Ang "Taga-akay" ng Barangay Real 2, Bacoor...Jun Kamatoy
Posted on Sunday, 8 February 2015
Ang “Taga-akay” ng
Barangay Real 2, Bacoor
…Jun Kamatoy
Ni Apolinario Villalobos
Isa siyang retiradong manager ng Philippine Airlines.
Subali’t bago siya umangat sa puwestong nabanggit ay marami din siyang
nilusutang mga pagsubok. Ang kanya namang ama ay isa sa mga mga naunang
mekaniko ng nasabing airline. Dahil halos sapat lang sa mga pangunahing
panganailangan ng pamilya ang kinikita ng kanyang ama, silang magkakapatid
ay napilitang gumawa ng paraan upang
makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral.
Ang unang trabaho ni Jun sa Philippine Airlines ay sa
departamento ng Catering. Napasabak siya sa mga trabaho sa kusina bilang
katulong ng mga chef. Dahil sa pagtitiyaga ay nalipat si Jun sa ibang trabaho
hanggang makarating sa Flight Operations, kung saan ay nagkaroon ng
responsibilidad sa paggawa ng iskedyul ng mga Flight Attendants, piloto, at
mismong mga eroplano. Hindi kalaunan ay naging manager siya sa nasabing
Departamento, hanggang sa abutin siya dito ng retirement.
Nang mapatira sa Perpetual Village 5 ng Barangay Real 2, sa
lunsod ng Bacoor, napansin agad ang hindi niya pagiging palakibo. Matipid sa
salita subalit hindi nagkulang sa pakisama, na animo ay nananantiya o
nakikiramdam sa bago niyang komunidad. Nang maging kampante, napahinuhod siyang
maging presidente ng Homeowners’ Association. Naging aktibo rin siyang maging
Lay Minister ng simbahan ng parukya ng San Martin de Porres at miyembro ng
Crusaders of the Holy Face of Jesus, kasama ang kanyang asawa.
Lingid sa kaalaman ng kanyang mga kaibigan, may mga
unti-unting naaakay si Jun tungo sa landas na kanyang tinatahak. Ang isa sa
kanila ay may sakit na epilepsy at madalas hindi maunawaan ng mga kapitbahay
dahil naging bugnutin at naging mapili ng pinagkakatiwalaan. Dahil sa sakit na
epilepsy, kung minsan ay basta na lang ito nahihilo at natutumba. At dahil sa
kalagayan ay madalas na lang din itong mag-isa sa pag-alala na baka abutin ng
pagkahilo sa mga alanganing lugar.
Hindi inalintana ni Jun Kamatoy ang mga hadlang sa kanyang
balak na bandang huli ay naging matagumpay dahil sa pamamagitan niya ay
nabigyan ng pagkakataon ang inaakay niyang tao upang maging isang Lay Minister.
Sa tuwa ng mga nakaalam, may mga nagbigay sa inaakay na tao, ng mga kailangang
itim na pantalon, puting damit, at sapatos. Nitong huling mga araw halos hindi
na inaatake ang nasabing tao ng epilepsy, at dahil natuwa sa mga pangyayari ang
mga kapitbahay, tinatawag nila ito kung may ipapagawa sa kanilang bahay.
Ang isa pang inakay ni Jun Kamatoy ay barkada niya na
dina-dialysis sa kasalukuyan. Matagal na panahon ding hindi nakakapagsimba ang
nasabing tao. Subalit marami pa rin ang nakaalala na ang taong ito at ang
kanyang asawa ang nag-donate ng isang religious item na ginagamit sa chapel ng
Real 2. May isa silang kabarkada na naging
pastor ng born again Christian group, subalit nabigong magpabago sa sinasabi
kong taong nalihis ang landas. Nang si Jun Kamatoy na ang sumubok sa pag-akay,
buong pagpakumbabang nakinig sa kanya ang kanyang barkada.
Si Jun Kamatoy ay nagpapagaling din sa sakit na kanser sa
colon…stage four. Inoperahan siya upang matanggal ang tumor. Dahil positibo ang
kanyang pananaw at hindi pinanghinaan ng loob, marami ang nakakapansing mabilis
ang kanyang paggaling. Subali’t para kay Jun, may sakit man siya o wala,
nagpapagaling man o hindi, tuloy pa rin ang paghanap niya ng mga taong maaakay
niya patungo sa tamang daan. Sa kabila ng kanyang sitwasyon, tumanggap pa rin
siya ng responsibilidad bilang Auditor ng Senior Citizens group ng Barangay
Real 2.
Sana marami pang tao, Katoliko man o hindi ang tumulad sa
kanya.
Discussion