Naunsiyaming "Pamana" sana...sumabog na parang bomba sa mukha!
Posted on Sunday, 15 February 2015
Naunsiyaming “Pamana”
sana
…sumabog na parang
bomba sa mukha!
Ni Apolinario Villalobos
Abut-abot ang gabậ
ng presidente. Sa mata ng mga Pilipino ay wala siyang ginawang tama mula pa
noong unang araw na pag-upo niya….puro wakal siya….puro dada ng mga talumpating
puno ng mga salitang mabalarila. At, dahil pababa na siya sa puwesto, animo ay
nag-aapurang magkaroon ng ipapamana niya sa sambayanan. Ang inakala niyang
pag-asa na magpapabango ng pangalan niya pati sa mga kaibigan niyang Amerikano
ay ang pagkahuli sana ng mga teroristang internasyonal na nagtuturo pa ng
paggawa ng bomba na ang ginawang balwarte ay Pilipinas – sa Mindanao. Dahil sa
Mamasapano massacre, siya ito ngayon ang parang nasabugan ng bomba sa mukha
kaya hanggang ngayon ay walang masabi, tulala pa rin – animo ay asong bahag ang
buntot na nakasiksik sa sulok. Kahit hindi pa kasi tapos ang imbestigasyon,
malalakas ang mga insidenteng nagtuturo sa kanya bilang promotor ng lahat.
Hindi makakalimutan ng mga Pilipino ang hindi niya
pagsalubong sa mga bangkay ng mga bayaning SAF44 na ang ipinalit niya dahil sa
pananaw niya ay higit na mahalaga ay ang pagdalo sa pasinaya ng isang pagawaan
ng sasakyan. Hindi rin makakalimutan ang pagdating niya ng late sa necrological
service para sa mga namatay. Talagang para sa kanya ang mga namatay sa
Mamasapano ay walang halaga!
Tulad ni Gloria Arroyo, gumagamit din siya ng mga heneral
upang maging panakip-butas…upang hindi umalingasaw ang baho ng bulilyasong
nangyari. Ang aga niyang pumuwesto sa Zamboanga, malapit sa pinangyarihan ng
massacre sa pag-aakalang “in the bag” na ang mga target na terorista. Sana,
sana, sana…kung walang bulilyaso, ilang minuto lang ay puwede siyang lumipad sa
Gensan, subalit ang nangyari, daliri ni Marwan ang dinala doon upang i-turn over
sa FBI!
Habang kampante sa eroplanong sinakyan pabalik sa Maynila,
sa Mamasapano ay naiwan ang mga bangkay ng mga SAF commandos at mga sibilyan na
nadamay. Namatay nga ang isa sa mga target na terorista, si Marwan, nakatakas
naman si Usman, at ang kapalit ng lahat ay buhay ng 44 na SAF commandos,
pagkasugat ng marami pa nilang kasamahan, kamatayan din ng mga sibilyan sa Mamasapano
na nadamay sa bakbakan, at pagkasira ng mga pananim na pangkabuhayan ng mga
kawawang magsasaka na ngayon ay nakanganga sa nakaambang gutom.
Sa pinakahuling balita, ang pinangakong tulong ng gobyerno sa
mga namatayang pamilya ng mga bayaning SAF44 commandos ay hindi pa dumadating.
Sinabi ng isang kapamilya ng namatay na ang tanging natatanggap nilang tulong
ay galing sa mga naawang nakiramay na mga tao.
Sa pagbaba ni Noynoy Aquino, hindi lang niya babaunin ang
mga pagbatikos ng taong bayan, kundi pati na rin ang didikit na parang pagkit
sa pagkatao niyang pantukoy na siya ang sumira sa pangalan ng kanilang angkan….at
habang buhay na maitatala ang mga ito sa
kasaysayan ng Pilipinas!
Discussion