Reynaldo Torrecampo: Madiskarteng Mekaniko at ang Pag-ibig niya kay Elvira
Posted on Tuesday, 6 June 2017
Reynaldo Torrecampo: Madiskarteng Mekaniko
at ang Pag-ibig niya kay Elvira
Ni Apolinario Villalobos
Nang pasyalan ko si manong Naldo ay nalaman kong halos
malabo na ang kanyang mga mata at tulad ng dati ay mahina pa rin ang kanyang
boses kapag nagsalita. Sa pag-uusap namin ay nabanggit niyang una siyang
nagtrabaho bilang driver sa Davao City bago kinuha ni Serafin Bernardo na noon
ay Vice-Mayor ng Tacurong. Lumipat siya sa pamilya nina Upeng Paciente at
Leoncio Yap at dahil hindi naman araw-araw ang kanyang pagmaneho para
mag-asawa, siya ibinili ng tricycle. Natuto siyang magkumpuni ng motorcycle
kaya tuwing nakakaluwag siya ay umiistambay siya sa mga gasolinahan upang
magkumpuni ng mga motorcycle, at ang kita ay iniintriga naman sa mag-asawang
employer niya.
Mula sa pagkalinga ng mag-asawang Upeng at Leoncio, nalipat
naman siya sa pamilya Biῆas
na ang negosyo ay pagba-buy and sell ng mais at palay. Tumagal din siya ng
ilang taon sa pamilya subalit nang dumating sa Tacurong si Po Ban o mas kilala
sa pangalang “Pedro” na kaibigan ng mag-asawang Biῆas, napakiusapan siyang alalayan ito dahil ng nagtayo ng
negosyong pagawaan ng commercial vinegar na ang tatak ay “Panay Vinegar”, at nagdi-distribute din ng mga produkto ng
London Biscuit Co. (LONBISCO).
Nang mamatay si Po Ban, umalalay muna si manong Naldo sa
naiwang pamilya at nagpatuloy sa pagmaneho para sa pamilya na ipinagpatuloy ang
negosyo. Subalit dahil mas nakahiligan niya ang bagong natutuhang pagkumpuni ng
mga makina ng motorcycle, siya ay nag-resign at nag-full time sa ganitong
gawain. Umistambay siya sa isang bahagi ng plaza araw-araw para mag-abang ng
mga magpapagawa hanggang sa naging tanyag siya sa buong bayan. Isang pulis ang
nagpayo sa kanya na kumuha na ng puwesto kahit maliit upang magkaroon siya ng
matatawag na permanenteng “motor shop”, kaya napilitang kumuha ng isang home
lot sa Apilado subdivision.
Dahil kinilala ang kanyang galling sa pagkumpuni, sinundan
siya ng kanyang mga kostumer na lalo pang dumami. Kalaunan ay nakabili na rin
siya ng mga makinang kailangan sa uri ng kanyang trabaho, mga sophisticated at
imported pa. Bukod sa mga makina, nakabili pa rin siya ng isang kotse. Sa
ipinundar na bahay namatay ang una niyang asawa na si Letty. Samantalang ang
ibang mga anak na natuto na ring magkumpuni ay nakatulong sa shop.
Sa gulang na 73 nang mabiyudo, napagpasyahan niyang mag-asawa
uli at ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon ay isang teacher na si Elvira
Beligan, na 60 years old nang sila ay magpakasal. Nagtatrabaho si Elvira bilang
District Planning Officer ng Department of Education, Culture and Sports (DECS)
at nakatalaga sa Datu Paglas (Maguindanao). Masayang nagsasama ngayon sina manong Naldo at
Elvira na nakitaan ng sipag kaya kung nasa bahay ay halos hindi tumitigil sa
pag-asikaso ng iba’t ibang uri ng halaman. Mayroon din silang mga gold fish na
pang-good luck.
Pinatunayan nina manong Naldo at Elvira na ang pag-ibig ay
walang pinipiling gulang o edad. Hindi nakayang hadlangan ng panahon ang
pag-usbong ng pag-ibig sa isa’t isa…“harangan man ng mga sibat ang kanilang mga
landas patungo sa isa’t isa”….yan ang misteryo ng pag-ibig.
Discussion