0

Ang BBL ay Hindi Kailangang sa Panahon ni Pnoy Ipasa...kung karapat-dapat mang ipasa

Posted on Saturday, 14 February 2015



Ang BBL ay Hindi Kailangang sa Panahon ni Pnoy Ipasa
…kung karapat-dapat mang ipasa
ni Apolinario Villalobos

Dahil nakitaan ng maraming butas ang mga nakasaad sa BBL, dapat lang na  busisiing mabuti ng mga mambabatas. Hindi kailangang ipasa agad dahil gusto ni Pnoy bago siya bumaba. Ang gusto niyang palabasin ay “pamana” niya ito sa mga Pilipino…sa Pilipinas. Nahihibang na yata siya! Dahil minadali ng mga “tagapayo” niya ang mga patakaran, nagkalitse-litse ang mga isinaad sa BBL, nabisto na maraming controlling provisions o mechanisms ang hindi nailagay. Pati ang inilagay na provision tungkol sa budget ng sinasabing rehiyon ay nabistong kwestiyonable. May mga kataga ring dapat hindi inilagay, tulad ng nabanggit ni senador Allan Cayetano na “colonizer”, “colonization”, na tumutukoy sa pamahalaan ng Pilipinas. Paanong naging “colonizer” ng Mindanao ang gobyerno?

Sa pagpatuloy ng usapin dapat palitan sina Deles at Ferrer ng maaayos na representante ng gobyerno, at may malawak na kaalaman tungkol sa Mindanao, lalo na ang mga bayang masasaklaw ng Bangsamoro. Hindi dapat na dahil abogada o abogado ay puwede na. Hindi dapat na dahil propesor ay pwede na. Dapat tutukan ang aspeto ng accountability ng mga namumuno sa BBL sa gobyerno ng Pilipinas dahil isa lang naman itong rehiyon, lalo pa at babadyetan din pala ng malaki ng central government. Ang isang aspeto pa ring dapat tutukan ay tungkol sa security at pagmintina ng Bangsamoro ng sarili nitong police at military forces, lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa “chain of command”, kaya dapat ang kapulisan at kasundaluhan nito ay kontrolado pa rin ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.

Walang kwestiyon sa Bangsamoro bilang isang rehiyon, ang kinukwestiyon ay ang mga patakarang magpapatako nito at kakayahan ng mga taong gagawa ng desisyon para sa mga masasakop. Dapat tumigil na ang tumatayong nakikipaglaban para sa BBL sa kababanggit ng kasaysayan. Sa halip ay tumutok sila sa kasalukuyan at mga plano para sa kinabukasan ng mga masasakop ng Bangsamoro. Walang masama sa pangalang “Bangsamoro” na ibig sabihin ay “moro country”, kaya dapat huwag na nilang ilihis sa paggamit ng “tradition”, dahil babalik na naman sa kasaysayan.

Ang isang magandang paliwanag tungkol sa Bangsamoro ay sa transition period lamang daw mamumuno ang MILF, at pagdating ng itinakdang panahon ay magkakaroon na ng botohan at ang MILF ay magiging isang political entity na lamang. Magkakaroon din daw ng iba pang political entity at hindi isasaalang-alang kung ang mga mga miyembro ay Kristiyano o Muslim. At nang tanungin si Iqbal kung walang problema sa MILF, matalo man sa eleksiyon, sumagot siyang wala naman daw. Sana ang sagot na ito ay pangangatawan ng MILF.

Maganda ang samahan ng mga Kritiyano at Muslim sa mga bayang sasaklawin ng Bangsamoro. Katunayan, magkakatabi pa ang mga puwesto nila sa mga palengke. Hindi na limitado sa pagsasaka at pangingisda ng tilapia at dalag ang mga Muslim dahil karamihan sa kanila ay mga negosyante na rin. Ganoon din ang mga Kristiyanong karamihan dati ay nagtatanim lamang ng palay at mais, ngunit ngayon ay nagnenegosyo na rin. Nagtutulungan sila patungo sa asenso. Ang mga taong ito ang walang kamuwangan o alam kung ano ang ilalagay bilang mga probisyon sa mga batas ng Bangsamoro. Kaya ang pagtitiwala nila ay hindi dapat linlangin.
Ang nakakaalam ng lubos tungkol sa mga batas ng Bangsamoro ay mga opisyal na “nasa itaas”. Kaya kung may umabuso man sa paggawa at  pagpapatupad ng mga ito at umabot na naman sa gulo na ibibintang na naman sa relihiyon, tiyak…. ang dahilan ay  mga namumuno dahil sa kanilang kasakiman o kakulangan ng kaalaman sa pamumuno. At ang isa pang tiyak….mga kawawang nasasakop na mga tao na naman ang kawawa at magdudusa!

Ako ay taga-Mindanao…ipinanganak at lumaki sa Mindanao. Dapat ang mga Mindanaoan ay magkaisa, saang lupalop man sila ng bansa o mundo. At sa adhikaing ito, dapat isantabi ang pagkakaiba sa relihiyon. Dapat itanim sa isip na lahat ng Mindanaoan na sila ay Pilipino…at hindi Kristiyano, Muslim, Bisaya, Tagalog, Ilocano, Kapampangan, o kung ano pa man. Sa ganoong uri lamang ng pagkakaisa makakamit ang kapayapaan sa Mindanao. Kailangang magtulungan sa mapayapang paraan, hindi sa karahasan. Kung ang mga namumuno ay nagpapatihiwatig sa paggamit ng karahasan upang “makamit” ang kapayapaan, dapat sila ay pagdudahan kung bukal ba sa kanilang kalooban ang sinusulong nilang adhikain o hindi.

Discussion

Leave a response