0

Disiplina

Posted on Wednesday, 7 June 2017

Disiplina
ni Apolinario B. Villalobos

Parang sirang plaka ang mga guro sa pagsabi sa mga mag-aaral na kailangan ang disiplina upang maging maayos ang kanilang pamumuhay paglaki nila. May mga iilan ding mga magulang na nagsasabi nito sa kanilang mga anak. Pati ang simbahan at gobyerno ay hindi nagkukulang sa paalalang ito.

Subali’t sadyang matigas ang ulo ng tao, kaya nakalakhan ng maraming bata ang kawalan ng disiplina na siyang dahilan ng kanilang paghihirap sa pagharap nila sa mga pagsubok ng buhay.

May mga katanungan na sana ay magbubukas ng kaisipan ng karamihan sa atin, hinggil sa ganitong bagay. Halimbawa:

  • Ilan sa atin ang nagtatapon ng tirang pagkain dahil may pera namang pambili ng iba pa para sa susunod na kainan?
  • Ilan sa atin ang nagtitira ng pagkain sa pinggan tuwing kakain sa labas, restaurant man o mall para maipakita sa mga nakaupo sa katabing mesa na tayo ay sosyal?
  • Ilan sa atin ang nagbibigay ng pera sa mga anak para magastos nila sa computer shops, perang dapat sana ay naitabi para sa iba pang pangangailangan?
  • Ilan sa atin ang gumagastos ng mas higit sa kinikita?
  • Ilan sa atin ang ayaw magsuot ng mumurahing damit dahil nahihiya at natatakot na makutya ng kapitbahay at kaibigan?
  • Ilan sa atin ang sumusunod agad sa kagustuhan ng nagwawalang spoiled na anak na may gustong bilhin sukdulan mang umutang, mapagbigyan lamang siya?
  • Ilan sa atin ang ayaw man lang turuan ng gawaing bahay ang mga anak dahil magmumukha silang kawawa at kukutyain ng mga barkada?
  • Ilan sa atin ang mas gugustuhing bumili ng mahal na mga gamit para sosyal ang dating, sa halip na ang mas mura para sana may perang maitabi pa?
  • Ilan sa atin ang ayaw kumain ng tinapay na walang palaman o di kaya namimili ng palaman?
  • Ilan sa atin ang nagtatapon ng basura maski saan lang?
  • Ilan sa atin ang may ugaling batugan?

Ang mga nakikitang ginagawa ng magulang at matatanda, kahi’t na masama ay iisipin ng mga bata na ang mga ito ay tama, matatanim sa kanilang isipan at gagawin din nila sa kanilang paglaki. Nakalimutan natin na sa murang edad ay dapat hubugin ang kaisipan ng mga kabataan. Alam nating lahat iyan, nguni’t marami sa mga magulang na tumatandang tanga.


Ang masama, kung  malaki na ang mga bata  na naging suwail ay saka pa lang magtatanong ang mga tangang magulang ng….”saan ba ako nagkamali?”

Discussion

Leave a response