Hindi dapat gawing isyu ang pagka-Moro o pagka_Kristiyano ng isang Pilipino...ang isyu ay dapat sa kanyang pagkakamali
Posted on Thursday, 12 February 2015
Hindi Dapat gawing
isyu ang pagka-Moro
o pagka-Kristiyano ng
isang Pilipino
…ang isyu ay dapat sa
kanyang pagkakamali
Ni Apolinario Villalobos
Ang gulo sa Mindanao ay hindi dapat isentro sa relihiyon.
Ang mga taong ipinanganak sa lahat ng dako ng Pilipinas ay Pilipino. Ang mga
Pilipinong ito ay may kaibahan lamang sa paniniwala sa Diyos dahil may
Katoliko, Muslim, Protestante, Buddhist, Taoist, etc. Subali’t kung ang
pinag-uusapan ay tungkol sa adhikain lalo na kapayapaan, iisa lang dapat ang
isinusulong ng lahat bilang iisang lahi. Magkaiba man sa mga salita at
pananamit, iisa pa rin ang lahi – Pilipino.
Dapat tanggalin sa kaisipan natin ang agam-agam tungkol sa
pagiging Ilokano, Bisaya, Maranao, Maguindanaoan, Tausug, Badjao, Kapampangan,
Pangasinense, etc., ng isang Pilipino. Dahil dito, nagkaroon na ng batas na
nagsasabing hindi dapat banggitin sa balita ano ang tribu o kinabibilangang
rehiyon ng isang nahuling iniimbistigahan.
Sa usaping Mamasapano massacre, ang tinatalakay ay ang
pagkakamali ng MILF, kakulangan ng PNP/SAF at militar ng bansa, kung meron man,
na ang tinutumbok ay isang tao o mga taong dapat sisihin at papatawan ng
karampatang kaparusahan. Hindi dapat gawing isyu ang pagka-Moro ng MILF, dahil batay sa impormasyon, may mga
Kristiyano din silang miyembro o di kaya ay mga converts mula sa Kristiyanismo.
Hindi dapat balikan ng MILF ang kasaysayan ng Mindanao at sabihing nawalan ng
lupain ang mga Muslim dahil sa pagdating ng mga taga-Luzon at Visayas. Dapat
isipin ng pamunuan ng MILF na may mga bentahang nangyari sa pagitan ng mga
datihang nakatira sa mga lupain at sa mga dumating galing sa ibang bahagi ng
bansa.
Ang mga dinatnang nakatira sa Mindanao ay nasa ilalim ng mga
datu, at kung hindi man umusad ang kabuhayan ng mga nasasakupan ng mga ito ay
hindi dapat isisi sa mga dumating na mga kababayan galing sa ibang bahagi ng
Pilipinas. Ang tanong dapat ay kung ginawa ba ng mga datu ang kanilang dapat
gawin upang umasenso ang kanilang mga nasasakupan? Nirespeto ang mga datu pati
ang mga dinatnang kaugalian sa pagpataw ng hustisya, pati na ang educational
system na Madrasa.
Hindi na dapat ulit-ulitin ni Chairman Iqbal ang kasaysayan
na ayon sa kanya, sakop din ng Moro pati ang Luzon. Nasa kasalukuyan na tayo at
marami na ang nangyari kaya dapat iwasan na niya ang paninisi dahil lalabas na
nanggagatong siya at magreresulta lamang ito sa gantihan na talagang walang
katapusan. Bilang isa sa mga namumuno ng MILF, dapat ay “gumitna” siya lalo pa
at sinasabi niyang ang Bangsamoro ay para sa LAHAT ng nakatira sa mga masasakop
nito sa Mindanao…para sa kapayapaan pati na ng buong Pilipinas.
Ang presidente ng Pilipinas ay binabatikos pati na ang
kanyang mga tauhan sa Malakanyang at mga kalihim. Ang mga mambabatas ay
binabatikos dahil sa korapsyon. May mga gobernador at mayor na binabatikos.
Lahat sila binabatikos subalit hindi binabanggit kung sila ay mga Bisaya o
Tagalog o kung ano pa man. Binabatikos sila bilang mga Pilipino dahil sa
sinasabing ginawa nilang mga pagkakamali. Walang pinag-iba ang mga pagbatikos
na nabanggit sa pagbatikos sa pamunuan ng MILF dahil pinagduduhan ngayon ang
kakayahan nila sa pamumuno ng Bangsamoro kung sakaling matuloy ito, kaya hindi
nila dapat gawing isyu ang kanilang pagka-Moro. Ngayon pa lang ay dapat
magpakita na ng “patas” na ugali ang mga namumuno ng MILF upang paniwalaan sila
sa kanilang adhikain na pagkamit ng kapayapaan para sa LAHAT dahil maraming
Kristiyano ang mapapasailalim sa rehiyong pinaglalaban nila.
Discussion