Dapat Pederalismo na lang...
Posted on Friday, 13 February 2015
Dapat Pederalismo na
lang…
Ni Apolinario Villalobos
Dahil malaki pala ang inilalaang badyet para sa Bangsamoro
kung sakaling ito ay matuloy, ngayon pa lang ay marami na ang sumisilip at
nakikiramdam – ang mga taga ibang rehiyon ng bansa. Ang norte ay mayroong
Cordillera Autonomonous Region. Sa Mindanao ay mayroong ARMM na mapapalitan ng
Bangsamoro, kung makakapasa ito sa mga mambabatas. Paano na ang mga Bicolano,
Tagalog, at Bisaya?
Si mayor Durterte ay nagpahayag ng kanyang damdaming umaayon
sa Pederalismo. Sa isang banda, tila Pederalismo nga yata ang sagot sa problema
ng Pilipinas bago tuluyang magkawatak-watak ito dahil sa mga isyung pulitikal,
ekonomiya at relihiyon. Napatunayan rin lang na hindi epektibo ang centralized
na uri ng gobyernong repulika, bakit hindi gumawa ng seryosong pag-aaral upang
mapalitan ang uri ng gobyerno at mapalitan ang Saligang Batas?
Sa bandang Central Mindanao ay may nakikitang nakasulat na
“motto” ng isang bangko na “pera ng Mindanao para sa Mindanao”. Paano na kung
gumaya ang ibang probinsiya at sabihin halimbawa ng mga Cebuano na “pera ng mga
Cebuano para sa Cebu”, o di kaya mga taga Legaspi na “pera ng mga Bikolano,
para sa Bicol”? Kung mamuo ang ganitong klaseng “kanya-kanyang” damdamin,
siguradong malaki ang magiging problema ng gobyerno.
Sa ngayon, walang nakikitang matinong mamumuno ng bansa
dahil lahat ng mga nag-aambisyong maging presidente ay sangkot sa anomalya,
hindi pa man napatunayan ay may bahid na. Dahil sa ganitong larawan ng
kalagayang pulitikal ng Pilipinas, ang labanan tuwing may eleksiyon ay hindi na
kung sino ang malinis o matino o matalino, kundi kung sino ang may pera
pagdating ng kampanyahan dahil sa hayagang pamimili ng boto.
Tulad ng mga bayan sa kabundukan ng Cordillera, bakit hindi
na lang din pag-isahin ang mga probinsiya ng mga Bicolano sa isang rehiyon,
ganoon din ang mga Tagalog? Ang mga Bisaya ay bakit hindi rin ganoon ang gawin?
At, ang Mindanao, maliban sa Bangsamoro ay bakit hindi gawan ng isa pang
rehiyon? Mahirap gumalaw sa Pilipinas dahil nahahati ang bansa sa mga isla, na
ang iba ay malaki at ang iba ay maliliit at liblib kaya hindi abot ng tulong
mula sa gobyerno. Kahit pa sabihing high-tech na ang komunikasyon, iba pa rin
ang dating ng isang personalized na pag-asikaso.
Maraming pwedeng pagbatayang saligang batas ng mga bansang
may ganitong sistemang Pederalismo na nagtagumpay. Sa ganitong paraan ay baka
mawawala na nang tuluyan ang agam-agam na hihiwalay ang mga probinsiyang Muslim
sa Pilipinas kung matutuloy ang Bangsamoro, kahit na kung tutuusin ay mga
Pilipino din sila, iba lang ang relihiyon. Kawawa naman ang nagpapanukala ng
Bangsamoro kung patuloy silang pag-iisipan ng hindi mabuti. At higit sa lahat,
hindi na masasabing may kinikilingan ang gobyerno.
Discussion