Tanggapin kung ano ang Limitasyon ng Kakayahan...at huwag ikahiya ang kahirapan at pagka-senyor
Posted on Wednesday, 18 February 2015
Tanggapin Kung Ano
Limitasyon ng Kakayahan….
At huwag ikahiya ang
kahirapan pati pagka-senyor
Ni Apolinario Villalobos
Maraming mga kabataan ang napapariwara dahil hindi naibigay
sa kanila ng kanilang magulang ang lahat ng hinihingi nila. Ang iba ay hindi
lang napariwara kundi naging suwail din dahil natutong magalit o mainis sa mga
magulang na hindi sila napagbigyan sa kanilang mga luho. Tahasang masasabi na
sa lahat ng mga nabanggit, mga magulang
ang may pagkakamali dahil habang sa murang gulang pa lamang ang kanilang anak
ay hindi nila ipinakita at ipinaliwanag kung hanggang saan lang ang kaya nilang
ibigay. Ang akala ng mga magulang na may ganitong pagkukulang ay pagpapakita ng
pagmamahal ang pagbibigay sa lahat na hingin ng anak. Hindi nila alam ay unti-unting
nahuhubog ang isip ng anak nila sa maling paniniwala.
May mga nababasang kuwento at nari-report sa TV at radyo
tungkol sa mga batang prosti o nagbebenta ng aliw, at ang iba naman ay
nakakausap ko mismo. Marami nito sa mga lungsod ng bansa, hindi lang sa
Maynila. Ang nagtulak sa iba ay kahirapan, subalit mayroon din namang naghabol
ng kikitaan upang maipantustos sa mga luho ng katawan na sa murang gulang ay
kanilang natutunan. May mga nakausap ako
na nagsabing gusto lang daw kumita upang may pambili ng bagong cellphone na
mamahalin, magagandang damit, alahas, at iba pa. Ang simpleng luho ay lumaki
hanggang madagdagan ng bisyo tulad ng alak, sigarilyo at illegal na gamot.
Dahil madaling kumita ng pera gamit ang mura nilang katawan, hindi na nila naisipan
pang bumalik pa sa kanilang mga magulang.
May mga magulang kasi na ayaw tumanggap ng kahirapan sa
buhay. Ikinahihiya din nila ito kaya pilit na pinagtatakpan ng mga perang
inutang. Kadalasan ito rin ang dahilan ng away ng mag-asawa. Meron pang mga magulang
na nagtuturo sa mga anak na magkunwaring anak-mayaman. Marami akong mga
kaibigan na ganito ang ugali, kaya naaawa ako sa mga anak nila na lumalaki sa
pagkukunwari. Dahil ang ikinabubuhay ay halos puro sa utang galing, hindi rin
nawawalan ng kumakatok sa kanilang pinto araw-araw upang maningil ng pautang.
Ang isang kaibigang pinayuhan ko na magbago na ay nagalit pa sa akin, kaya sa
inis ko rin, hindi ko na pinautang uli.
Hinayaan ko na lang na hindi niya ako bayaran sa huling inutang niya sa akin na
nalaman kong ibinili pala ng bagong cellphone para sa anak, ganoong ang dahilan
sa akin ay pandagdag daw sa ibabayad sa tuition.
Ang isang nakakatuwa ay ang ayaw pagtanggap ng iba ng
kanilang pagkasenyor na dapat ay itinuturing na biyaya dahil umabot sa ganoong
edad. May isa akong kaibigan na nagdaos ng kanyang bertdey subalit hindi
pinabatid ang kanyang gulang. May isa
siyang kumareng maurirat at nagtanong, na sinagot naman ng may bertdey ng “57
years old”. Narinig ito ng anak at sinabihan ang kanyang nanay na, “ mama talaga,
ilang beses ka na bang nag-fifty seven?”. Bilang parusa, isang linggo yatang
hindi binigyan ng allowance ang bata, kaya nagkasya ito sa pamasahe lang, at
pagbaon ng kanin at kung anong ulam meron. Ang edad ng nanay na kaibigan ko ay
64.
Sa dyip namang nasakyan ko, may isang ale na nakisuyo sa
aking mag-abot ng kanyang pamasahe na minimum. Napansin kong ang halaga ay
pang-senyor citizen. Nang matanggap ng drayber nagtanong kung bakit kulang, mas
mababa kasi kaysa regular na minimum fare. Ang ale naman, bagong kulay yata ang
buhok kaya nagmukhang bata, hindi tuloy mukhang senyor, subalit ibinulong lang
sa aking senyor daw siya. Sinabi ko naman sa drayber na “senyor daw” subalit
may kalakasan, at narinig ng ibang pasahero kaya tumingin sa ale at sa akin.
Nagalit sa akin ang ale, tiningnan ako ng masakit, at pabulong na sinabing,
“nilakasan pa!”…sabay ismid. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at nakinig sa
stereo ng jeep na ang tugtog ay, “The Falling Leaves”.
Discussion