Ang Pagsi-share ng mga Ideya sa Iba...sa pamamagitan ng blogging
Posted on Sunday, 5 April 2015
Ang Pagsi-share ng
mga Ideya sa Iba
…sa pamamagitan ng
blogging
Ni Apolinario Villalobos
Marami na ang nagtanong kung saan daw ako kumukuha ng mga
ideya upang i-develop at mai-share sa iba sa pamamagitan ng blogging. Ang sagot
ko ay marami akong pinagkukunan, tulad ng mga nabibitawang salita ng kausap ko,
mga nakikita ko sa paligid – bagay man ito o pangyayari, mga napapanaginipan
ko, mga nakaka-inspire na ginagawa ng ibang tao, Bibliya, at lalo na
diksiyonaryo kung saan ay maraming salita na relevant para sa isang paksa.
Alam kong kaya rin ng iba ang ginagawa ko, pero sa sarili
nilang style. Ang problema lang ay takot silang maglabas at baka sila
ma-criticize, dahil baka daw mali ang English at Tagalog, ang paglagay ng
kudlit, ng tuldok, etc. Hindi dapat ganoon ang attitude. Ganoon pa man, marami
pa rin akong nadidiskubre na magaling, gamit ang kanilang style tulad ng isang
taga-UP na follower ko sa isang site. Akala ko ay estudyante dahil boyish ang
mukha, pero yon pala ay may Doctor’s degree! Akala ko pa ay nagri-review lang
ng mga librong binibenta niya sa internet, yon pala ay book writer na
kinapapalooban ng mga isinulat niyang blogs sa sarili niyang style – mga ilang
linya na nakakatawa pero may malalim na mensahe between the lines….yon lang!
Inipon niya upang maging libro.
Marami nang Pilipino ang hindi gumagamit ng “diretsong”
Tagalog, maski nga sarili nilang salita sa probinsiya. Ang Tagalog ay may halo
nang mga English na salita, inispel lang sa Tagalog. Ang Bisaya ay may mga
Tagalog na ring salita, pati na ang ibang dialects. Ganoon na kayaman ang ating
wika at mga regional dialects kaya ang Pambansang Wika ay tinawag na ring
Filipino, subalit hindi pa rin maiwasang matawag sa dati na “Pilipino”.
Ang English ay ganoon na rin…marami na itong hybrid na mga
salitang modern kung ituring, lalo na kung mga Pilipino ang gumamit. Halimbawa
ay ang hindi na pag-conjugate sa ibang salitang verb. Tulad ng salitang
“invite”….sa halip na sabihing, “thank you for the invitation”, ay sinasabi
nang “thank you for the invite”. Kung dati, hindi pwedeng umpisahan ang
sentence ng “and”, ngayon ay pwede na. Kung minsan sa halip na gumamit ako ng
“at”, ang ginagamit ko ay tatlong tuldok na magkakasunod. Inuumpisahan ko rin
kung minsan ang sentence ng tatlong tuldok upang palabasing dramatic at bitin ang sentence.
Pero, kung hindi talaga maiiwasan ang pagkakamali ng
spelling, pwedeng idahilan na lang ang palyadong keyboard ng computer, lalo na
kung nagsusulat sa Tagalog dahil pinipilit ng computer na ispelingin ang ibang
salitang Tagalog sa English kaya dinudugtungan nito ng mga letra. Kaya kung
minsan sa pagmamadali ko ay nakakaligtaan ko tuloy na balikan upang ayusin ang
mga salitang dinugtungan ng computer ng iba pang letra upang mabasa sa paraang
English!
Huwag ikahiya ang sariling style sa pagsulat. Yong isang
kaibigan kong nasa Amerika, kung mag-blog, dire-diretso, kung baga sa driver ay
pag-jingle lang ang pahinga. Pero marami ang nag-aapreciate dahil kung sa isang
bulsa ay namimintog sa laman ang mga bina-blog niya. Maingat din siya sa mga
ginagamit na salita dahil refined ang kanyang pagkatao. Kung minsan pa nga ay
cellphone lang ang gamit niya sa pag-blog pero dahil sa tiyaga ay nairaraos
niya ang kanyang passion na mag-share. Ayaw lang niyang ipabanggit ang pangalan
niyang “Ding”, kaya nga ingat na ingat ako at baka magalit siya sa
akin!....oooppppps!
Ang mga blogger ay nagtutulungan sa isa’t isa sa pamamagitan
ng “sharing” o paglilipat ng blogs ng iba sa sarili nilang site. Kaya huwag
isiping ito ay pangongopya o plagiarism. Ang paghanap ng makabuluhang blog
upang maipamahagi ay binabatay sa isip o ideya ng nagsi-share. Dahil gusto ng
nag-share ang nai-share niyang blog, para na rin niyang ideya ito – naunahan
lang siya ng iba. Kaya nga may expression na, “…ah, oo nga ano!”. Para bang
binuhay lang ng nai-share niyang blog ang “natutulog” na ideya sa utak niya.
Ganoon lang…kaya sa mga nagsi-share, ituloy nyo lang!
Ang pagla-like ng blog ay tanda ng pakiki-ayon kaya
lumalabas na ang nag-like ay siya na ring gumawa ng blog, lalo na ang
nag-comment upang ma-enhance o ma-improve ang blog. Ibig sabihin may mga
ideyang hindi nailabas ng blogger na nasa isip ng commentor…na lalong
ikinaganda ng blog!
Kung hindi naman mahilig magsulat, pwede na ring i-share ang
mga nilulutong pagkain upang maturuan ang viewers na walang alam gawin kundi
kumain, at upang hindi alipustahin ng mga mister na naghahanap ng mga pagkaing
lutong-bahay. Maganda ring i-share ang mga litrato ng masasayang yugto ng buhay
– nakaraan man o kasalukuyan lalo na ng pamilya, upang ipaalam sa iba na
mahalaga sa buhay natin ang magpakita ng pagkakuntento sa ibinigay sa atin ng
Diyos.
Ang ibang bloggers ay nagsi-share ng mga kaalaman sa
kalusugan, pagkain, mga bakasyunan, hotel, at marami pang iba tungkol sa buhay
ng tao. Ano pa nga ba at dahil abot-kamay na natin ang isang instrumento upang
makatulong sa kapwa, dapat ay huwag nang palampasin pa ito.
Discussion