Si Tiya Iskang Madasalin
Posted on Sunday, 4 June 2017
Si
Tiya Iskang Madasalin
Ni Apolinario Villalobos
Sa aming bayan, nakalakhan ko na si Tiya
Iska na madasalin. Ang apelyido niya ay
Peñalosa. Maliit siyang babae, may lampas balikat na buhok at maliit ang
boses. Bago pumutok ang araw ay makikita siyang naglalakad ng halos isang
kilometro papunta sa simbahan, may belo ang ulo. Dahil debuto siya ng Mahal na
Birhen, ang kanyang puting damit ay nasisinturunan ng sutlang kulay asul na
mapusyaw.
Sa misa ay nangingibabaw ang kanyang boses
sa pagkanta. At kung oras na ng komunyon, siya ang unang tatayo at halos
takbuhin ang harap ng altar upang unang mabigyan ng ostiya. Kung may prusisyon
naman, siya ay palaging nasa unahan ng karo ng imahe ng Mahal na Birhen. Namumuno
din siya sa mga nobena at pagdasal ng rosaryo. Tuwing Flores de Mayo naman,
tumutulong siya sa pagturo sa mga bata ng dasal at kantang pangsimbahan. Nanghihingi
din ng tinapay sa mga panaderya upang maipamigay sa mga bata.
Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit
siya nililibak noon, sa kabila ng kanyang mga ginagawa. Wala naman siyang
ginagawang pagpapa-istaring. Ang nakikita ko sa kanya ay ang kaseryusuhan niya
sa pagsamba sa Diyos, lalo na sa pagtupad sa kanyang debosyon sa Mahal na
Birhen. Isang beses ko lang siyang
nakausap, at noon ay nang inalalayan ko siya papunta sa kumbento dahil nahilo.
Pauwi na ako nang hapong yon galing sa klase at nakita ko siyang nakasandal sa
puno ng kaimito dahil nahilo. Hindi pala nakakain ng tanghalian.
Nasa high school ako noong masubaybayan ko
ang ilang yugto ng buhay ni Tiya Iska. At naalala ko siya sa panahon ngayon na
kailangan ang pagbabalik-loob ng tao sa Diyos. May mga pagpipilian ang mga tao:
magbalik-Islam, magpaakay tungo sa iba’t ibang sekta ng Kristiyanismo o
magbagong-loob bilang Katoliko.
Kung wawariin, hindi dapat ibatay sa
kinaanibang grupo o simbahan ang kabanalan o pagkamaka-Diyos ng isang tao.
Maging bukal lang sa kalooban ang pagsamba at pagdasal tulad ng ginawa ni Tiya
Iska, palagay ko ay maaari na. Dapat walang pagkukunwari ang pananampalataya,
tulad din ng ginawa niya.
Alam kong marami pang Tiya Iska ang
makikita sa iba’t ibang panig ng mundo. Sila ang salamin natin sa buhay
pagdating sa mga bagay na ispiritwal. Iwasan natin ang magng bulag sa
katotohanan, bagkus ay dapat maging mapagpakumbaba sa pagtanggap ng ating mga
kakulangan upang mapunan natin kung ano man ang mga ito.
Discussion