0

Ang Pilipinas....tinitingala noon, inaalipusta ngayon...nirerespeto noon, inaabuso ngayon

Posted on Wednesday, 22 April 2015



Ang Pilipinas
…tinitingala noon, inaalipusta ngayon
…nirerespeto noon, inaabuso ngayon

Ni Apolinario Villalobos

Noong panahon ni Diosdado Macapagal, kinilala ang Pilipinas bilang isa sa mga nangunguna sa pag-export ng mga produktong tulad ng tabako, asukal, mga hibla ng abaca at pati lubid na yari dito, at lalong kilala dahil sa mataas na uri ng bigas na ini-export din. Walang nakakamanghang pangyayari na pagdagsa ng mga Pilipino sa ibang bansa upang magtrabaho na tulad ng nangyayari ngayon. Busy ang karamihan ng mga tao sa pagtatanim, pangingisda, paghahabi ng mga telang tulad ng jablon na kilala din sa ibang bansa. Pinangunahan ni Macapagal ang pagtatag ng MAPHILINDO, samahan ng Malaysia, Pilipinas at Indonesia, at kauna-unahang samahan ng magkakalapit na bansa sa timog silangang Asya. Ang walong piso noon ay katumbas na ng isang dolyar ng Amerika. Nirerespeto ang lahing Pilipino ng buong mundo.

Nang maging presidente si Ferdinand Marcos, lalong nadagdagan ang pagkilala dahil sa kagalingan nitong magsalita. Nagkaroon ng mga bantayog at istruktura na nagdagdag sa mga pagkakakilanlan ng Pilipinas, tulad ng Cultural Center of the Philippines, Folk Arts Theater, Philippine International Convention Center, Folk Arts, Metropolitan Theater, mga ospital na ang espesyalisasyon ay tungkol sa puso, baga at bato. Napalakihan ang Philippine General Hospital. Nagkaroon ang Maynila ng mass transport system na LRT.  Lalong napaigting ang pag-export ng bigas at iba pang produkto. Naging sentro ng mundo ang Pilipinas pagdating sa pananaliksik tungkol sa bigas dahil sa International Rice Research Institute (IRRI) sa Laguna. Unti-unti ring kinilala ang bansa sa larangan ng sining, lalo na sa musika at pelikula. Hindi rin nagpahuli ang mga Pilipina sa larangan ng pagandahan. Lalong tiningala ng mundo ang Pilipinas….naudlot lamang nang nagkaroon ng Martial Law. Inabuso ni Marcos ang tiwala ng mga Pilipino.

Nang mapatalsik si Marcos, pumalit si Cory Aquino, ordinaryong maybahay na may prinsipyo. Subalit itong prinsipyo ay hindi rin ito nagamit upang magkaroon ng pagbabago sa pamamahala ng gobyerno. Napalitan lang ang mukha at pangalan ng mga taong tiwaling umaaligid sa Malakanyang…at mas tiwali pa pala dahil sinamantala ang walang kaalaman ni Cory sa pagpatakbo ng gobyerno.

Nang pinalitan si Cory ng iba pang mga presidente tulad ni Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Arroyo, lalong nadiskaril ang ekonomiya ng bansa. Nagkabentahan ng mga pag-aari ng Pilipinas na ang napagbilhan ay hindi alam kung saan napunta. Ang mga naging popular na kasabihan ay: “what are we in power for”…”weather weather lang yan”…”if you cannot lick them, join them”…at “matira ang matibay”. Ang sabi pa ng iba, mas maganda pa noong panahon ni Marcos dahil iisa lang ang korap, pero, nang mapatalsik ito, dumami na at hindi na nakontrol ang lalong pagdami pa habang napapalitan ang liderato.

