"Bahay namin ito...."
Posted on Sunday, 11 January 2015
“Bahay
namin ito…”
Ni Apolinario Villalobos
Nang bumili ako ng kendi sa isang babaeng
nakaupo malapit sa isang kubol na puno ng mga itinambak ng balutan, ay
napatingin ako sa dalawang batang lalaki na nagsisiksikan sa kapirasong espasyo
sa ilalim ng habong na nag-iisang kumot. Ang isa ay nagbabasa ng libro na
pang-elementarya habang nakahiga, at ang isa naman ay nagsusulat sa isang
notebook. Napansin ako ng nagsusulat na bata at walang kagatul-gatol na
nagsabing “bahay namin ito…” sabay ngiti. Nang tingnan ko ang babae, bahagya
itong tumango. Nang tanungin ko siya kung ano niya ang mga bata, mga anak daw
niya. Ang gulang ng babae ay kalalampas pa lang sa kuwarenta at ang mga batang
halos magkasunod ang gulang ay nalaman kong sampu at labindalawang taon. Nang
magtanong ako kung saan ang asawa niya, sabi niya ay namatay daw sa kasagsagan
ng bagyong Yolanda sa Tacloban.
Nakitira daw sila sa pinsan niya sa
di-kalayuang squatter’s area subalit hindi sila tumagal dahil nalaman niyang
nagtitinda pala ito ng aliw sa isang beerhouse sa Airport Road sa Baclaran at
naaasiwa siya tuwing magdala ito ng kostumer sa bahay. Ganoon ang style ng
pinsan niya upang ang pang-hotel ay ibigay na lang din sa kanya ng kostumer.
Kahit walang mapuntahan, nag-alsa balutan sila at hinakot ang mga gamit na
pansamantalang inilagak sa tabi ng pader ng isang bakanteng lote. Kalaunan,
dahil talagang walang mapuntahan, sinubukan nilang maglagay ng mga habong gamit
ang ilang kumot. Ang ilang araw ay naging mga linggo hanggang inabot na sila ng
halos isang taon sa lugar na yon. Nagtinda siya ng sigarilyo, kendi, mga
biskwit at kape sa tabi ng kanilang “bahay”. Dala ang referral para sa transfer
ng mga bata, naipasok niya ang mga ito sa isang paaralan na ang layo ay pwedeng
lakarin.
Nang umagang yon, nagluluto ang babae ng
paksiw na dilis na sasapawan niya ng talbos ng kamote. Nakita ko sa isang tabi
ang dalawang balot ng tutong na kanin, na sabi niya nabili niya sa suking
karinderya, hindi rin kalayuan. Noong una ay binibigay lang daw sa kanya ang
tutong, subalit nahiya na rin siya bandang huli dahil palaging nagpaparinig ang
anak ng may-ari ng hindi maganda. Ang tawag pa sa kanya ay Badjao. Tiniis na
lang niya at nagbayad ng limang piso bawat balot ng tutong na marami naman. May
nililinis daw siyang dalawang puwesto sa talipapa at maayos naman daw ang bayad
sa kanya, at kung minsan ay binibigyan siya ng tirang isda, tulad ng niluluto
niyang dilis nang umagang iyon.
Sa inasal ng mga bata sa kubol ay sumagi sa
isip ko ang mga kasinggulang nila na halos ayaw pumirmi sa bahay. Sa halip ay
mas gusto pang magbabad sa internet shop upang maglaro. Naalala ko rin ang
isang kaibigan kong madalas magreklamo dahil sa taas ng kuryente gayong hindi
naman pinapatay ang TV kahit walang nanonood. Minsan pa ay muntik na silang
masunog dahil sa kaburarahan niya sa pag-iwan ng plantsang hindi binunot ang
kurdon sa saksakan. Naalala ko rin ang mag-asawa na madalas mag-away dahil
gusto ng babae ay palitan ang kotse nila ng mas bagong modelo kahit ang
ginagamit nila ay wala pang isang taong nabili. At, ang isa pang sumagi sa isip
ko ay ang kuwento ng kumpare ko tungkol sa hindi pagpipirmi ng asawa niya sa
bahay dahil lakwatsera. Hindi man lang daw ito nagluluto, sa halip ay bumibili
lang daw ito ng pagkain nila sa karinderya.
Noong pasko, natuwa ang mga bata sa
ibinigay naming ilang pirasong recycled na mga notebook, mga lapis at ballpen,
mga bag na second hand, at mga t-shirt na nabili sa ukay-ukay. Ang nanay naman
ay tuwang-tuwa sa body bag na noon pa niya pinangarap na magkaroon dahil sa
trabaho niya. Natuwa rin siya sa thermos na pandagdag gamit sa pagtinda niya ng
kape. Kahit pangako pa lang, napaiyak ang babae nang marinig na pag-iipunan
namin ang pamasahe nilang mag-iina pauwi sa Tacloban kapag bakasyon na ang mga
bata sa klase, sa Marso. At, dahil hindi pa pala sila nakapasyal sa Luneta, ay
isinabay namin sila sa isa pang pamilya na dinala namin pagkalipas ng pasko
upang makaiwas sa dagsa ng namamasyal.
Hindi na nabura sa isip ko ang may
pagmamalaki ng bata sa pagsabi na bahay nila ang kubol na may kapirasong
habong, kaya tuwing ako ay papasok na sa bahay ko, nagpapasalamat akong may
nauuwiang tirahan na ang bubong ay yero,
may mga dingding, pinto, bintana…at may kubeta!
Discussion