Manalig nang Walang Pag-alinlangan at Huwag Pairalin ang Kayabangan
Posted on Monday, 19 June 2017
Manalig nang Walang Pag-alinlangan
At Huwag Pairalin ang Kayabangan
Ni Apolinario Villalobos
Hindi madali ang basta na lang maniwala sa mga bagay na
hindi nakikita. Lalong hindi madaling gawin ito
ng isang tao na ang palagay sa sarili ay “napakatalino” na dahil sa
maraming kaalamang nakuha sa mga sa mga libro at mga ibinahagi sa kanya ng mga
guro. Subali’t paano na kung may mga katanungang hindi kayang sagutin maski ng
agham o siyensiya? Basta na lamang ba itong ipagkibit-balikat at isasantabi?
Hangga’t may bahid ng pag-alinlangan, halimbawa, ang pananalig ng isang tao sa Pinakamakapangyarihan
sa lahat, hindi mamamayani ang takot sa kanyang puso sa paggawa ng masama dahil
sa kanyang kaisipan, walang nagbabantay sa kanya, walang manunumbat, at siya
lamang ang tanging nakakaalam kung ano ang tama o mali. Mas gugustuhin pa
niyang mamayani ang kanyang pananalig sa mga batas ng pamahalaan.
Hindi maikakaila ang tibay ng mga bagay na tinatakan ng
mga simbolo at kasulatan na may kinalaman sa Manlilikha. Sa kabila ng kung
ilang libong taon na ang lumipas, may mga bahagi pa ring natira upang patunayan
na ang mga nakasaad sa Bibliya ay totoo. Dahil sa tuluy-tuloy na pananaliksik,
tuloy din ang pagtambad sa mata ng tao ang mga katunayan na noong unang panahon
pa man ay nandiyan na Siya at pilit nagpapahiwatig ng di-masukat Niyang
kapangyarihan. Maraming mga nadiskubre ang hindi maipaliwanag hanggang ngayon
na sa halip na pagtuunan ng pansin, ay mas pinili ng taong laktawan at
pagtuunan ng pansin ang paghalughog sa napakalawak na kalangitan gamit ang
sarili niyang kaalaman. Nag-aalinlangan ang taong umamin na may Isang
napakamakapangyarihan sa lahat na siyang dahilan ng mga hindi maipaliwanag na
mga bagay sa sanlibutan at sa kalawakan.
Gusto ng taong mas kilalanin ang kanyang kakayahan at
kaalaman kaya kung anu-ano na lang ang kanyang ginagawa tulad ng pagbuhay ng
isang patay sa pamamagitan ng pagpapatibok ng puso nito gamit ang isang makina,
pagpupunla ng isang buhay gamit ang isang bahagi ng tao na matagal nang namayapa,
pagbabago ng mga likas na katangian ng mga tanim at hayop, paggawa ng mga
sasakyang nakakarating sa ibang planeta, at iba upang maihalintulad siya sa
Diyos.
Subali’t sa kabila ng mga kaalaman ng tao para ipakita na
siya man ay maaaring umaktong Diyos, bakit hindi pa rin niya mapigilan ang mga
dilubyo na dulot ng mga mapaminsalang
baha, bagyo at lindol? Bakit hindi niya
mapigilan ang pag-alburuto ng mga bulkan sa pagpakawala ng kanilang kinukuyom
na lakas na pinaghalong abo, mga bato at apoy? Bakit hindi niya maawat ang pagtigang ng lupa sa ibang
kontinente upang magresulta sa malawakang gutom dahil sa pagkalanta ng mga pananim? Bakit hindi niya mapigilan ang pagsibol ng
mga bagong sakit na nagdudulot ng pinsala sa iba’t ibang dako ng mundo?
Saan hahantong ang kayabangan ng tao? Bakit hindi na lang
niya pairalin ang pananalig na walang pag-alinlangan nang sa gayon, kahi’t
papaano ay matanggap niya na ang mga nangyayari sa kanyang kapaligiran ay hindi
saklaw ng kaalaman niyang may hangganan?
Dahil nananaig ang kayabangan kaysa pananalig, ang tao ay
hindi magkakaroon ng takot sa puso , kaya siya ay makakagawa ng masama sa
kapwa. At lalong hangga’t nasa kaisipan
niya ang magdiyus-diyosan, ang mundo ay hindi magkakaroon ng katahimikan …dahil
hindi lang iisang tao ang may ganitong paniniwala…marami – silang gustong umangat sa pamamagitan ng pagtapak sa
karapatan ng iba…silang mga lango sa kapangyarihang dulot ng pera, kaalaman, at
katungkulan!
Discussion