May Kaunting Tapang at Kulang sa Anghang ang Talumpati ni Pnoy sa Pagtanggap ng Resignation ni Purisima
Posted on Friday, 6 February 2015
May Kaunting Tapang
at Kulang sa Anghang
Ang Talumpati ni Pnoy
sa Pagtanggap
ng Resignation ni
Purisima
ni Apolinario Villalobos
Malinaw na nangibabaw ang personal na utang na loob ni Pnoy
kay Purisima kaya mabigat sa kanyang kalooban ang pangtanggap ng resignation
nito bilang hepe ng PNP. Sa pag-amin na ito, inihantad ni Pnoy ang kahinaan
niya bilang isang lider. Dapat isinaalang-alang niya ang mga responsibilidad niya
bilang pangulo bilang una sa lahat ng mga bagay lalo na sa mga personal at
utang na loob. Hindi magandang dahilan na kaibigan niya si Purisima kaya ayaw
sana niyang bitiwan, dahil pagpapakita ito ng kawalan ng propesyonalismo, lalo
pa at siya ang tinuturing na “ama ng bayan”, kaya inaasahang walang
kinikilingan.
Binitin na naman niya ang taong bayan dahil hindi niya
binanggit kung sino ang papalit kay Purisima. Matagal na niyang alam ang
saloobin ng taong bayan laban kay Purisima kaya dapat noon pa man ay nag-iisip
na siya o may listahan na siya ng mga pangalan ng taong papalit kung umabot sa
puntong tatanggalin na niya ito sa puwesto….na hindi nangyari. Kritikal ang
pagkakaroon ng talagang opisyal na papalit kay Purisima, hindi lang bilang pansamantala
dahil ang puwesto ay may kaakibat na mabibigat na responsibilidad. Sa
pagpapatupad ng mga responsibilidad, malaking bagay at makakapagbigay ng
inspirasyon ang permanenteng pagkatalaga sa taong uupo sa puwesto.
Sana noon pa man ay
binitiwan na lang ni Pnoy si Purisima bilang opisyal na hepe ng PNP, at
ginawa niya itong security consultant kung talagang malaki ang tiwala niya dito
bilang kaibigan. Kung nagawa niya yon, sana ngayon ay hindi siya
sisinghap-singhap sa lampas ulong pagbatikos ng taong bayan.
Discussion