Dahil sa kumalat niyang lipstick...nakilala ko ang isang "anghel"
Posted on Tuesday, 7 April 2015
Dahil sa kumalat
niyang lipstick
…nakilala ko ang
isang “anghel”
Ni Apolinario Villalobos
Nabanggit ko kaylan lang, sa isa kong blog ang tungkol sa
isang babaeng kumalat ang lipstick sa kanyang labi nang dumating sa party na
aking dinaluhan, pero hindi sinabihan ng kaibigan niyang kausap ko. Sa halip ay
hinayaan itong mapahiya. Ako na ang gumawa ng paraan upang masabihan ang babae,
na nalaman kong negosyante pala – may apat siyang karinderya. Madali siyang
makagaanan ng loob at nakakahawa ang positibo niyang pananaw sa buhay. Single
mom siya, may apat na sariling anak na
halos ay magkasunud-sunod ang mga edad – isa sa kolehiyo at tatlo sa high
school, bukod pa sa dalawang ampon na pinag-aaral niya sa elementarya. Ang apat
na nakakatandang mga anak ay tumutulong sa kanya tuwing weekend, sa pagbantay
sa apat niyang karinderya – isa sa Baclaran, isa sa Pasay, at dalawa sa
Divisoria.
Ang babae ay regular na nagbibigay ng donation sa isang
kilalang orphanage sa Maynila na ayaw niyang ipabanggit. Nalaman kong dati pala
siyang ampon din dahil sa murang edad ay namatay ang kanyang mga magulang kaya
naiwan siya sa kalinga ng kanyang lola sa nanay, na hindi kalaunan ay namatay
din kaya napapunta siya sa Maynila – sa Divisoria, sa kanyang tiyahin. Hindi
siya pinag-aral ng kanyang tiyahin na may karinderya, at sa halip ay ginawa
siyang helper, tagahugas ng pinggan at taga-silbi ng pagkain. Ang huling
baytang na inabot niya sa elementarya noong sa probinsiya siya ay grade five.
Sa Maynila, kung hindi pa namatay ang tiyahin niyang may karinderya ay hindi
siya nakapagpatuloy ng pag-aaral, sa tulong ng kumare nito, kung saan ay
nagtrabaho naman siyang kasambahay.
Pinayagan siyang magpatuloy ng elementarya, kaya sa edad na labing-apat na
taong gulang ay saka pa lang siya nakatuntong ng grade six.
Tumuluy-tuloy siya sa pag-aral hanggang makatapos ng high
school. Naiipon niya ang iba sa kanyang allowance na binibigay ng kanyang amo
na nagamit naman niya sa maliit na negosyo maski estudyante pa lang siya. Mula
third year high school, nagdadala siya ng mga pambenta sa kanyang mga kaklase
tulad ng mga burluloy o mga fancy na alahas, panty at t-shirt na binibili niya
ng maramihan sa Divisoria. Naging suki niya ang kinukunan niya ng kalakal at
naging boyfriend din niya ang anak nito.
Nang makatapos ng high school, hindi na siya nagpatuloy sa
college. Nagpaalam siya sa kanyang amo at umupa ng isang maliit na kuwarto sa
isang mataong lugar sa Tondo, sa tabi ng bahay ng isa niyang classmate sa high
school. Pinahiram pa siya ng amo niya ng pera. Ang kuwarto ay nakaharap sa
kalye. Bumili siya ng mga second hand na kawali, kaldero at iba pang gamit
panluto, sa pamamagitan ng naipon niyang pera at pinahiram ng dati niyang amo.
Ang dalawa niyang kalan ay de-uling. Nagluto siya ng mga ulam na inilatag sa
labas ng kanyang kuwarto. Dahil sa karanasan niya noon sa karinderya ay natuto
siya ng iba’t-ibang lutuin. Naging suki niya ang kanyang mga kapitbahay kaya
lumakas ang kanyang negosyo. Tuloy pa rin ang panliligaw sa kanya ng anak ng
kinukunan niya ng mga panty at t-shirts noon, hanggang naging ka- live in niya.