Ang mga dapat na taniman ng palay, mais at iba pang produktong agrikultura ay naging subdivision, kaya pati sibuyas at bawang ay inangkat na sa ibang bansa – iniismagel pa!  Ang mga lupain ng gobyerno ay tinayuan ng nagtataasang gusali na pagmamay-ari ng mga dayuhang gumamit ng mga Pilipinong dummy. Pati ang Fort Bonifacio na may bahaging dapat ay nakalaan sa mga retiradong sundalo ay nabenta rin upang may magamit daw sa pagmodernisa ng hukbong sandatahan ng bansa. Subali’t nasaan ang napagbentahan? Nagkaroon nga ng mga modernong istruktura na nangailangan ng mga empleyado, pero kontraktwal naman. Ang mga kakarampot na trabaho ay pinag-aagawan ng mga mga lumolobong dami ng mga nagtatapos sa kolehiyo taon-taon. Dahil dito, lalong dumami ang nangibang-bansa. Tuluyan nang naging dependent ang Pilipinas sa mga remittances ng mga OFWs.

Ngayon, mas lalong tumindi ang sitwasyon dahil ang simpleng pangako ng pangulo na makikinig daw siya sa kanyang mga boss ay hindi niya natutupad. Maraming dapat ay pinaalis na niya sa kanyang gabinete dahil hindi maayos ang trabaho, subali’t pinagkikibit-balikat lamang niya. Hindi nga siya korap, subalit ang mga nakapaligid naman sa kanya ay sinasabing nag-eenjoy sa pangungurakot daw, kaya marami na ang naiimbistigahan. Dawit din siya dahil mistulang kinunsinte niya. Marami ring mga dapat aksyunan ay inuupuan lamang niya lalo na sa pagkumpleto ng plantilya ng mga sangay ng gobyerno na ang iba ay walang hepe.

Sa administrasyong kasalukuyan, halos masaid na ang kaban ng bayan dahil sa kaliwa’t kanang pangungurakot na sinalihan pa ng mga sibilyang NGO. At ang nakakalungkot pa, kahi’t isang hindi nakapagtapos ng kolehiyo ay nagawang maloko ang pamahalaang namumutiktik sa dami ng abogadong opisyal. Sinadya kaya?... o nagbulagbulagan upang maambunan? Kalat na rin sa buong mundo ang tungkol sa bilihan ng boto tuwing eleksiyon sa Pilipinas. Ito ay malayo sa magandang imahe ng election system noon kaya may isang Asyanong bansa na humiling na tulungan sila ng Philippine COMELEC upang magkaroon din ng magandang sistema.

Ang inaanay na sistema ng gobyerno ngayon ay nakakahiya! Dahil dito, halos hindi na nirerespeto ang mga karapatan nito lalo na sa isyu ng West Philippine Sea. Pinagtatawanan ng Tsina ang Balikatan exercises na ginagawa kasama ang mga Amerikano dahil sa tingin nila ay “cute” lang ito…walang binatbat! Hanggang ngayon ay pinaniniwalaan ng Pilipinas ang mga ampaw na pangakong pagtulong daw ng Amerika sakaling may mangyaring masama….sinasabi ito ng mga puti habang nakikipagmabutihan naman sa Tsina!

Ang Organization of Islamic Conference (OIC) ay nakikisawsaw na sa isyu ng BBL para sa planong pagtatag ng Bangsamoro sa Mindanao. Animo ay nananakot pa ang OIC na kung hindi masusunod ang gusto ng MILF ay magkakaroon ng kaguluhan sa Mindanao. Sinundan pa ito ng banta naman ng MNLF na gusto rin nila ng autonomous region, at wala pa diyan ang isyu naman ng separate Islamic State ng BIFF!

Ang nangyayari ngayon sa Pilipinas ay kamalasan daw dahil sa pagkaroon ng isang malamyang lider, ayon sa mga kritiko ng administrasyon. Dahil sa kahinaang ito, nalubog sa putik ng kahihiyan ang isang lahi na noon ay nirerespeto at tinitingala ng buong mundo!...at ang malungkot ay tila imposibleng makabawi pa ang mga Pilipino dahil sa nagsasalikop na mga banta, mula sa timog at hilaga!

Discussion

Leave a response