Ang Cebu Pacific at Philippine Airlines
Posted on Wednesday, 7 January 2015
Ang Cebu
Pacific at Philippine Airlines
Ni Apolinario Villalobos
Ang mga kaibigan ko na nakadanas ng
serbisyo ng Cebu Pacific ay hindi makaiwas sa pagbanggit na walang binatbat daw
ito pagdating sa kalidad ng serbisyo, lalo na sa pag-asikaso ng mga pasahero
kung ihambing sa Philippine Airlines. Sa sakit ng mga pagmumura nila sa Cebu
Pacific ay ako ang parang nanliliit dahil may mga kaibigan akong nasa payroll
ng nasabing airline. Tulad ko, sila ay galing din sa Philippine Airlines. Yong
mga nakakaalam tungkol dito ay nagtataka kung bakit wala man lang daw halos
kapirasong sistema ng PAL na ginaya para sa kapakanan ng magandang serbisyo.
Personally, ang unang napuna ko sa Cebu
Pacific noon pa man ay ang paggamit nila ng deceptive an advertisement dahil sa
pag-anunsiyo nila ng mga pamasahe na wala pang isandaang peso, pero pagpunta ng
pasahero sa ticket office ay saka sila sasabihan na may babayaran pa palang
iba, kaya lumalabas na halos regular tiket pa rin ang nabili nila. Sa
Philippine Airlines, malinaw na sinasabi ang pamasahe kaya kung bumaba man ay
naikukumpara agad sa regular na pamasahe, at pagpunta ng pasahero sa ticket
office para bumili ay hindi sila inaatake sa puso sa pagkabigla tulad ng
nadadanasan sa Cebu Pacific. Ang sabi ko naman, yong walang panlilinlang na
pag-anunsiyo ng PAL ay totoo, pero yong tungkol sa atake sa puso, baka
hinimatay lang ang pasahero pagkatapos niyang magmura.
Noong sa Davao ako, at habang nagtsi-check
in sa counter ng PAL, natanaw ko sa hindi kalayuang counter ng Cebu Pacific ang
isang babaeng inobligang tumuntong sa timbangan ng mga bagahe upang malaman ang
kanyang bigat. Nagulat ako. Ang alam ko, napakaselang bagay ang bigat ng babae…ni hindi dapat pag-usapan. Sa
tagal ng pagtrabaho ko sa PAL, wala akong nalamang pagtimbang sa pasahero. Ang mga eroplano ngayon, hindi
tulad ng mga sinaunang pampasaherong eroplano, ay may “allowance” o kaluwagang
inilalaan para sa mga inaasahang extrang bigat ng mga pasahero at para sa
computation ay may nakalaang “constant” na bigat nila batay sa dami ng mga
upuan. Sa ginawa ng taga-Cebu Pacific, naisip ko tuloy na baka may balak silang
magsiksik ng mga bagahe at cargo na magreresulta sa overweight, kaya bilang paniguro
ay tinitimbang pati ang mga pasahero. Naawa ako sa mga pasaherong tinimbang
dahil nagmistula silang baboy na binibenta sa katayan! Bakit kasi hindi na lang
singilin ng excess baggage…
Pumutok noon ang isyu sa pagwala ni Raymart
Santiago at Claudine Barreto sa airport ng Manila pagdating nila mula sa
Boracay. Hindi daw naisama sa nai-check in nilang mga bagahe ang isang bag kung
saan ay inilagay nila ang mga gamot at iba pang gamit ng kanilang mga anak.
Hindi daw sila sinabihan sa Boracay na io-off load ang nasabing bag, dahil kung
sinabihan sila, malamang ay pinalitan nila ng iba ang nasabing bag, o di kaya
ay nagbayad na lang sila ng excess baggage. Sa pagreklamo nila, walang manager o
supervisor na humarap, hanggang napasok sa eksena si Tulfo. Sa Philippine
Airlines, SOP na pag may reklamo, supervisor agad ang haharap dahil may mga
desisyong kailangang gawin agad-agad.
Marami pang mga hindi daw makataong ugali
ang mga taga-Cebu Pacific, sabi yan ng mga kaibigan ko…pero sabi ko, hindi
naman siguro. Subalit nang magkaputukan ng sunud-sunod na bulilyaso tulad ng
flight cancellations at flight delays nila noong nakaraang bisperas ng pasko
2014…sabi ng iba pang nakadanas ng mishandling din, sobra na daw ang
pagkagahaman nila sa pera dahil sa ginawang overbooking. Inaakala daw ng Cebu Pacific na “maluwag” ang
gobyerno sa kanila kaya sila nakakalusot, kaya ganoon na lang ang wala nilang
pakundangan sa pag-overbook ng mga flights. Ibig sabihin, malakas ang loob
nila…matapang. At, wala rin daw silang common sense dahil alam nang peak season
ay bakit kukunti ang mga tao nila sa mga check- in counter. Sabi ko hindi naman
siguro….ayaw kong maghusga dahil may mga balita naman sa diyaryo, TV at radyo
na naririnig, kaya bahalang maghusga ang iba. Alam naman ng mga tao kung ano
ang ugaling sakim sa salapi, mukha na singkapal ng tabla, at pusong singtigas
ng bakal!
Basta ang alam ko, sa PAL, tutok ang mga
supervisor kung peak season at hindi talaga bumibitaw sa mga problema hangga’t
hindi nabibigyan ng solusyon. Wala silang pinapabayaang umiiyak na pasaherong
naiwanan ng flight. Nagbibigayan din ang mga front liners ng PAL, o yong
assigned sa mga check-in counter at ticket offices, sa pagbakasyon kung peak
season upang masigurong hindi nawawalan ng mag-aasikaso sa mga pasahero.
Malaki daw talaga ang kaibahan ng Cebu
Pacific sa Philippine Airlines. Sa pangalan daw kasi, ang dala lang ng Cebu
Pacific ay “Cebu”, kaya kesehodang mabulilyaso ang mga serbisyo nila, dahil Cebu
at mga Cebuano lang naman ang mapupulaan. Pero sa Philippine Airlines, buong
Pilipinas at lahat ng Pilipino ang dala, kaya ingat na ingat ito. Sabi ko hindi
naman siguro…yon nga lang, sa PAL, bahagi na ng tradisyon nito ang “total
passenger care”…kaya walang kaplastikan ang serbisyo nito sa kabuuhan.
Sa lahat ng bagay na ating ginagawa,
palaging mayroon tayong pagkakataon upang mamili para sa ating kapakanan. Sa
pagpili, mayroon tayong sinasakripisyo. Halimbawa, tulad ng murang bigas na
hindi mabango at hindi maalsa, at kung minsan ay malabsa kung hindi maingat ang
pagkasaing. Sa pagbili ng murang damit, huli na natin nalalaman na umuurong
pala ang tela, maliban pa sa kulay na nanghahawa kung mabasa. Meron ding
pagkaing bangketa na mura nga ay barubal naman ang pagkaluto kaya nagreresulta
sa pagkakaroon natin ng hepataytis. Ang gumagabay sa paggawa natin ng desisyon
ay mga kaibigan batay sa kanilang karanasan, at sarili mismo nating katinuan
batay na rin sa ating karanasan.
Ngayon, sa kabila ng mga sariling
karanasang kahindik-hindik at mga kuwentong nakakarindi ng utak, ay uulitin pa
rin natin ang paggawa ng isang bagay….ayaw ko na lang banggitin ang isang
salita na aangkop sa katigasan ng ating ulo! Marami namang pagpipilian…..ganoon
lang.
Discussion