0

Ang Bibliya

Posted on Thursday, 26 February 2015



Ang Bibliya
Ni Apolinario Villalobos

Dahil nadikit sa imahe ng relihiyong Kristiyano ang Bibliya, ang mga hindi naniniwala sa Diyos ay umiiwas dito.  Tingin kasi nila dito ay animo nagbabagang kuwadradong bakal na umuusok sa sobrang init. Sa Bibliya nakasaad kung paanong nagsimula ang unang relihiyon ng tao sa disyerto ng Israel. Ganoon pa man, hindi dapat pangilagan ang Bibliya ng isang taong hindi Hudyo o Kristiyano, dahil kinapapalooban din ito ng interesanteng mga kuwento noong unang panahon, kahit pa sabihin ng iba na ang mga ito ay “alamat”. Sa isang banda, dahil sa mga tuluy-tuloy na pananaliksik na naging matagumpay, napatunayang ang mga sinasabing “alamat” ay  may katotohanan pala.

Hindi ako pantas pagdating sa Bibliya at pag-aaral nito. Ang binabahagi ko ay batay lamang sa aking mga karanasan sa pagbasa nito at kung paano kong nagawang makakuha ng kasiyahan mula sa mga pahina nito. Ang sikreto ko ay pagturing sa Lumang Tipan na parang “National Geographic Magazine” dahil puno ito ng kasaysayan. Ang Bagong Tipan naman ay itinuturing kong “Reader’s Digest”, dahil sa mga makabago nitong kuwento ng buhay.

May mga kuwento sa mga pahina ng Lumang Tipan na ang pahiwatig ay hawig sa mga pangyayaring may kinalaman sa extra- terrestrial phenomena…pumunta lamang sa mga pahina tungkol kay Ezequiel. May mga pangyayari ding hindi nalalayo sa mga nangyayari sa kasalukuyan sa Gitnang Silangan, kaya parang nagpapatunay na umuulit ang kasaysayan.

Sa Bagong Tipan din  nakapaloob ang mga kuwento na hawig sa mga nangyayari sa kasalukuyan tulad ng kaguluhan dahil sa corruption, paglutang ng ilang tao upang labanan ito pati na ang pagka-ipokrito ng ilan na ang turing sa mga sarili ay bukod-tanging mapupunta sa langit dahil literal na sumusunod sila sa “utos” nd Diyos.

Upang hindi umiskiyerda ang isip sa pagbasa ng Bibliya, laktawan ang hindi masyadong maunawaan. Iwasan ding magkaroon ng “missionary complex”, isang ugaling namumuo sa isang nagmamarunong sa mga Salita ng Diyos, kahit lilimang pahina ng Bibliya pa lamang ang nabasa. Buksan din ang isip sa mga diskusyon tungkol sa Bibliya, dahil may kasabihang “two heads are better than one”, eh di, lalo na kung marami ang nagbabahaginan ng kaalaman.

Itanim sa isip ang katotohanang may Diyos kahit hindi Siya nakikita, at siya ang gumawa ng lahat ng bagay sa sanlibutan…at pati na sa sanlibutan. Kahit pa sabihin ng iba na ang mga “extra terrestials” na nakita ng mga tao noong kapanahunan ng Bibliya ang unang mga “misyonaryo”, at inakala nilang Diyos, dapat itanim sa isip na may gumawa pa rin sa mga “extra terrestials” na ito, kaya talagang may Nag-iisang makapangyarihan sa lahat.

Hindi dapat pagtalunan ng mga tao na nagkakaiba ang pananampalataya ang kaalaman nila sa Bibliya. Dapat igalang ang paniniwala sa Diyos na ang batayan ay Bibliya. Kahit pa sabihing nagkakaiba ng bahagya ang iba’t ibang bersiyon ng Bibliya, ang laman ng mga ito ay tungkol pa rin sa Diyos. Upang maiwasan ang pagtatalo tungkol sa kaalaman sa Bibliya,  dapat isaisip na lang na ang mga mensahe ng Bibliya ay tungkol sa pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao.

Ang Bibliya ay Aklat ng Buhay…Salita ng Diyos, kaya pati ang ibang nilalaman ng Koran ng relihiyong Islam ay galing dito. Ang ibig sabihin, kung ang mga Muslim ay nagbibigay galang sa Bibliya na nagpapahiwatig ng kanilang paniniwala dito, bakit hindi kayang gawin ng mismong mga Kristiyano? At, ang pinakamahalaga ay ang uulitin kong paalala na hindi dapat pagtalunan ang “kaalaman” tungkol sa Bibliya…upang sa ganoong paraan man lang ay mabibigyan ito ng respeto!

Discussion

Leave a response