0

Ang "Chain of Command"....wala daw nito ang PNP ayon kay Purisima

Posted on Thursday, 12 February 2015



Ang “Chain of Command”
…wala daw nito ang PNP ayon kay Purisima!
ni Apolinario Villalobos

Wala daw “chain of command” sa PNP ayon kay Purisima dahil wala ang mga ganoong salita sa Saligang Batas na tumutukoy sa Philippine National Police. Kung tinuruan siya ni de Lima at Lacierda, dahil halata naman sa masyado niyang confident na pananalita sa hearing, mali sila! Dahil sa paniwala ni Purisima na “civilian” ang PNP, para sa kanya ay wala itong “chain of command”, na ang tunog ay “military”. Mabuti na lang binara siya ni senadora Miriam.

Historically, ang PNP ay nag-evolve sa Philippine Constabulary, isang sangay ng Armed Forces of the Philippines. Hindi dahil kinonvert ang ahensiya upang magkaroon ng mukhang pangsibilyan ay nawala na ang nakagawiang alituntunin nito na may pagka-miltar. Ang salitang “chain of command” ay pang-military, kaya lumalabas na upang makalusot ang mga taga-Malakanyang, si de Lima, lalo na si Purisima ay kung anu-ano na lang ang ini-imagine na paliwanag, at iniangkla ang paliwanag sa pagka-sibilyan daw ng PNP. Hinanap nila ang mga salita sa mga provision ng Saligang Batas na tumutukoy sa PNP bilang sibilyan na ahensiya. Ganoon ang takbo ng isip nila…literal, kaya puro sila semplang…dahil sa ugaling palusot!

Ang “chain of command” ay hindi naiiba sa pangsibilyan na “chain of supervision” o “chain of authority”. Kung gusto ni Purisima ay palitan ang “chain” ng “flow” para talagang maging tunog “civilian” ito. Sa isang private organization o sa isang sibilyang ahensiya ng gobyerno, hindi ba may ranking, mula sa pinakahepe o  simpleng puwesto na manager hanggang sa pinakamababang puwesto? Paanong dumaloy ang poder o authority? Hindi ba kung pababa ay mula sa manager hanggang sa mga clerk, at kung pataas ay mula sa mga clerk hanggang manager? Ang ganitong prinsipyo ay may kaakibat na respeto sa nakakataas at responsibilidad ng nakakataas sa nakakababa sa kanya. Kung hindi man ito binanggit na literal sa Saligang Batas, dapat nakalagay ito sa Operating Manual ng PNP, kung meron sila nito.

Sa usaping Mamasapano massacre, kung ihahalimbawa ang simpleng daloy ng poder na pangsibilyan,  ang clerk ay si Napeas at ang pinaka-manager ay ang OIC niya sa PNP, at ang isa pang boss niya ay ang kalihim ng DILG. Sa ganoong sitwasyon, obligado si Napeas na magreport sa dalawa.  Bakit hindi niya ginawa? Hindi naman si Purisima ang boss niya dahil suspendedo ito, para sundin niya ang lahat ng utos. Dahil ba dikit si Purisima sa pangulo?

Ang pagpapatupad ng responsibilidad ay may kaakibat na respeto sa nakakataas, ano mang organisasyon ang kinasasaniban ng isang tao. Ito ay isang prinsipyo na nakatuntong sa common sense. May unawaan na basta subordinate ay kailangang makipag-alaman sa nakakataas sa lahat ng pagkakataon kung ano ang ginagawa niya, dahil responsibilidad siya ng nakakataas sa kanya.

Binubulasaw ng mga taga-Malakanyang at mga tauhan ng pinaghihinalaang presidente, lalo na ni Purisima at de Lima ang mga simpleng alituntunin ng mga nanahimik na ahensiya. Nanggugulo sila gamit ang kanilang pagmamarunong at pagmamagaling upang mailusot si Purisima at ang pinaghihinalaang presidente. Kung ipipilit nilang walang alituntunin na sumasaklaw sa respeto sa nakakataas sa PNP, para na rin nilang sinabi na magkanya-kanya na lang ang mga pulis ng diskarte….tanggalan ng mga rangko…lahat puro “pulis” na lang…wala nang P01 o P02 o P03, SP01 o SP02 o SP03, etc. Kung ganoon ang pinipilit nila, aba’y hayaan nang magbarilan ang mga pulis kung feel nilang gawin halimbawang mainit ang ulo nila, dahil wala naman silang nirerespetong nakakataas! Dahil sa ganitong takbo ng isip nila, nagulo na nga ang administrasyon ng kinabibiliban nilang presidente!

Discussion

Leave a response