0

Dapat Ituring na Inspirasyon ang mga Hadlang sa Pagsisikap

Posted on Monday, 13 April 2015



Dapat Ituring na Inspirasyon
ang mga  Hadlang sa Pagsisikap
Ni Apolinario Villalobos

Para sa isang taong nagsisikap ng taos sa puso, ang mga balakid na nakabalandra sa kanyang landas na tinatahak ay itinuturing niyang ispirasyon. Ang mga karaniwang itinuturing na hadlang sa pagsisikap ay kahirapan, pagkawala ng mga mahal sa buhay, at pagkakaroon ng pisikal na kapansanan.

Marami na tayong nakitang mga taong nakakapagpinta o nakakapagdidibuho pero walang mga kamay, kaya ang ginagamit ay mga daliri sa mga paa o bibig na pang-ipit ng paint brush. Merong mga naka-wheelchair na nagtitinda ng mga kendi at sigarilyo, may mga nagtatrabaho sa mga pagawaan ng piyesa na naka-wheelchair din, may Olympian runner na ang gamit ay mga artipisyal na paa, mayroon ding mga swimmer na iisa ang kamay.

Nagulat ako isang araw nang sa paghinto ng sinasakyan kong dyip sa kanto ng Aguinaldo highway at Niyog, sa Bacoor, Cavite, ay may lumapit na binatilyo at nagsisi-senyas sa mga taong nakatayo at nag-aabang ng masasakyan at itinuturo ang dyip na sinasakyan kong maluwag pa. Barker pala siya o tagatawag ng pasahero ….pero pipi! Sa halip na sumigaw upang makatawag ng pansin, ang gamit niya ay mga kamay na kinakaway. At, ang nakakatuwa pa ay panay ang kanyang ngiti, kaya ang mga pasahero ay natutuwa, lalo na ang mga driver ng jeepney na hindi nag-aatubili sa pagbigay sa kanya ng maraming barya bilang suhol.

Hindi kalayuan sa nasabing lugar ay may isa namang pilay, iisa ang paa at ang saklay na ginagamit ay isang ordinaryong sanga ng kahoy, ang lumalapit sa mga jeepney na humihinto upang magtinda ng sigarilyo at kendi. Kapag naka-stop na ang traffic light, siya ay lumalapit sa mga jeep. Hindi awa ang nararamdaman ng mga tao para sa kanya kundi pagkamangha at pagkatuwa, kaya dahil sa tindi ng kanyang pagsisikap ay marami ang bumibili ng kanyang paninda.

Maliban sa mga nabanggit kong may kapansanan, ang hindi ko maaaring kalimutan ay ang mga batang nakatira sa mga barung-barong sa Baseco compound at bangketa na nakilala ko, na sa kabila ng kahirapan ay nagpipilit na pumasok sa klase. Upang magkaroon ng baon, gumigising sila sa madaling araw upang mag-ipon ng mga reject o itinapon na mga gulay sa Divisoria upang maibenta hanggang ika-anim ng umaga, kung kaylan ay saka pa lang sila magbibihis ng pampasok sa klase.

Ang nag-top sa 2014 Bar Exam para sa mga abogado, si Irene Mae Alcobilla ay biktima ng bagyong Yolanda at nawalan ng mga mahal sa buhay. Sa kabila ng lahat ay hindi siya nawalan ng pag-asa at sa tulong ng mga kapatid niyang OFW ay nairaos ang kanyang pag-aaral at naging topnotcher pa sa pagsusulit.

Ang mga pagsubok sa buhay ay hindi dapat ituring na balakid sa tinatahak nating daan. Dapat silang ituring na inspirasyon at lakas upang lalo pa tayong magpursige sa pakikibaka upang magkaroon ng maayos na pamumuhay sa abot ng makakaya. At, sa halip na sisihin ang Diyos kung bakit tayo binibigyan nito, dapat ay magpasalamat tayo dahil nalilinang ng mga bininibigay niyang “pahirap” ang ating pagkatao upang lalo tayong tumibay.

Ang mga nabanggit ko ay sinabi ko rin sa isang anak ng kumpare ko na walang ganang magpatuloy sa pag-aaral gayong mayaman naman sila. Ang dahilan lamang niya ay ang pagtampo niya sa kanyang ama na ayaw siyang ibili ng kotse!

Discussion

Leave a response