng mga anak, ang
mga magulang na ang buhay ay isang kahig-isang tuka, ay nagpasya na patigilin
ang mga anak nila sa pag-aral, at sa halip ay pinatulong na lang sa
pangangalahig ng basura sa tambakan upang may pambili ng bigas man lang. Dahil sa ginawa nilang ito
ay sinisisi sila ng gobyerno na sa isang banda naman ay nagpabaya sa pagpabuti
ng sistema.
Hindi mahirap unawain
kung bakit padami nang padami ang mga batang hindi nakakapag-aral, dahil alam
na ng lahat ang mga dahilan – ang kahirapan
sa buhay at katiwalian…na ang solusyon ay hindi abot ng tanaw! At, sa kagawaran
ng edukasyon, hindi lahat ay masasabing tiwali, dahil marami rin namang hindi
sumasang-ayon sa kanilang nakikita subalit wala silang magagawa dahil wala
silang kapangyarihan bilang mga karaniwang kawani.
Discussion