Nang mabakante ang isang malaking katabing kuwarto, lumipat
sila dito, at ang maliit na kuwarto
naman ay ginawa nilang kainan – naging full time na karinderya, kaya lalong
dumami ang kanilang kostumer. Masipag din ang kanyang ka-live in sa pagbuntis
sa kanya, kaya halos nagkasunud-sunod agad ang mga anak nila. Namatay ang asawa
niya sa isang aksidente nang mabangga ang jeep na dinadrayb nito papunta sa isa
nilang karinderya sa Pasay. Sa kabila ng lahat ay hindi siya nasiraan ng loob,
kahit kaluluwal pa lamang niya sa pang-apat na anak.
Nang minsang lumabas siya sa simbahan ng Quiapo pagkatapos
ng Misa, kasama ang mga anak, may sumunod sa kanilang isang tin-edyer na may
dalang sanggol. Nang makatiyempo, nilapitan siya at diretsahang nakiusap na
ampunin ang anak nito, sabay abot ng sanggol. Sa pagkabigla, hindi niya
naibalik ang sanggol sa tin-edyer na umalis agad. Nang umiyak ang sanggol ay
saka pa lang siya parang natauhan… ang mga anak naman niya ay tuwang-tuwa –
grasya daw ang sanggol. Bumalik sila sa simbahan at nagdasal. Bago umuwi sa
Divisoria, bumili muna sila ng mga gamit ng sanggol. Kinuha niyang
tagapag-alaga ang bagong saltang pamangkin ng kapitbahay nila.
Wala pa halos dalawang taon ang inampong bata, nabuntis
naman ang nag-aalaga dito na pamangkin ng kapitbahay niya. Dahil ayaw umako ng
responsibilidad ang disgrasyada, pinaampon niya ang batang iniluwal sa babaeng
ikinukuwento ko, pero sa kasunduang hindi muna siya aalis hangga’t hindi pa ito
umaabot ng hanggang dalawang taong gulang man lang.
Suwerte siya sa kanyang mga anak na lahat ay babae, dahil
kahit isa sa kanila ay walang suwail. Magagalang, mababait, at masipag sa
pag-aaral at sa pagtulong sa kanya. Buhay pa ang kanyang ka-live in nang
magsimula silang magbigay ng bigas sa isang bahay ampunan. Sa simula ay isang
kaban lamang ang binibigay nila, na naging dalawa na nang kalaunan. Kahit
ngayong wala na ang kanyang asawa, dalawang kaban pa rin bawa’t buwan ang
binibigay niya.
Nang ikuwento ko ang mga ginagawa kong maliitang pagtulong
sa iba, agad siyang nag-alok ng alalay, sa pamamagitan ng pag-ako sa pag-aaral
ng dalawang batang nakatira sa bangketa, na ilang kanto ang layo mula sa
kanila. Parang inampon na rin niya dahil sa kanila na rin nakatira, at dahil
nasa high school, nakakatulong pa sa kanya. May iniisip na agad siyang kurso
para sa isa dahil magaling sa computer, kahit sandali pa lang itong maturuan ng
panganay niyang anak. Ang isa naman, bukod sa ganda ng mukha ay may maganda
ring boses, parang si Celine Dion, kaya tuwang-tuwa ang babae dahil mahilig
pala siya sa musika.
Ang party na dinaluhan niya noon kung saan ay bisita din
ako, ay bertdey ng dati niyang amo na itinuturing na niyang nanay, kaya naging
lola na kung ituring ng mga anak niya. Ang isang anak ng dati niyang amo ay
kaibigan ko kaya ako napa-attend sa party. Ang kaibigan naman ng babae na hindi
man lang nagsabi sa kanya na kumalat ang kanyang lipstick ay tindera ng gulay
sa palengke ng Pritil (Tondo), at ang asawa nitong tricycle driver ay adik daw.
Talaga din namang ang grasya ay tuluy-tuloy na dumadating sa
taong hindi maramot!...huwag mainggit sa babae…gayahin siya sa abot ng
makakaya!
Discussion