0

Habang Buhay na Bangungot ni Pnoy

Posted on Friday, 30 January 2015



Habang Buhay na Bangungot Ni Pnoy
Ni Apolinario Villalobos

Hindi kayang palambutin ang puso ng mga Pilipino ng animo ay pagpapaawa ni Pnoy sa paulit-ulit na pagbanggit niya ng kamatayan ng kanyang tatay, na sa kanyang tingin ay bayani. Pinalampas niya ang pagkakataong maski papaano ay makaamot ng kaunting pang-unawa mula sa mga Pilipino kung sinalubong niya ang pagdating ng mga bangkay ng apatnapu’t-apat na mga pulis na pinatay… minasaker sa Mamasapano, Maguindanao. Sa halip ay minabuti pa niyang magsalita sa pasinaya ng isang pagawaan ng mga sasakyan, na maaari naman niyang italaga sa Bise-Presidente o sa kalihim ng ahensiyang may kinalaman sa negosyong ito. At, siguradong mauunawaan naman ng nag-imbita sa kanya.

Pero, nakitaan niya ang okasyon ng pasinaya ng isa na namang pagkakataon upang mabuhat ang bangko ng kanyang pamilya. Sa kanyang talumpati, sinabi niya na kahit sa panahon ng Martial Law ay umasenso pa rin ang pagawaan. May parunggit na naman siya sa namayapang si Ferdinand Marcos. Alam din ng lahat, na banggitin lang ang Martial Law ay maaalala rin ang pagkamatay ng tatay niya na si Noynoy… alaalang  namantsahan ng mga kapalpakan niya bilang presidente ngayon. Pati ang alaala ng kanyang nanay na naging presidente ay wala na ring epek sa mga Pilipino dahil wala rin naman itong nagawa upang makaahon ang mga Pilipino sa epekto ng Martial Law.

Nang magsalita si Pnoy sa necrological service ng minasaker na apatnapu’t-apat na pulis ay binanggit na naman niya ang kamatayan ng kanyang tatay, na masakit na sa tenga ang dating. Kaylan kaya siya titigil sa pagbanggit ng kamatayan ng kanyang tatay, na dapat pala ay hindi dinaluhan ng mga hindi kilala ng kanilang pamilya dahil ito naman pala ang kanyang panuntunan?...na ang lamay ng isang namayapa ay hindi dapat daluhan ng hindi kilala nito.

Ang alaala ng mga problema sa kanyang pamamalakad ng gobyerno na lalong idiniin ng kamatayan ng mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao ay magsisilbing bangungot na nakadikit sa kanyang diwa, na parang aninong hindi humihiwalay sa katawan. Bangungot din niya ang nakapanhihinayang na mga pagkakataon na kanyang pinalampas dahil pinairal niya ang kanyang pagkamakasarili. Bangungot din ang mga mukha ng kanyang mga kaibigan na dahilan ng kanyang pagbagsak na may matunog na lagapak.

Kung hindi siya naging presidente, maaaring napanatili ang paniwala ng mga Pilipino na “bayani” ang kanyang tatay at “nagsakripisyo” ang kanyang nanay upang maging tulay tungo sa pagbabago mula sa panahon ng Martial Law.  Lahat nang mga iyan ay kanyang nilusaw sa loob ng panahon ng kanyang pagiging presidente na malapit nang magtapos, na ang dulot sa mga Pilipino ay dusa lamang.

Maitatala sa iba’t ibang aklat ng kasaysayan ng Pilipinas na bukod tangi siyang presidente na maraming pinagtakpang anomalya…sa ngalan ng pagkakaibigan. Maitatala rin ang record breaker na nakawan sa kaban ng bayan, pati ang nakakahiyang pagnakaw ng mga donasyon na nakalaan para sa mga biktima ng kalamidad lalo na ng bagyong Yolanda. Maitatala pa rin ang kawalang aksiyon sa mga anomalya dahil maski isang pagsuspinde ng mga sangkot ay walang nangyari. At higit sa lahat, ang sinasabi niyang asenso ngunit nasa papel lamang.

Magsisi man siya at maghinagpis, ay huli na….bangungot na lang ang asahan niya – habang buhay. At tuwing gigising siya sa umaga, malamang na ang unang mamumutawi sa kanyang mga labi ay mga salitang “sana” at “sayang”… kung mayroon pa siyang maski kapirasong konsiyensiya.

Discussion

Leave a response