0

Dapat Nang Magpakitang Gilas si Pnoy ngayong taon...

Posted on Thursday, 8 January 2015



Dapat Nang Magpakitang Gilas
Si Pnoy ngayong taon…
Ni Apolinario Villalobos

Marami na sanang pagkakataong dumating para makabawi si Pnoy at makapag-pakitang gilas sa mga Pilipino subalit parang pinalalampas lamang niya ang mga ito. At ang matindi, hindi pa man siya nakakapagpakitang gilas ay umarangkada na naman ang isa niyang “pinagkakatiwalaan” na si Abaya na Secretary ng DOTC na umapruba sa pagtaas ng pamasahe sa LRT at MRT.

Ngayong lumabas na ang resulta ng NBI tungkol sa pagkakartel ng bawang halos dalawang taon na ang nakaraan, dapat ipakita naman niya na seryoso siya sa paglinis ng kanyang administrasyon. Ang problema nga lang ay sangkot na naman ang kanyang matalik na kaibigang itinalaga niya bilang Kalihim ng Department of Agriculture na si Alcantara. Ayon sa report ng NBI, malinaw ang koneksyon at partisipasyon niya sa nakakahiyang pagsirit ng presyo ng bawang, kaya ang impresyon ng mga ibang bansa sa Pilipinas ay bayan na walang pinapatawad pagdating sa korapsyon!

Ang tungkol sa isyu ng mga pamasahe sa MRT at LRT naman dapat ay makisawsaw na rin siya upang ipabatid sa taong bayan na inaalala rin niya ang kapakanan ng mga ito. Iwasan na ang mga teknikal na batayan nila sa pagpataas ng pamasahe. Ang malinaw ay nagkakandabulol na naman si Abaya si pagpapaliwanag kung bakit itataas pa ang pamasahe ganoong mayroon namang naaprubahang badyet para sa mga ito. Nalito pa siya sa pag-unawa kung ano ang ibig sabihin ng “subsidy”, na akala niya ay tulong sa mga mahihirap na mananakay, ganoong ito ay garantiyang kita ng ahensiyang nagpapatakbo ng MRT at LRT.

Sa bilis ng panahon, magugulat na lang si Pnoy isang umaga paggising niya na araw na pala ng botohan. Papalitan na siya, at ang iiwanan niyang impresyon kung hindi siya makakabawi, ay lalong magpapalubog ng pangalang dala niya sa kasaysayan ng PIlipinas.

Discussion

Leave a response