Hindi Matatahimik ang Mindanao, kahit may peace agreement na...
Posted on Wednesday, 28 January 2015
Hindi Matatahimik ang
Mindanao
kahit may peace
agreement na…
ni Apolinario Villalobos
Ang sinasabing massacre sa Mamasapano, Maguindanao noong
January 25, Linggo, kung saan ay nasawi ang 44 na pulis at nasugatan ang iba
pa, ay palatandaan na hindi magkakaroon ng katahimikan sa Mindanao kahit pa
mayroon nang peace agreement. Ang sinasabi ng mga taga-gobyerno at MILF na
misencounter daw ay hindi kapani-paniwala dahil inabot ang palitan ng putok ng
mahigit sampung oras. Sa paliwanag ng mga eksperto, kung misencounter, dapat
sandali lang ang nangyaring palitan ng putok dahil aatras ang isa sa mga grupo
kung nakilala nito ang mga kabarilan na hindi naman pala kaaway. Ang nangyari,
kahit nakabulagta na ang mga pulis ay pinagbabaril pa ng MILF at pinagnakawan
pa!
Ang pakay ng mga pulis ay nasa loob ng teritoryo ng MILF, at
ito ay terorista. Hindi puwedeng hindi ito alam ng MILF. Sana, kung gusto ng
MILF ay kapayapaan, noon pa lang, sila na mismo ang gumawa ng paraan upang ito
ay mahuli at isinurender sa pamahalaan, kahit pa nasa pangangalaga siya ng
breakaway group na BIFF. At ang isa pang malaking tanong ay kung bakit
hinahayaan ng MILF na manatili ang BIFF sa kanilang teritoryo gayong alam
nitong tinutugis ito ng hukbong sandatahan ng Pilipinas dahil ang turing nga ay
terorista.
Hangga’t hindi napaplantsa ang mga gusot ng pinag-uusapang
Bangsamoro Basic Law, hindi ito dapat lagdaan. Kung sakaling ipilit ang lagdaan
kahit hilaw, hindi rin ito maipapatupad agad dahil siguradong may maghahain ng
TRO muna na susundan naman ng kaso dahil sa mga sasabihing butas ng mga
probisyon. Kung makalusot man, maipatupad at pupunduhan ng malaki, ang mga
kritiko nito na hindi nabiyayaan, kahit mga kasama pa ng MILF ay siguradong
parang buwitre na aaligid upang makatiyempo ng mapupuna na gagamiting dahilan
sa paghihiwalay sa nasabing grupo. Breakaway group na naman na magiging
problema ng mga taga-Mindanao!
Ang paghiwalay ng BIFF mula sa MILF ay tanda na hindi
malakas at epektibo ang kasalukuyang pamunuan ng huling nabanggit na grupo,
kaya asahan, na kung sakaling makalusot at matuloy ang peace agreement, ay may
iba pang grupong titiwalag at hahasik ng perhuwisyo. Ilan pa kayang breakaway
groups ang mabubuo?
Ang nakakabahala ay kung sakaling mayroon na ngang
Bangsamoro sa Mindanao, pero may mga breakaway
at terrorist groups na hindi
kayang masawata ng MILF, siguradong dito magtatago ang mga terorista na
maghahasik ng perhuwisyo sa ibang panig ng bansa. Maaaring Bangsamoro na ang
gagamiting sentro sa paggawa ng mga bomba na gagamitin sa terroristic
activities sa bansa. Sa simpleng salita, gagawing “hideout” ng mga terorista
ang Bangsamoro kung saan sila ay untouchable. Ang pagtago ng matagal ng isang
foreign terrorist sa balwarte ng MILF ay isang malaking pruweba na maaaring
mangyari itong agam-agam. Kaya ano pang kapayapaan ang maaasahan ng mga
taga-Mindanao?
Walang aasahang pagsuplong sa mga nakatagong terorista. Kaya
bang isuplong ng isang anak ang kanyang ama?...ng isang pinsan ang kanyang
pinsan?...ng isang pamangkin ang kanyang tiyuhin na nagpalaki sa kanya?....ng
isang asawa ang ama ng kanyang mga anak? MAS MALAPOT ANG DUGO KAYSA TUBIG…na
ibig sabihin ay, “blood is thicker than water”.
Discussion