Ang Pagsusulat ay parang Pagluluto
Posted on Saturday, 4 April 2015
Ang Pagsusulat ay
parang Pagluluto
Ni Apolinario Villalobos
Walang pinag-iba ang pagsusulat kung ihambing sa pagluluto.
Kung sa pagsusulat ay gumagamit ng naangkop na mga kataga upang gumanda ang
isinusulat, ganoon din sa pagluluto na gumagamit ng mga angkop na sangkap upang
sumarap ang pagkaing niluluto.
Ang ibang isinusulat ay may pinaglalaanang partikular na
grupo ng magbabasa tulad ng mga matured na tao, kaya hindi pwede sa mga bata.
Ang mga niluluto ay ganoon din, dahil may mga pagkaing hindi pwede sa may sakit
na diabetes, o mataas ang cholesterol, at iba pa.
Kailangang bukal sa loob ng sumusulat ang ginagawa niya
upang mabasa sa mga linya ang layunin niyang makapagdulot ng kasiyahan. Ang
pagluto ay ganoon din, dahil kailangang malasahan sa bawa’t subo ang sarap na
sanhi ng isang seryosong pagluto – hindi minadali.
Ang mga manunulat ay may istilong sinusunod na dapat ay
tamang-tama lang ang dating – walang yabang kaya hindi nagpipilit na parang
sobra na ang kaalaman, dahil kapag nasobrahan, hindi pa man tapos basahin ang
unang paragraph, maasiwa na ang nagbabasa. Sa pagluluto naman, may mga spices
na nagpapasarap sa niluluto, yong iba ay simpleng betsin lang, “magic sarap”,
toyo, patis o asin…lahat sila pampasarap. Subali’t kung masobrahan ng ano man
sa mga nabanggit, ang niluluto ay nagiging maalat o mapakla o sobrang
maanghang. Kaya sa unang tikim pa lang ng pagkain, dapat masarap na sa panlasa.
Sa pagsusulat, titulo pa lang ay dapat may hatak na ang
dating. Dapat sa pagbasa pa lang nito ay maging curious na ang magbabasa upang
magpatuloy siya. Ganoon din sa pagkaing niluto na kung ilatag ay dapat may
nakakaakit na “presentation”, na sa unang tingin pa lang ay magpapalaway na sa
kakain. Dapat maging curious ang kakain kung masarap ang inihain dahil sa ganda
ng presentation nito.
Sa mga nabanggit, isang bagay ang mahalaga – tama lang ang
timpla. Ganyan din dapat ang buhay natin….dapat nababalanse ang lahat na
nangyayari. Huwag maging “patay” o
walang kabuhay-buhay sa mga ginagawa, o di kaya ay “OA” o trying hard na
nagtataboy ng mga kaibigan.
Discussion