0

Ang Kuwento ng Buhay ni Mariam

Posted on Monday, 26 June 2017

Ang Kuwento ng Buhay ni Mariam
Ni Apolinario Villalobos

Una kong nakilala ang kapatid ni Mariam na si Den dahil traysikel niya ang ginamit ko nang bumili ako ng kahoy panggatong sa Datu Paglas. Silang dalawa ay lubusang naulila sa murang edad na parehong wala pang sampung taon. Palipat-lipat sila sa iba’t ibang kamag-anak na ang iba ay napilitang umampon sa kanila kahit sa maikling panahon. May narinig pa silang kuwentuhan ng matatanda nilang kamag-anak na huwag na silang pag-aralin, at sa halip ay gawing utusan na lamang. Habang si Den ay pinag-araro ng bukid kahit wala pang sampung taong gulang, ang kanyang ate na si Mariam ay bugbog naman sa gawaing bahay, at talagang bugbog literally kaya nagkaroon siya ng peklat sa mukha na hindi nawala hanggang ngayon dahil sa sobrang pagmamalupit ng tinirhang kamag-anak.

Dahil umabot sa puntong halos wala nang kamag-anak na mag-aampon sa kanila, nagkahiwalay silang dalawa. Naiwan si Mariam sa Buluan at si Den naman, sa murgang edad na halos tin-edyer pa lang ay nakipagsapalaran na sa iba’t ibang bayan. Nagkita lamang silang dalawa nang si Den ay may asawa na at umuwi sa sinilangang bayan kung saan siya ay nagtatraysikel at si Marian naman ay domestic help sa Qatar.

Naiwan sa pangangalaga ng kanyang pinsan ang 15 years old na panganay ni Mariam at nag-aaral sa isang pampublikong high school sa katabing bayan ng Buluan, ang President Quirino. Ayon kay Mariam na nakausap ko sa cellphone dahil nasa Qatar siya, matalino ang kanyang anak na lalaki, lalo na sa Mathematics kaya ang pangarap niya para dito ay maging engineer. Sa pag-uusap namin nabanggit niyang ang gross niyang kinikita sa Qatar ay hindi lumalampas sa Php16,000 kada buwan at binabawas niya ng budget para sa pagkain niya. Siya kasi ay empleyado ng isang agency na nangongontrata ng paglilinis ng bahay at per hour ang bayad.

Ang pinsang nag-aalaga sa kanyang panganay ay binibigyan niya ng Php1,000 kada buwan para sa pagkain nito. Nagpapadala din siya ng pera para sa kanyang anak na babae na nasa pangangalaga ng asawang hiniwalayan niya. Ang allowance ng kanyang anak na panganay ay Php2,000 kada buwan, at sa halagang iyan kinukuha ang pamasahe at tanghalian kung lunch break sa eskwela. Nagbabaon ang bata ng kanin upang makatipid at dahil maliit lang budget para sa pagkain, bumibili siya ng ginisang alamang na bagoong sa halagang Php5 na pang-ulam.

Parehong matalino ang dalawang anak ni Mariam. Kung ang panganay na lalaki ay magaling sa mathematics, ang pangalawa naman na babae ay magaling sa English at Science, at consistent honor student mula pa noong nagsimula itong mag-aral kaya ang pangarap niya para dito ay maging Nurse. Walang hilig makipagbarkada ang dalawa dahil pagkatapos ng klase, diretso daw sila sa bahay upang mag-aral. Nakakarating kay Mariam ang magandang feedback tungkol sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng kanyang pinsan. Dahil sa kabaitan ng kanyang mga anak, nagsilbi silang inspirasyon sa kanya.

Binanggit ni Mariam na noong bata pa siya,  kahit once a week lang ang pag-aral niya ng Arabic sa Madrasa o Islamic school, at sa loob lang ng isang buwan, pinilit niya ang sariling matuto kaya panay ang self-study niya kapag nasa bahay na. Ang English naman ay sa regular na public school niya natutuhan. Ngayon, parehong magaling na siyang magbasa at magsulat ng English, ganoon din sa Arabic.

Tulad ni Den, sinabi sa akin ni Mariam na ayaw niyang matulad sa kanya ang kanyang mga anak kaya hangga’t maaari ay ayaw niyang magkasakit o umabsent sa trabaho dahil ang patakaran ng agency nila “no work, no pay”. Nang huli silang mag-usap ng kanyang panganay, humihingi ito ng dagdag na pera para magamit sa project sa eskwela dahil ang natitirang perang hawak niya ay Php400 na lang. Masakit man sa kalooban niya ay napakiusapan ni Mariam ang anak na pagkasyahin ang pera hanggang sa second week ng July kung kaylan siya makakakuha pa lang ng sahod. Habang sinusulat ko itong blog, hindi ko alam kung nakagawa ng paraan ang anak niya.


Naisip ko na ang halagang Php400 pesos ay pinapang-Jollibee lang ng iba, pero para sa anak ni Mariam, kayamanan na itong maituturing na kailangang pagkasyahin sa loob ng dalawang linggo.

Discussion

Leave a response