Ang Tubig at Hangin
Posted on Sunday, 25 June 2017
Ang Tubig at Hangin
Ni Apolinario Villalobos
Ang tubig at hangin -
Bahagi ng buhay kung sila ay ituring.
Sa tubig ng sinapupunan nakalutang
Ang binhi ng buhay na sumisibol pa lamang
Na sa mundong lalabasa’y walang kamuwang-muwang.
Gaya ng tubig, ang hangi’y buhay din,
Nagpapatibok sa puso, nagpapapintig;
Ang sibol, nakapikit man, ito ay nakakarinig
Na animo ay
naghahanda na, paglabas niya sa daigdig.
Hangin ang unang malalanghap niya
Sa takdang panahong siya’y isinilang na,
At, sa kaguluhan ng mundo
Imumulat ang mga mata -
Kasabay ng malakas niyang pag-uha.
Sa tigang na lupa, ang tubig ay buhay
Ito’y ulang bumabagsak mula sa kalawakan
Subali’t kapag lumabis na’t hindi mapigilan
Nagiging baha, pumipinsala sa sangkatauhan
Ganoon din ang hangin na dulot ay ginhawa
Basta ang ihip, huwag lang magbago ng timpla.
Baha at bagyo
Dulot ng tubig at hangin sa mundo
Hindi masawata
Kaya dulot ay matinding pinsala
Subali’t sana, kahit papaano’y maiibsan
Kung napangalagaan natin ang kalikasan -
Na ating inalipusta nang walang pakundangan!
Note:
Sibol – fertilized egg of the woman
Sinapupunan – womb
Kamuwang-muwang (kamuwangan) – knowledge
Pintig – pulse
Tigang – dry
Inalipusta - abused
Discussion